Tanong
Ano ang ibig sabihin ni Hesus ng Kanyang sabihin na “AKO NGA?"
Sagot
Bilang tugon ni Hesus sa tanong sa Kanya ng mga Pariseo na “Sino ka sa akala Mo?” Kanyang sinabi, “Nagalak ang inyong amang si Abraham na makita ang aking araw; at nakita niya, at natuwa. Sinabi nga sa kaniya ng mga Judio, Wala ka pang limangpung taon, at nakita mo si Abraham? Sinabi sa kanila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Bago ipinanganak si Abraham, ay AKO NGA. Sila nga'y nagsidampot ng mga bato upang ihagis sa kaniya: datapuwa't nagtago si Jesus, at lumabas sa templo” (Juan 8:56-59). Ang marahas na reaksyon ng mga Hudyo ng sabihin ni Hesus na siya si “AKO NGA” ay malinaw na nagpapakita na kanilang malinaw na naunawaan na Kanyang ipinapantay ang Kanyang sarili sa “AKO NGA,” ang titulo na ginamit ng Diyos para sa Kanyang sarili sa Exodo 3:14.
Kung gusto lamang sabihin ni Hesus na naroon na Siya bago pa isinilang si Abraham, gagamitin ni Hesus ang pangungusap na, “Bago si Abraham ay Ako Na.” Ang Griyegong salita na isinalin na “Bago si Abraham ay AKO NGA” ay malinaw na nagsasaad na si Abraham ay may pinanggalingan ngunit si Hesus ay naroon na sa walang hanggan at wala Siyang pinagmulan (Juan 1:1). Walang duda na naintindihan ng mga Hudyo ang nais Niyang ipahiwatig dahil dumampot sila ng bato upang batuhin si Hesus dahil ipinapantay Niya ang Kanyang sarili sa Diyos (Juan 5:18). Ang ganitong deklarasyon, kung hindi totoo, ay isang pamumusong at ang katapat na kaparusahan ayon sa Kautusan ni Moises ay kamatayan (Levitico 24:11-14). Ngunit hindi namusong si Hesus. Siya ay Diyos, ang ikalawang persona ng Trinidad at kapantay Siya ng Ama bilang Diyos.
Ginamit ni Hesus ang parehong parirala na “AKO NGA” sa Kanyang pitong (7) deklarasyon tungkol sa Kanyang sarili. Sa lahat ng deklarasyong ito, ginamit Niya ang mga pigura ng pananalita na naglalarawan ng Kanyang relasyon sa mundo bilang Tagapagligtas. Ito ay ang mga sumusunod: AKO ANG Tinapay ng Buhay (Juan 6:35, 1, 48, 51); AKO ANG Ilaw ng sanlibutan (Juan 8:12); AKO ANG Pintuan ng mga tupa (Juan 10:7, 9); AKO ANG Mabuting Pastol (Juan 10:11, 14); AKO ANG Muling Pagkabuhay at ang Buhay (Juan 11:25); AKO ANG Daan, ang katotohanan at ang Buhay (Juan 14:6); at AKO ANG Tunay na puno ng ubas (Juan 15:1, 5).
English
Ano ang ibig sabihin ni Hesus ng Kanyang sabihin na “AKO NGA?"