Tanong
Ano ang ibig sabihin na si Hesus ay Anak ng Diyos?
Sagot
Si Hesus ay hindi anak ng Diyos sa paraang iniisip natin tulad ng relasyon sa pagitan ng ama at ng anak dito sa lupa. Hindi nag-asawa ang Diyos at nagkaroon ng anak. Si Hesus ay Anak ng Diyos dahil Siya ay Diyos na nagkatawang tao (Juan 1:1, 14). Si Hesus ay Anak ng Diyos at Siya ay nililiman ng Banal na Espiritu sa tiyan ng kanyang ina. Sinasabi ng Lukas 1:35, “Sumagot ang anghel at sinabi sa kaniya: Darating sa iyo ang Banal na Espiritu, at ang kapangyarihan ng Kataas-taasan ang lililim sa iyo. Dahil dito, ang banal na ito na iyong ipapanganak ay tatawaging Anak ng Diyos.” Sa panahon ng Bibliya, ang katagang “anak ng tao” ay ginagamit upang ilarawan ang isang tao. Ang anak ng isang tao ay tao.
Sa panahon ng paglilitis kay Kristo sa harap ng mga pinuno ng mga Hudyo, Sinabi sa Kanya ng pinakapunong-saserdote : “Inuutusan kita sa pamamagitan ng buhay na Diyos. Sabihin mo sa amin kung ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos?”(Mateo 26:63) Sinabi ni Hesus sa kaniya: “Tama ang iyong sinabi. Gayunman, sinasabi Ko sa iyo: Mula ngayon ay makikita mo ang Anak ng Tao na nakaupo, Siya ay makikita mo sa kanang kamay ng Makapangyarihan at dumarating sa mga ulap ng langit” (Mateo 26:64). Pinunit ng pinakapunong-saserdote ang kaniyang damit at sinabi: “Siya ay namusong. Bakit kailangan pa natin ang mga saksi? Narito, narinig ninyo ang kaniyang pamumusong. Ano ang palagay ninyo? Sumagot sila: Siya ay nararapat na mamatay!” (Mateo 26:65-66). Makalipas ang ilang sandal, sinabi ng mga Hudyo kay Pilato, “Kami ay may kautusan at ayon sa aming kautusan, dapat Siyang mamatay sapagkat sinasabi Niya na Siya ay Anak ng Diyos” (Juan 19:7). Bakit ang pag-aangking “Anak ng Diyos” ay maituturing na pamumusong sa Diyos at nararapat na hatulan ng kamatayan? Nauunawaan ng mga pinuno ng mga Hudyo ang ibig sabihin ni Hesus ng kanyang sabihin na Siya ay “Anak ng Diyos.” Ang pagiging “Anak ng Diyos” ay nangangahulugan na magkapareho sila ng katangian ng Diyos Ama. Ang pag-angkin ninuman na siya ay Diyos ay pamumusong sa Diyos ayon sa mga pinuno ng mga Hudyo. Dahil dito nais nilang mamatay si Hesus. Malinaw na ipinahayag ito sa Hebreo 1:3, “Siya ang kaliwanagan ng kaluwalhatian ng Ama at ang ganap na kapahayagan ng pagka-Diyos ng Ama. Siya ang humahawak ng lahat ng bagay sa pamamagitan ng salita ng Kaniyang kapangyarihan. Pagkatapos Niyang gawin ang paglilinis sa ating mga kasalanan, umupo Siya sa kanan ng Kamahalan sa kaitaasang dako.”
Ang isa pang halimbawa sa kahulugan ng pagiging “anak” na hindi ayon sa pagpapakahulugan ng tao ay matatagpuan sa Juan 17:12 kung saan inilarawan si Hudas bilang “anak ng kapahamakan.” Sinasabi rin ng Juan 6: 71 na si Hudas ay anak ni Simon. Ano ba ang ibig sabihin ng Juan 17: 12 noong inilarawan nito si Hudas na “anak ng kapahamakan?”Ang salitang kapahamakan ay nangangahulugan na “pagkasira, pagkawasak o pagbasura.” Si Hudas ay hindi literal na anak ng “pagkasira, pagkawasak o pagbasura.” Subalit ang mga bagay na ito ang makikita sa buhay ni Hudas. Si Hudas ay larawan ng kapahamakan. Sa kaparehong pagpapakahulugan, si Hesus ay Anak ng Diyos. Ang Anak ng Diyos ay Diyos. Si Hesus ay ang Diyos na nagkatawang tao (Juan 1:1, 14).
English
Ano ang ibig sabihin na si Hesus ay Anak ng Diyos?