Tanong
Si Hesus ba si Arkanghel Miguel?
Sagot
Hindi si Hesus si Arkanghel Miguel. Hindi kailanman ipinakilala si Hesus bilang si Miguel (o alinman sa iba pang anghel). Inilatag sa Hebreo 1:5-8 ang malinaw na pagkakaiba sa pagitan ni Hesus at ng mga anghel: “Sapagka't kanino nga sa mga anghel sinabi niya kailan man, Ikaw ay aking Anak, Ikaw ay aking ipinanganak ngayon? at muli, Ako'y magiging kaniyang Ama, At siya'y magiging aking Anak? At muli nang dinadala niya ang panganay sa sangkalupaan ay sinasabi, At sambahin siya ng lahat ng mga anghel ng Dios. At sinasabi niya tungkol sa mga anghel, Yaong ginagawang mga anghel niya ang mga hangin, At ang kaniyang mga ministro ay ningas ng apoy: Nguni't tungkol sa Anak ay sinasabi, Ang iyong luklukan, Oh Dios, ay magpakailan man; At ang setro ng katuwiran ay siyang setro ng iyong kaharian.’” Ang herarkiya sa mga nabubuhay sa langit ay binigyang linaw sa talatang ito – sinasamba ng mga anghel si Hesus, at bilang Diyos, Siya lamang ang karapatdapat sa pagsamba. Walang anghel ang sinamba kailanman sa buong Kasulatan. Kaya nga si Hesus (na karapatdapat sa pagsamba) ay hindi maaaring maging si Arkanghel Miguel din o kahit sinong anghel (na hindi karapatdapat sa pagsamba). Ang mga anghel ay tinatawag na mga anak ng Diyos (Genesis 6:2-4; Job 1:6; 2:1; 38:7), ngunit si Hesus ANG Anak ng Diyos (Hebreo 1:8; Matthew 4:3-6).
Maaaring si Arkanghel Miguel ang pinakamatas ang posisyon sa lahat ng mga anghel. Si Miguel ang tanging anghel sa Bibliya na tinawag na “Arkanghel” (Judas talata 9). Gayunman, si Miguel ay isa lamang anghel. Hindi siya Diyos. Ang malinaw na pagkakaiba sa kapangyarihan at kapamahalaan ni Hesus at ni Arkanghel Miguel ay makikita sa pagkukumpara sa pagitan ng Mateo 4:10, kung saan sinaway ni Hesus si Satanas, at sa Judas 9, kung saan hindi nangahas si Arkanghel Miguel na “gumamit laban sa kaniya ng isang hatol na may pagalipusta, kundi sinabi, sawayin ka nawa ng Panginoon. Si Hesus ang Diyos na nagkatawang tao (Juan 1:1,14). Si Arkanghel Miguel ay isang makapangyarihang anghel, ngunit nananatiling isa lamang anghel.
English
Si Hesus ba si Arkanghel Miguel?