settings icon
share icon
Tanong

Araw ba ng Biyernes noong ipinako si Hesus sa krus?

Sagot


Hindi direktang tinukoy sa Bibliya kung anong araw ipinako si Hesus sa krus. Ang dalawang pinaniniwalaang araw ng pagpako kay Hesus ay Biyernes at Miyerkules. Samantalang ang ilan ay naniniwala na ang araw ng Huwebes ng ipako si Hesus sa krus.

Sinabi ni Hesus sa Mateo 12:40 “Ito ay sapagkat kung paanong si Jonas ay nasa loob ng tiyan ng balyena sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi, gayundin naman ang Anak ng Tao. Siya ay pupunta sa kailaliman ng lupa sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi.” Yaong mga naniniwala na ipinako si Hesus sa krus ng araw ng Biyernes ay ginagamit na katwiran ang pananatili ni Hesus sa libingan ng tatlong araw. Sa isipan ng mga Hudyo noong unang siglo, ang isang bahagi ng araw ay kinukonsidera ng buong araw. Dahil si Hesus ay nasa libingan na noong hapon ng araw ng Biyernes, buong araw ng Sabado at bahagi ng araw ng lingo, ikinukonsidera na Siya ay nasa libingan sa loob ng tatlong araw. Isa sa mga nangungunang argumento na araw ng Biyernes siya inilibing ay matatagpuan sa aklat ng Marcos 15:42 kung saan sinasabi na si Hesus ay ipinako sa krus “isang araw bago ang araw ng pamamahinga.” Kung ang araw ng pamamahinga ay Sabbath o Sabado, kung gayon si Hesus nga ay ipinako sa krus ng araw ng Biyernes at inilibing din naman ng hapon ng Biyernes. Ang isa pang argumento na si Hesus ay inilibing ng araw ng Biyernes ay ang Mateo 16:21 at Lukas 9:22. Sinasabi sa mga talatang ito na si Hesus ay muling mabubuhay pagkatapos ng tatlong araw, samakatuwid hindi na Niya kailangang manatili sa libingan ng buong tatlong araw at buong tatlong gabi upang makumpleto ang tatlong araw. Sa kabila nito, gumamit ang ilang nagsalin ng Bibliya ng mga salitang “ikatlong araw” sa mga talatang nabanggit. Kaya't hindi lahat ay samasang-ayon na ito ang pinakamainam na paraan na pagsasalin ng wika sa mga salitang “sa ikatlong araw.” Sinasabi rin sa aklat ng Markos 8: 31 na si Hesus ay muling mabubuhay “matapos” ang tatlong araw.

Ang mga may argumento naman na Huwebes inilibing si Hesus ay ikinakatwiran na napakaraming mga pangyayari (ang ilan ay umaabot ang bilang sa dalawampu) ang nangyari sa pagitan ng paglilibing kay Kristo at Linggo ng umaga. Ipinagdidiinan nila na magiging problema kung ang tanging buong araw sa pagitan ng Biyernes at Linggo ay araw ng Sabado, ang araw ng pamamahinga ng mga Hudyo. Sinasabi nila na ang pagdadagdag ng isang araw o dalawa ay mag-aalis ng ganitong problema. Ang mga sumusuporta sa araw ng Huwebes ay puwedeng magdahilan na: ipalagay nating hindi mo nakita ang iyong kaibigan simula Lunes ng gabi. Noong makita mo siya Huwebes na ng umaga at sinabi mong, “Hindi kita nakita ng tatlong araw” kahit na ang katotohanan ay animnapung oras (2.5 na araw) pa lang ang nakakalipas. Kung si Hesus ay ipinako sa krus sa araw ng Huwebes, literal ngang si Hesus ay nanatili sa libingan sa loob ng tatlong araw.

Ang iba naman na naniniwala na Miyerkules inilibing si Hesus ay nagsasabing may dalawang araw ng pamamahinga noong Linggong iyon. Matapos ang una, (ang nangyari noong gabing ipinako sa krus si Hesus, Markos 15:42; Lucas 23:52-54) ang mga babae ay bumili ng mga pabango. Sinasabi nila na isinagawa nila ang kanilang pagbili matapos ang araw ng pamamahinga (Markos 16:1). Pinanghahawakan nila na ang “araw ng pamamahingang” ito ay ang “Paskuwa” (tingnan ang Levitico 16:29-31; 23:24-32, 39 kung saan ang mga banal na araw ay hindi kinakailangan na ikapitong araw ng linggo, na siyang tumutukoy sa araw ng pamamahinga). Ang pangalawang araw ng pamamahinga noong Linggong iyon ay ang karaniwang araw ng Sabado. Tandaan na sa Lukas 23:56, ang mga babae ay bumili ng pabango matapos ang unang araw ng pamamahinga, at bumalik at inihanda ang mga pabango at pagkatapos “nagpahinga sila sa araw ng pamamahinga” (Lukas 23:56). Ang argumentong ito ay nagsasabing hindi nila pwedeng bilhin ang pabango matapos ang araw ng pamamahinga, kundi inihanda nila ang naturang mga pabango bago pa man ang araw ng pamamahinga; maliban kung may dalawang araw ng pamamahinga. Sa argumento na may dalawang araw ng pamamahinga, kung si Kristo ay ipinako sa krus ng araw ng Huwebes at ang Banal na araw ng pamamahinga (Passover) ay nagsimula sa paglubog ng araw ng Huwebes at natapos sa paglubog ng araw ng Biyernes, sa pagsisimula ng lingguhang araw ng pamamahinga o Sabado. Nangangahulugang ang mga babae na bumili ng pabango sa araw ng Sabado ay sumuway sa batas ukol sa araw ng pamamahinga.

Sa pananaw na ito, upang hindi sumuway ang mga babae sa batas ukol sa araw ng pamamahinga sa pagbili nila ng pabango at ang literal na pagpapakahulugan nila sa Mateo 12:40, kailangang si Kristo ay ipinako sa krus sa araw ng Miyerkules. Para sa kanila, ang araw ng pamamahinga (Passover) ay nangyari sa araw ng Huwebes. Ang mga babae ay bumili ng pabango sa araw ng Biyernes pagkatapos ay bumalik at inihanda ang mga pabango sa parehong araw. Nagpahinga sila sa araw ng Sabado na siyang araw ng pamamahinga, at dinala ang mga pabango sa libingan umaga ng Linggo. Inilibing si Hesus bago lumubog ang araw ng Miyerkules, kaya ang unang araw niya sa libingan ay nagsimula sa araw ng Huwebes sa kalendaryo ng mga Hudyo. Kung gagamitin ang kalendaryong Hudyo, Huwebes ng gabi (unang gabi) at araw ng Huwebes (unang araw), Biyernes ng gabi (ikalawang gabi), araw ng Biyernes (pangalawang araw), Sabado ng gabi (ikatlong gabi) at araw ng Sabado (pangatlong araw). Hindi itinala ang eksaktong oras ng araw ng Linggo kung kailan nabuhay na mag-uli si Hesus, ngunit alam natin na nangyari ito bago sumikat ang araw noong araw ng Linggo (Juan 20:1), pumunta si Maria Magdalena “habang madilim pa” at natagpuang naigulong na ang bato sa pintuan ng libingan at natagpuan niya si Pedro at sinabihan niya ito na “kinuha nila ang Panginoon sa libingan.” Samakatuwid, maaring nabuhay na mag-uli si Hesus paglubog ng araw noong gabi ng Sabado, na unang araw naman ng Linggo para sa mga Hudyo.

Ang problema sa paniniwala na Miyerkules inilibing si Hesus ay ang paglakad ng mga disipulo kasama si Kristo sa daan patungo sa Emmaus. Ito ay nangyari sa “kaparehong araw” ng muling pagkabuhay ni Hesus (Lukas 24: 13). Ibinigay Siya ng mga pinunong saserdote at ng mga pinuno namin upang hatulang mamatay at ipako sa krus (24:20) at sinabing “Ngunit umaasa kami na siya ang tutubos sa Israel. Bukod pa dito, ngayon ang ikatlong araw mula nang mangyari ang mga bagay na ito” (24:21). Mula Miyerkules hanggang Linggo ay apat na araw. Ang dahilan ng paniniwalang ito ay itinuturing nila na Miyerkules ng gabi inilibing si Hesus, at ang unang araw Niya sa libingan ay nagsimula sa araw ng Huwebes, kaya't mula araw ng Huwebes hanggang araw ng Linggo ay mabibilang nga na tatlong araw.

Sa kabila ng mga interpretasyong ito, hindi ganoon kahalaga na malaman kung anong araw ipinako sa krus si Hesus. Kung napakahalaga nito sa kaligtasan, maliwanag sanang inilahad ng Diyos ang eksaktong araw ng pagpako kay Hesus sa krus. Ang higit na mahalaga ay namatay Si Hesus at muling nabuhay mula sa mga patay. Ang isa pang mas higit na mahalaga kaysa sa araw ng kanyang kamatayan ay ang dahilan kung bakit Siya namatay at iyon ay upang akuin ang kaparusahan na nararapat para sa mga makasalanan. Sinasabi sa Juan 3:16 at 3:36 na ang mga mananampalataya sa Kanya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan!

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Araw ba ng Biyernes noong ipinako si Hesus sa krus?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries