settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin na si Hesus ang ating Dakilang Saserdote?

video
Sagot


Ang Dakilang Saserdote ay isa lamang sa maraming titulo na itinawag kay Hesus gaya ng Mesiyas, Tagapagligtas, Anak ng Diyos, Kaibigan ng mga makasalanan at iba pa. Ang bawat isa sa mga titulong ito ay naglalarawan ng partikular na aspeto ng Kanyang pagka Diyos at kung sino Siya sa atin. Sa aklat ng Hebreo, tinawag si Hesus na Dakilang Saserdote (Hebreo 2:17; 4:14). Ang salitang “saserdote” ay nagsasaad ng dalawang pangunahing kahulugan. Una, nangagahulugan ito ng pagiging tagapamagitan sa isang gawaing pangrelihiyon. Ikalawa, nangangahulugan ito ng isang banal na ibinukod upang magsakatuparan ng mga gawaing panrelihiyon.



Ang unang sitas sa Bibliya kung saan ginamit ang salitang ito ay sa Genesis 14. Ang kaibigan ng Diyos na si Abraham ay nakipaglaban upang iligtas ang kanyang pamangking si Lot na binihag ng mga sundalo ng Elam. Sa kanyang pagbabalik, nagkita sila ni Melquisedek, ang hari ng Salem at saserdote ng Kataas-taasang Diyos. Binasbasan ng taong ito (na ang pangalan ay nangangahulugan na “hari ng katarungan”) si Abraham dahil sa pagbibigay sa kanya ng tagumpay ng Diyos. Bilang pasasalamat, ipinagkaloob ni Abraham ang ikasampung bahagi ng lahat ng kanyang samsam kay Melquisedek. Ang kanyang ginawang ito ay nagpapakilala na kinilala ni Abraham ang posisyon ni Melquisedek bilang saserdote ng Kataas taasang Diyos.

Pagkalipas ng maraming taon, itinalaga ng Diyos ang apo sa tuhod ni Abraham na si Levi upang maging Ama ng lipi na panggagalingan ng mga saserdote. Nang ibigay ng Diyos ang kautusan sa Bundok ng Sinai, ipinakilala ang mga Levita bilang mga lingkod sa Tabernakulo, habang ang pamilya naman ni Aaron ang magsisilbing mga saserdote. Ang mga saserdote ay responsable sa pamamagitan sa Diyos at sa kanilang bayan sa pamamagitan ng paghahandog ng mga hayop na susunugin ayon sa itinakda ng Kautusan. Mula sa mga saserdote, may isang pipiliin upang maging Dakilang Saserdote at papasok siya sa dakong kabanal-banalan isang beses isang taon sa Araw ng Katubusan upang iwisik ang dugo ng handog na hayop sa luklukan ng Awa ng Kaban ng Tipan (Hebreo 9:7). Sa pamamagitan ng araw araw at taunang paghahandog, pansamantalang napapawi ang poot ng Diyos sa kasalanan ng mga tao hanggang sa dumating ang Mesiyas upang ang mga kasalanang iyon ay ganap na maalis.

Nang tawagin si Hesus na ating Dakilang Saserdote, ito ay tumutukoy sa parehong pagkasaserdote na gaya ng kay Melquisedek. Siya ay itinalaga bilang saserdote na hindi sakop ng Kautusan na ibinigay sa bundok ng Sinai (Hebreo 5:6). Gaya ng pagkasaserdote ng mga Levita, naghandog si Hesus ng handog upang ganapin ang Kautusan ng Diyos ng kanyang ihandog ang Kanyang sarili para sa ating mga kasalanan (Hebreo 7:26-27). Hindi gaya ng pagkasaserdote ng mga Levita, na kailangang paulit-ulit na maghandog araw-araw, kinailangan lamang ni Hesus na maghandog ng isang beses upang ganapin ang walang hanggang pagtubos sa mga taong lalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanya (Hebreo 9:12).

Ang isa pang mahalagang bagay tungkol sa pagka-saserdote ni Hesus ay itinalaga ang bawat saserdote mula sa mga tao. Si Hesus, bagamat Siya ay Diyos mula sa walang hanggan ay naging tao upang maghandog ng Kanyang sariling buhay at magsilbing Dakilang Saserdote (Hebreo 2:9). Bilang tao, naranasan Niya ang lahat ng limitasyon at tukso na ating nararanasan upang personal Siyang makabahagi sa ating mga kahirapan (Hebreo 4:15). Higit si Hesus sa kaninumang saserdote kaya tinatawag Siya na “lubhang Dakilang Saserdote” sa Hebreo 4:14, at ito ang nagbibigay sa atin ng lakas ng loob na lumapit sa trono ng Biyaya “upang tayo'y magsipagtamo ng awa, at mangakasumpong ng biyaya upang tumulong sa atin sa panahon ng pangangailangan” (Hebreo 4:16).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin na si Hesus ang ating Dakilang Saserdote?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries