settings icon
share icon
Tanong

Ano ang “hypostatic union”? Paano mangyayari na si Hesus ay tunay na Diyos at tunay na Tao rin sa parehong panahon?

video
Sagot


Ang “hypostatic union” ay isang termino na ginagamit upang ipaliwanag na sa kabila ng pagkakatawang tao ni Hesus ay nanatili pa rin ang Kanyang pagka-Diyos. Hindi kailanman nawala ang pagiging Diyos ni Hesus (Juan 8:58, 10:30). Ngunit sa inkarnasyon, Siya ay naging totoong tao (Juan 1:14). Ang pagdagdag ng kalikasan ng pagiging tao sa Kanyang kalikasan bilang Diyos ang dahilan kung bakit si Hesus ay tunay na Diyos at tunay na Tao. Ito ang “hypostatic union,” si Hesu Kristo ay iisang tao ngunit Siya ay tunay na Diyos at Tunay na tao din naman.


Ang dalawang kalikasang ito ni Hesus, ang Kanyang pagka Diyos at pagiging tao ay hindi mapaghihiwalay. Si Hesus ay mananatiling Diyos at Tao magpakailanman, dalawang magkaibang kalikasan sa isang persona. Ang pagiging Tao at pagiging Diyos ni Hesus ay hindi magkahalo ngunit nagkakaisa at hindi naaapektuhan ang isa't isa. Noong narito pa sa lupa si Hesus, gumagawa minsan ayon sa limitasyon ng Kanyang pagiging tao (Juan 4:6, 19:28) at may mga pagkakataon naman sa Siya ay kumikilos ayon sa kapangyarihan ng Kanyang pagka Diyos (Juan 11:43; Mateo 14:18-21). Sa parehong pagkakataon ang mga pagkilos na iyon ay mula sa iisang persona. Si Hesus ay may dalawang kalikasan ngunit may iisang personalidad.

Ang doktrina ng “hypostatic union” ay isang pagtatangka na ipaliwanag kung papaanong si Hesus ay tunay na tao at tunay na Diyos din naman. Gayunman, wala itong kakayahang ipaliwanag ng lubusan ang doktrinang ito dahil sa limitadong kaalaman ng tao. Imposible para sa tao na lubos na maunawaan ang pagkilos at isip ng Diyos. Tayo, bilang mga tao na may limitadong kaisipan ay hindi makaaasa na kaya nating maunawaan ng lubos ang isipan ng walang hanggang Diyos. Si Hesus, ang Anak ng Diyos ay nililiman ng Banal na Espiritu (Lukas 13:5). Ngunit hindi ito nangangahulugan na wala pa si Hesus bago siya ipanganak. Si Hesus ay naroon na bago pa ang paglikha (Juan 8:58, 10:30). Nang ipagbuntis Siya ni Maria, Siya ay naging tao, isang kalikasan na Kanyang idinagdag sa kanyang pagka Diyos (Juan 1:1, 14).

Si Hesus ay tunay na Diyos at tunay na Tao. Siya ay Diyos na noon pa man ngunit hindi Siya naging tao maliban sa panahon noong Siya ay ipagbuntis ni Maria. Naging tao si Hesus upang makisimpatya sa atin sa ating mga paghihirap (Hebreo 2:17) at higit sa lahat upang mamatay sa krus upang tubusin ang ating mga kasalanan (Filipos 2:5-11). Sa pagbubuod, ang “hypostatic union” ay ang doktrina na si Hesus ay tunay na Diyos at tunay na Tao, walang paghahalo o paghihiwalay sa dalawang kalikasang ito at Siya ay iisang persona na tataglayin ang dalawang kalikasang ito magpakailanman.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang “hypostatic union”? Paano mangyayari na si Hesus ay tunay na Diyos at tunay na Tao rin sa parehong panahon?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries