settings icon
share icon
Tanong

Si Hesus ba ay kathang-isip lamang? Ang kwento ba ni Hesus ay ginaya lamang sa mga kwento ng mga paganong relihiyon?

video
Sagot


Marami-rami rin ang nagsasabi na ang kwento ng buhay ni Hesus na naisulat sa Bagong Tipan ay mga kathang-isip lamang at nahiram lang na kwento sa mga paganong alamat, gaya ng kwento ni Osiris, Dionysius, Adonis, Attis at Mithras. Sinasabi ng iba na ang kwento ng buhay ni Hesus ay kathang-isip lamang. Ayon nga sa isang manunulat ng The Da Vinci Code na si Dan Brown, “Walang kwento sa Kristiyanismo ang orihinal.”



Upang ating malaman kung totoo ang sinasabing ito na ang kwento ng buhay ni Hesus sa Ebanghelyo ay mga hiram na kwento lamang, mahalaga na (1) saliksikin natin ang kasaysayan sa likod ng kanilang mga sinasabi, (2) siyasatin natin ang mga aktwal na paglalahad ng panitikan ng mga paganong diyus-diyosan na ito na ihinahalintulad kay Hesus, (3) isiwalat ang anumang maling bintang na ayon sa kanilang pangangatwiran, at (4) tingnan kung bakit ang mga ebanghelyo ng Bagong Tipan ay mapagkakatiwalaang salaysay ng mga totoong nangyari sa buhay ng tunay na Hesus ayon sa kasaysayan.

Ang katuruan na kathang-isip lamang ang buhay ni Hesus ay galing sa panulat ng mga liberal na mga teologo sa Alemanya noong ikalabing siyam na siglo. Kanilang sinasabi na ang ebanghelyo ay isa lamang panggagaya ng mga alamat kung saan ang mga diyus-diyosan ay namatay at nabuhay tulad ng mga kwento ni Tammuz sa Mesopatamia, Adonis sa Syria, Attis sa Asia Minor at Horus sa Ehipto. Banggitin na rin natin na wala ni isa sa mga iskolar nung panahon ng mga teologong Aleman ang sineryoso ang paghahalintulad kay Hesus sa mga alamat na ito. Halimbawa, ang sinasabi na si Hesus ay kinopya lamang galing sa kwento ni Tammuz ay sinuri subalit natagpuang wala talagang basehan. Nitong panahon na lamang natin ngayon muling nabuksan ang isyung ito dahil marahil sa kasikatan ng Internet at malawakang pagbabahagi ng mga katuruan ang nanggaling sa mga walang basehang kwento.

Maaari na natin ngayong suriin kung ang mga diyus-diyosan na kathang-isip lamang ng mga nakaraang panahon ay sumasalamin sa buhay ni Hesus. Halimbawa, ang pelikulang Zeitgeist ay may mga panukala tungkol sa diyus-diyosan ng mga sinaunang taga-Ehipto na si Horus:

“Ang petsa ng kapanganakan ni Horus ay Disyembre 25. Ang kanyang ina ay si Maria.”
“Isang tala sa silangan ang nag anunsiyo ng kanyang kapanganakan.”
“Tatlong hari ang bumisita para ipagdiwang ang bagong silang na tagapagligtas.”
“Siya ay nagturo sa murang gulang na 12.”
“Siya ay nabawtismuhan sa gulang na 30 at nagsimula siyang magministeryo.”
“Siya ay may 12 disipulo.”
“Siya ay pinagkanulo.”
“Siya ay pinako sa krus.”
“Siya ay nalibing ng tatlong araw.”
“Siya ay nabuhay na muli pagkatapos ng tatlong araw.”

Subalit kung ating susuriing mabuti ang mga aktwal na panitikan patungkol kay Horus, matutuklasan natin ang mga sumusunod:

1) Ang ina ni Horus ay nagngangalang Isis. Walang nabanggit sa anumang kasaysayan na siya ay tinawag na Maria. Bukod pa rito, ang pangalang “Maria” ay isang tinagalog na pangalan galing sa “Miryam” o “Miriam.” Ni minsan hindi ginamit sa orihinal na wika ng Bibliya ang pangalang “Maria.”

2) Si Isis ay hindi isang birhen; siya ay balo ni Osiris. Si Horus ay anak ni Isis kay Osiris.

3) Si Horus ay ipinanganak sa buwan ng Khoiak (Oktubre/Nobyembre) at hindi Disyembre 25. Bukod pa dito, walang binanggit na petsa ng kapanganakan ni Kristo sa Bibliya.

4) Walang tala sa pagbisita ng tatlong hari sa araw ng kapanganakan ni Horus. Hindi binanggit sa Bibliya ang aktwal na bilang ng mga pantas na bumisita kay Hesus.

5) Hindi tagapagligtas si Horus sa anumang paraan dahil hindi naman siya namatay para kaninuman.

6) Walang tala sa kasulatan na si Horus ay naging isang guro sa gulang na 12.

7) Hindi binawtismuhan si Horus. Ang natatanging salaysay na may kinalaman ang tubig ay sa isang kwento kung saan si Horus ay pinagpira-piraso at inutusan ni Isis ang isang diyus-diyosang buwaya na hanguin sa ilog ang kanyang anak.

8) Hindi nagministeryo si Horus

9) Walang 12 disipulo si Horus. Ayon sa mga panitikan tungkol kay Horus, siya ay may apat na maliliit na diyus-diyosan at may 16 na taong tagasunod. Mayroon din siyang mga kasamang panday na hindi matukoy ang eksaktong bilang na kasa-kasama niya sa mga digmaan.

10) Walang salaysay na si Horus ay pinagkanulo ng isang kaibigan.

11) Hindi namatay si Horus sa pamamagitan ng pagpako sa krus. Maraming kwento tungkol sa pagkamatay ni Horus subalit ni isa ay walang nagsasabi na ipinako siya sa krus.

11) Wala ring salaysay na si Horus ay inilibing at nanatili sa libingan sa loob ng tatlong araw.

12)Hindi rin si Horus nabuhay na mag-uli. Walang salaysay na ang kanyang katawan na inilibing ay lumabas sa kanyang libingan. Ang ibang mga salaysay ay nagsasabi na si Horus/Osiris ay binuhay muli ni Isis upang maghari sa impiyerno.

Kung ating ikukumpara si Hesus kay Horus kung may pagkakahalintulad man ay napakaliit at walang anumang pagkakahawig sa pagkakakilanlan ng dalawa.

Si Hesus ay ihinahalintulad din kay Mithras ng mga taong nagsasabi na si Siya ay isang kathang-isip lamang. Lahat ng mga paglalarawan kay Horus sa itaas ay ginamit din kay Mithras (Halimbawa: ipinanganak ng isang birhen, ipinako sa krus, nabuhay na mag-uli makalipas ang tatlong araw, at iba pa). Ngunit ano nga ba ang aktwal na kuwento ng kathang isip na si Mithras?

1) Si Mithras ay nanggaling sa isang bato, at hindi sa isang babae.

2) Nakipaglaban muna siya sa araw at pagkatapos ay sa isang toro na ipinapalagay na unang nilalang. Pinatay ni Mithras ang toro na siyang naging simula ng buhay ng buong sangkatauhan.

3) Ang kapanganakan ni Mithras ay ipinagdiriwang tuwing Disyembre 25, kasabay ng “winter solstice.”

4)Walang binanggit na siya ay isang dakilang guro.

5) Walang binanggit na si Mithras ay may 12 disipulo. Ang ideya na si Mithras ay may 12 disipulo ay nanggaling marahil sa isang “mural” kung saan napapaligiran siya ng 12 zodiac signs.

6) Si Mithras ay hindi nabuhay na mag-uli dahil hindi naman siya namatay. Ayon sa kwento, nang matapos na niya ang kanyang misyon dito sa lupa, siya ay dinalang buhay sa paraiso lulan ng isang karwahe. Ang Kristiyanong manunulat noong ikalawang siglo na si Tertullian ay nagsabi na ilang mga Mithraic na kulto ang umaarte sa entablado para ilahad ang pagkabuhay na muli ni Mithras. Nangyari ito pagkatapos na maisulat ang Bagong Tipan; kaya't kung mayroon mang komopya kung kanino ay tiyak na ang Mithraism hindi ang Kristiyanismo.

Marami pang mga kwentong kathang isip ang maaari nating maibigay tulad ng kwento ni Krishna, Attis, Dionysius at iba pang mga diyus-diyosan noong unang panahon subalit ang resulta nito ay pareho lamang. Ang Hesus ng kasaysayan na inilalahad sa Ebanghelyo ay namumukod-tangi. Ang paghahalintulad ng kwento ni Hesus sa mga lumang alamat ay masyadong eksaherado. Dagdag pa dito, kahit pa nauna ang mga kwento ni Horus at Mithras kasaysayan ng mundo, wala tayong masyadong kinakikitaang katibayan sa kasaysayan ng mga kwentong ito. Ang karamihan sa mga kwento na may paghahalintulad kay Hesus ay mga kwentong naisulat sa panahon noong ikatlo at ikaapat na siglo matapos ang kapanganakan ni Hesus. Kaya naman maaari nating sabihin na ang mga kwentong ito ang siyang nangopya sa kwento ni Hesus.

Ngayon naman ay ating suriin ang maling pangangatwiran ng mga nagsasabing nanghiram ng kwento ang mga Kristiyano sa mga mitolohiyang pagano. Dalawang maling pangangatwiran ang ating pag aaralan: maling akala sa pinagmulan at maling paggamit ng terminolohiya.

Kapag ang isang pangyayari (B) ay sumunod sa isa pang pangyayari (A), may magpapalagay na ang dahilan ng A ay B. Subalit isipin natin ito: ang isang tandang ay maaaring tumilaok bago sumikat ang araw tuwing umaga ngunit hindi iyon nangangahulugan na ang pagsikat ng araw ay nakasalalay sa pagtilaok ng tandang. Kahit na may mga nauna pa sa Kristiyanismo na mga kwentong kathang-isip, hindi nangangahulugan na kinopya ng Kristiyanismo ang mga kwentong iyon. Hindi rin ito magiging dahilan upang magimbento ang mga manunulat ng bagong Tipan ng isang huwad na Hesus. Ang ganitong pangangatwiran ay maihahalintulad sa pagaakala na ang serye sa TV na Star Trek ang naging dahilan ng Space Shuttle Program ng NASA.

Ang maling paggamit ng terminolohiya ay nangyayari kung ang mga salita ay iniiba ang kahulugan para sa pansariling layunin. Halimbawa nito ay ang pelikulang Zeitgeist kung saan sinabi na si Horus ay nagsimula ng kanyang “ministeryo” ngunit ang kahulugan ng salitang ministeryo ay binago at hindi katulad ng “ministeryo” ni Hesus. Nangyayari din ito sa paghahalintulad kay Hesus at Mithras patungkol sa “bawtismo.” Kapag nagbabawtismo ang mga pari ng kulto ng Mithras, inilalagay nila ang babawtismuhan sa loob ng isang hukay. Pagkatapos magsasabit sila ng isang toro sa ibabaw ng hukay at lalaslasin ang tiyan ng hayop upang mapaliguan ng dugo ng toro ang babawtismuhan. Ang ritwal na ito ay walang pagkakahalintulad sa pagbabawtismo sa Kristiyanismo kung saan ang babawtismuhan ay ilulubog sa tubig (bilang simbolo ng pagkamatay ni Hesus) at saka iaahon (simbolo ng pagkabuhay na muli ni Hesus). Subalit ang mga nagsasabing magkahintulad si Mithras at si Hesus ay iniiba ang kahulugan ng mga

“terminolohiya” upang gawing magkahalintulad ang dalawang kwento.

Ito ang magdadala sa atin sa paksa ng katotohanan ng Bagong Tipan. Wala pang panitikan sa malayong nakaraan ang nagtataglay ng napakaraming ebidensya na pinatotohanan ng kasaysayan. Ang mga manunulat ng Bagong Tipan ay may kakayahan, mas marami (9) at mga naunang manunulat ng panahong iyon. Tangi sa mga ito, pinatunayan ng kasaysayan na ang mga manunulat na ito ay pinatotohanan na namatay at nabuhay na mag-uli si Hesus. Bagama't maaaring may mamatay para sa isang kasinungalingan na ipinalalagay nilang totoo, walang taong mamamatay para sa isang kasinungalingan na alam nilang hindi totoo. Pag-isipan natin, kung ikaw ay ipapako sa krus ng patiwarik, tulad ng nangyari kay apostol Pedro, at ang kailangan mo lang gawin upang maligtas ay talikuran ang isang kasinungalingan na alam mong kasinungalingan, ano ang iyong gagawin?

Ang Bagong Tipan ay nagpapatunay ng katotohanan na sa unang siglo, hindi ipinagkamali si Kristo na isa sa mga kathang-isip lamang na diyus-diyosan. Nang mangaral si Apostol Pablo sa Atenas, sinabi ng matatalinong tao sa siyudad na iyon, “Mangyayari bagang maalaman namin kung ano itong bagong aral, na sinasalita mo? Sapagka't naghahatid ka ng mga kakaibang bagay sa aming mga tainga: ibig nga naming maalaman kung ano ang kahulugan ng mga bagay na ito” (Gawa 17:19-20). Malinaw dito na kung inuulit lang ni Apostol Pablo ang kwento nila Mithras hindi sasabihin ng mga taga Atenas na ang kanyang ipinapangaral ay isang “bagong aral.” Kung maraming mga kuwento tungkol sa mga namatay at nabuhay na muling diyos noong unang siglo sa Roma, hindi sana sinabi ng matatalinong Epicurio at Stoico na ang ipinangangaral ni Pablo ay “bago.” Kung ang ipinapangaral ni Pablo ay isang lumang kuwento, ang sasabihin ng mga pilosopong ito ay, “Ah, tulad din ba iyan ng kwento ni Horus at Mithras.”

Sa pagtatapos, ang bintang na si Hesus ay kinopya lamang sa mga diyus-diyosan ng sinaunang mitolohiya ay pinasinungalingan na ng maraming mga iskolar, at ang mga bintang na ito ay nagtataglay ng mga maling pangangatwiran at hindi maaring ikumpara sa katotohanan ng mga Ebanghelyo ng Bagong Tipan. Tangi sa rito, ang Bagong Tipan ay dumaan na sa malalim na pagsasaliksik sa loob ng halos dalawang libong taon. Ang mga iminumungkahing pagkakapareho ng kwento ni Hesus sa kuwento ng mga kathang-isip na diyus-diyosan ay lubusang mapapawi kung ating susuriin ang mga panitikan na naglalahad ng kuwento ng mga mitolohiya. Ang gawa-gawang pahayag na si Hesus ay “kathang isip lamang” ay nagmula sa malisyosong paggamit ng mga terminolohiya at mga maling pagaakala.

Si Hesu-Kristo ay namumukod-tangi sa kasaysayan ng sangkatauhan. Ang Kanyang katuruan ay nangingibabaw sa lahat ng katuruan ng mga diyus diyosan habang itinatanong niya sa lahat ang tanong na ang sagot ang siyang magtatakda sa hantungan ng tao sa walang hanggan: “Sino Ako para sa inyo?” (Mateo16:15).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Si Hesus ba ay kathang-isip lamang? Ang kwento ba ni Hesus ay ginaya lamang sa mga kwento ng mga paganong relihiyon?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries