Tanong
Ano ang ibig sabihin na si Hesus ang Kordero ng Diyos?
Sagot
Nang tawagin si Hesus na Kordero ng Diyos sa Juan 1:29 at Juan 1:36, tinutukoy si Hesus bilang perpektong handog para sa kasalanan. Upang maunawaan kung sino Si Kristo at kung ano ang Kanyang ginawa, kailangan nating mag umpisa sa Lumang Tipan na naglalaman ng mga hula tungkol sa pagdating ni Hesus bilang “handog sa kasalanan” (Isaias 53:10). Anupa't ang buong sistema ng paghahandog na itinatag ng Diyos sa Lumang Tipan ang naghanda sa pagdating ni Hesu Kristo na Siyang perpektong handog na ipagkakaloob ng Diyos upang tubusin sa kasalanan ang Kanyang sariling bayan (Roma 8:3; Hebreo 10).
Ang paghahandog ng mga batang tupa o kambing ay may napakahalagang papel na ginagampanan sa buhay relihiyon at sistema ng paghahandog ng mga Hudyo. Nang tukuyin ni Juan Bautista si Hesus bilang “Kordero ng Diyos na nagaalis ng kasalanan ng sanlibutan” (Juan 1:29), ang mga hudyo na nakarinig sa kanya ay maaring naisip agad ang imahe ng isa sa mga importanteng paghahandog. Dahil sa nalalapit na pagdiriwang ng pista ng Paskuwa, ang maaaring maunang maisip ay ang korderong pampaskuwa. Ang pista ng Paskuwa ang isa sa mga pangunahing pista para sa mga Hudyo at isang selebrasyon sa pag-gunita ng mga Israelita sa unang paskuwa ng palayain sila ng Diyos sa kanilang pagkaalipin sa Ehipto. Sa katunayan, ang pagpatay sa korderong pampaskuwa at pagpapahid ng dugo nito sa mga hamba ng pinto ng bahay ng mga Israelita (Exodo 12:11-13) ay isang napakagandang larawan sa pagbabayad ni Hesus sa kasalanan doon sa krus. Para sa mga kinamatayan ni Kristo, sila ay tinakpan ng dugo ni Kristo upang protektahan sa anghel ng kamatayan (espiritwal na kamatayan).
Ang isa pang mahalagang pista kung saan isinasagawa ang paghahandog ng mga kordero ay ang araw araw na paghahandog sa templo sa Jerusalem. Tuwing umaga at gabi, isang kordero ang inihahandog sa templo para sa kasalanan ng mga tao (Exodo 29:38-42). Ang araw araw na paghahandog na ito, gaya ng ibang paghahandog, ay nagpapahiwatig sa tao tungkol sa perpektong paghahandog ni Hesus sa Krus. Sa katunayan, ang panahon ng kamatayan ni Hesus sa krus ay kasabay ng pang-gabing paghahandog ng kordero sa templo. Ang mga Hudyo ng panahong iyon ay pamilyar sa mga hula ni Jeremias at Isaias sa Lumang Tipan tungkol sa pagdating ng Isa na gaya ng isang “Kordero na dadalhin sa patayan” (Jeremias 11:19; Isaias 53:7) na ang pagdurusa at paghahandog ng sariling buhay ay magdadala ng katubusan para sa Israel. Ang “Isang” iyon ay walang iba kundi ang Panginoong Hesu Kristo, ang “Kordero ng Diyos.”
Habang ang ideya sa sistema ng paghahandog ay maaaring hindi pamilyar sa atin ngayon, ang konsepto ng pagbabayad o pagtatama ng mali ay madali nating maunawaan. Alam natin na ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan (Roma 6:23) at ang ating mga kasalanan ang naghiwalay sa atin sa Diyos. Alam din natin na itinuturo ng Bibliya na ang lahat ay nagkasala at walang sinuman ang matuwid sa harap ng Diyos (Roma 3:23). Dahil sa ating mga kasalanan tayo ay nahiwalay sa Diyos at tayo ay natagpuang may sala sa Kanyang harapan. Dahil dito, ang ating tanging pag-asa ay kung magkakaloob ang Diyos ng paraan upang ipagkasundo Niya tayo sa Kanyang sarili at ito ang kanyang ginawa ng ipadala Niya ang Kanyang bugtong na Anak upang mamatay sa Krus bilang handog para sa kasalanan. Namatay si Hesus upang tubusin at bayaran ang kasalanan ng lahat ng mananampalataya sa Kanya.
Sa pamamagitan ng kamatayan ni Hesus sa krus bilang perpektong handog para sa kasalanan at ng Kanyang pagkabuhay na mag-uli pagkatapos ng tatlong araw, maaari na tayong magkaroon ng buhay na walang hanggan kung tayo ay mananampalataya sa Kanya. Ang pagkakaloob mismo ng Diyos ng handog para sa ikapagpapatawad ng kasalanan ng mga sasampalataya ay sangkap ng Mabuting Balita na malinaw na ipinahayag sa 1 Pedro 1:18-21: “Na inyong nalalamang kayo'y tinubos hindi ng mga bagay na nangasisira, ng pilak o ginto, mula sa inyong walang kabuluhang paraan ng pamumuhay, na ipinamana sa inyo ng inyong mga magulang; Kundi ng mahalagang dugo, gaya ng sa korderong walang kapintasan at walang dungis, sa makatuwid baga'y ang dugo ni Cristo: Na nakilala nga nang una bago itinatag ang sanglibutan, nguni't inihayag sa mga huling panahon dahil sa inyo, Na sa pamamagitan niya ay nanganampalataya kayo sa Dios, na sa kaniya'y bumuhay na maguli sa mga patay, at sa kaniya'y nagbigay ng kaluwalhatian; upang ang inyong pananampalataya at pag-asa ay mapasa Dios.”
English
Ano ang ibig sabihin na si Hesus ang Kordero ng Diyos?