Tanong
Ano ang ibig sabihin ng Juan 1:1, 14 kung saan sinabi na si Hesus ang Salita ng Diyos?
Sagot
Masasagot ang tanong na ito kung mauunawaan ang dahilan kung bakit isinulat ni Juan ang kanyang Ebanghelyo. Malinaw na makikita natin ang kanyang layunin sa Juan 20:30-31, “Marami pang kababalaghang ginawa si Jesus na nasaksihan ng mga alagad, ngunit hindi natatala sa aklat na ito. Ang mga natala rito'y sinulat upang sumampalataya kayong si Jesus ang Mesias, ang Anak ng Diyos, at sa gayo'y magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan niya.” Nais na ipakilala ni Juan sa kanyang mga mambabasa kung sino talaga si Hesu Kristo at itatag ang pundasyon ng kanyang katuruan na si Hesus ay tunay na Diyos sa laman at ipaalam sa kanila kung ano ang Kanyang mga ginawa. Ang nagiisang layunin ni Juan ay yakapin ng tao ang gawain ng pagliligtas ni Kristo sa pamamagitan ng pananampalataya. Kung mauunawaan ito, magiging malinaw ang dahilan kung bakit ipinakilala ni Juan si Jesus sa Juan 1:1 bilang “Salita ng Diyos.”
Inumpisahan ni Juan ang kanyang ebanghelyo sa pangungusap na, “Sa pasimula pa'y naroon na ang Salita. Kasama ng Diyos ang Salita at ang Salita ay Diyos.” Ipinakilala ni Juan si Hesus sa pamamagitan ng isang terminolohiya na parehong nauunawaan ng mga mambabasang Hudyo at Hentil. Ang salitang Griyego na isinalin sa salitang “Salita” sa talatang ito ay “logos,” ay karaniwang ginagamit sa pilosopiyang Hudyo at Griyego ng panahong iyon. Halimbawa, sa Lumang Tipan, ang salitang “logos” o “salita” ay laging ginagamit na tulad sa isang persona na nagsasakatuparan ng kalooban ng Diyos (Awit 33:6, 107:20, 119:89, 147:15-18). Kaya, para sa kanyang mambabasang Hudyo, sa pagpapakilala kay Hesus bilang “Salita,” itinuturo ni Juan ang mga Hudyo pabalik sa Lumang Tipan kung saan ang salitang “logos” o “Salita” ay ginagamit na tulad sa isang persona na nagpapakilala ng kapahayagan at nagsasakatuparan ng kalooban ng Diyos. Sa pilosopiyang Griyego naman, ang salitang “logos” ay ginagamit upang ilarawan ang pangunahing instrumento na sa pamamagitan niyon ay nilikha ng Diyos ang mga bagay na nakikita at nakipagugnayan sa kanila. Sa pananaw ng mga Griyego, ang “logos,” ay siyang tulay sa pagitan ng Diyos at sa mga nakikitang sangnilikha. Kaya nga, para sa mambabasang Griyego, ang paggamit ng salitang “logos” ay nagdadala ng ideya ng prinsipyo ng pakikipag-ugnayan ng Diyos sa mundo.
Kaya sa esensya, ang ginawa ni Juan sa pamamagitan ng pagpapakilala kay Hesus bilang “logos” ay ang paggamit ng salita at konsepto na parehong pamilyar sa isipan ng mga Hudyo at Griyego ng panahong iyon. Ngunit hinigitan ni Juan ang pamilyar na konsepto ng “logos” sa pagkakaunawa ng mga Hudyo at Hentil at ipinakilala kalaunan si Hesus hindi lamang bilang isang prinsipyo ng pakikipag-ugnayan ng Diyos sa tao gaya ng nauunawaan ng mga Griyego kundi bilang isang buhay na persona na tunay na Diyos ngunit tunay na tao din naman. Gayundin naman, si Hesus ay hindi lamang isang personipikasyon o paglalarawan ng kapahayagan ng Diyos gaya ng iniisip ng mga Hudyo kundi Siya mismo ang perpektong kapahayagan ng Diyos sa laman, na anupat, itinala ni Juan ang sinabi ng Panginoong Hesu Kristo kay Felipe: “Matagal na ninyo akong kasama, Felipe! Diyata't hindi mo pa ako nakikilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabing: 'Ipakita mo sa amin ang Ama'?” (Juan 14:9). Sa paggamit sa terminolohiyang “logos” o “Salita,” sa Juan 1:1, binigyang diin at inilapat ni Juan ang isang konsepto na pamilyar sa kanyang mga mambabasa at ginamit niya iyon upang ipakilala si Hesus sa kanila bilang tunay na “logos” o “Salita ng Diyos” at si Hesu Kristo, ang buhay na Salita ng Diyos, ang tunay na Diyos ngunit tunay na tao din naman na bumaba sa lupa upang ipakilala ang Diyos sa tao at tubusin ang lahat ng mananampalataya sa Kanya mula sa kanilang mga kasalanan.
English
Ano ang ibig sabihin ng Juan 1:1, 14 kung saan sinabi na si Hesus ang Salita ng Diyos?