settings icon
share icon
Tanong

Magkapatid ba si Hesus at si Satanas?

Sagot


Hindi, hindi magkapatid si Hesus at si Satanas. Si Hesus ay Diyos samantalang si Satanas naman ay isa lamang sa Kanyang mga nilikha. Hindi lamang hindi magkapatid si Hesus at si Satanas, kundi magkaiba sila gaya ng kung paanong magkaiba ang liwanag at dilim. Si Hesus ang Diyos na nagkatawang tao—walang hanggan, nakakaalam ng lahat ng bagay at makapangyarihan sa lahat samantalang si Satanas ay ang nagkasalang anghel na nilikha ng Diyos upang gawin ang kalooban ng Diyos. Ang katuruan na si Hesus at si Satanas ay “magkapatid na espiritu” ay isa sa maraming maling katuruan ng mga Mormons (Latter Day Saints), at sa isang antas, gayundin ng Saksi ni Jehovah. Ang dalawang grupong ito ay angkop sa tawag na ‘kulto’ dahil tinatanggihan nila ang mga pangunahing doktrina ng Kristiyanismo. Bagamat gumagamit sila ng mga terminolohiyang Kristiyano gaya ng salitang Hesus, Diyos at kaligtasan, mali ang kanilang katuruan at pananaw sa pinakapangunahing katuruan ng Kristiyanismo. (Tandaan na karamihan ng mga Momons ay mariing itinatanggi ang paniniwala na si Hesus at si Satanas ay magkapatid. Gayunman, ang katuruang ito ay pinaniniwalaan na noon pa man ng mga sinaunang Mormons).

Ang katuruan na si Hesus at si Satanas ay “magkapatid na espiritu” ay nagmula sa maling pangunawa at pagpilipit ng mga Mormons sa Kasulatan gayundin, dahil sa mga katuruan na hindi ayon sa Bibliya na kanilang pinaniniwalaan at itinuturing na may awtoridad. Walang kahit anong uri ng maayos na prinsipyo ng pangunawa sa Bibliya ang makapagbibigay ng ideya na si Hesus at si Satanas ay magkapatid na espiritu. Napakalinaw ng katuruan ng Bibliya na si Hesus ay tunay na Diyos, hindi isang uri ng maliit na diyos gaya ng pinaniniwalaan ng kultong Mormon. Napakalinaw din ng itinuturo ng Bibliya na ang Diyos ay higit sa kaninumang nilikha na simpleng nangangahulugan na walang anumang magagawang pagkukumpara sa pagitan ng Kristong Manlilikha at ni Satanas.

Naniniwala ang mga Mormons na si Hesu Kristo ay ang unang anak na “espiritu” ng Diyos Ama sa langit sa isa sa kanyang maraming asawa. Sa halip na kilalanin si Hesus bilang tunay na Diyos, naniniwala sila na siya ay naging isang diyos gaya ng mga Mormons na magiging mga diyos din isang araw. Ayon sa doktrina ng mga Mormon, bilang una sa lahat ng mga anak na espiritu ng Diyos, higit na mataas si Hesus kaysa kay Satanas o Lucifer na ikalawang “anak ng Diyos” at “kapatid na espiritu” ni Hesus. Kakatwa na ginagamit nila ang Colosas 1:15 bilang isa sa kanilang tekstong pangsuporta dahil sinasabi dito na: “Siya ang larawan ng Dios na di nakikita, ang panganay ng lahat ng mga nilalang,” ngunithindi nila pinapansin ang sumunod na talata kung saan sinabi, “Sapagka't sa kaniya nilalang ang lahat na mga bagay, sa sangkalangitan at sa sangkalupaan, na mga bagay na nakikita at ang mga bagay na di nakikita, maging mga luklukan o mga pagsakop o mga pamunuan o mga kapangyarihan; lahat ng mga bagay ay nilalang sa pamamagitan niya at ukol sa kaniya.” Kasama sa “lahat ng bagay” - sa sangkalangitan at sa sangkalupaan, mga bagay na nakikita at ang mga bagay na di nakikita, maging mga luklukan at mga pamunuan o mga kapangyarihan — si Satanas at ang kanyang mga demonyo.

Para paniwalaan na “magkapatid na espiritu” si Satanas at si Hesus, kinakailangang tanggihan ng isang tao ang malinaw na katuruan ng Kasulatan na si Hesu Kristo ang lumikha sa lahat ng mga bagay bilang ikalawang persona ng Trinidad, at siya ay tunay na Diyos. Inangkin ni Hesus ang Kanyang pagka-Diyos sa maraming talata sa Kasulatan. Sa Juan 10:30, sinabi ni Hesus, “Ako at Ama ay iisa.” Hindi inangkin ni Hesus na Siya ay isa sa mababang uri ng diyos, sa halip, idineklara Niya na Siya ay tunay na Diyos. Malinaw na sinabi sa Juan 1:1-5 na si Hesus ay hindi isang nilikha kundi Siya mismo ang lumikha sa lahat ng mga bagay, “Ang lahat ng mga bagay ay ginawa sa pamamagitan niya; at alin man sa lahat ng ginawa ay hindi ginawa kung wala Siya” (Juan 1:3). Anong salita ang mas malinaw pa kaysa rito? Ang “lahat ng bagay” ay “lahat ng bagay” at kasama dito si Satanas na isang anghel na nagrebelde laban sa Diyos. Ang tanging relasyon na mayroon sa pagitan ni Satanas at ni Hesus ay ang pagiging Manlilikha ni Hesus at pagiging nilikha ni Satanas, at ang pagiging makatarungang Hukom ni Hesus at ang pagiging makasalanang nilikha ni Satanas.

Gaya ng mga Mormons, itinuturo din ng mga Saksi ni Jehovah na si Hesus at si Satanas ay espiritwal na magkapatid. Habang paminsan minsang iniiwasan ng mga Mormons at mga Saksi ni Jehovah na ituro ang katuruang ito dahilan sa napakasalungat nito sa aktwal na sinasabi ng Bibliya, walang pagsalang itinuturo ito ng dalawang organisasyon sa ilang bahagi ng kanilang opisyal na doktrina.

Hindi lamang naniniwala ang mga Mormons na si Hesus at si Lucifer ay “mga anak na espiritu ni Elohim” kundi ang mga tao ay mga espiritwal na anak din naman ng Diyos. Sa ibang salita, naniniwala sila na ang “Diyos, ang mga anghel at ang mga tao ay nagmula sa parehong lahi at kabilang sa isang dakilang pamilya.” Ito ang dahilan kung bakit naniniwala sila na magiging kagaya sila ng Diyos gaya ni Hesus at magiging gaya din ng Diyos Ama. Sa halip na makita sa Kasulatan ang malinaw na pagkakaiba sa pagitan ng Diyos at ng Kanyang mga nilikha, naniniwala sila na isang araw, sila rin ay magiging mga diyos. Ang paniniwalang ito ay ang parehong kasinungalingan na matagal ng ginagamit ni Satanas na panlinlang sa tao mula pa sa hardin ng Eden (Genesis 3:15). Tunay na ang kagustuhang agawin ang trono mula sa Diyos ay likas na sa puso ng tao.

Sa Mateo 16:15 itinanong ni Hesus ang isang napakahalagang tanong: “Ano ang sabi ninyo kung sino ako?” Ito ay isang tanong na napakahalaga para sa kaligtasan at isang tanong na mali ang sagot ng mga Mormons at Saksi ni Jehovah. Ang sagot nila na si Hesus ay kapataid na espiritu ni Satanas ay maling mali. Si Hesus ay ang Diyos Anak, at sa Kanyang katawan nananahan ang buong kapuspusan ng Diyos (Colosas 2:9). Nilikha Niya si Satanas at isang araw itatapon Niya ito sa lawang apoy bilang angkop na kaparusahan sa kanyang pagrerebelde sa Diyos. Nakalulungkot na sa araw na yaon ng paghuhukom, kasamang huhukuman ang mga naniwala sa kasinungalingan ni Satanas at makakasama nila si Satanas sa impiyerno sampu ng kanyang mga demonyo. Ang Diyos ng mga Mormons at Saksi ni Jehovah ay hindi ang Diyos na ipinahayag ang Kanyang sarili sa Kasulatan. Malibang magsisi sila, makaunawa at sumamba sa tunay na Diyos, wala silang pag-asa sa kaligtasan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Magkapatid ba si Hesus at si Satanas?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries