settings icon
share icon
Tanong

Kailan nalaman ni Hesus na Siya ay Diyos?

Sagot


Si Hesus ay laging Diyos. Mula sa walang hanggang nakalipas, Siya ang ikalawang persona ng Trinidad at mananatili Siyang ganoon. Ang tanong na kailan nalaman ni Hesus na Siya ay Diyos pagkatapos Niyang nagkatawang tao ay hndi binanggit sa Kasulatan. Alam natin na bilang isang taong nasa hustong gulang, alam ni Hesus kung Sino Siya at Kanyang ipinahayag ito sa ganitong paraan:

“Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Bago ipinanganak si Abraham, ay ako nga” (Juan 8:58). At noong Siya’y nanalangin, “At ngayon, Ama, luwalhatiin mo ako sa iyo rin ng kaluwalhatiang aking tinamo sa iyo bago ang sanglibutan ay naging gayon” (Juan 17:5).

Makikita din na bilang isang bata, alam na ni Hesus ang Kanyang kalikasan at gawain. Noong 12 taon pa lamang si Hesus, isinama Siya ng Kanyang mga magulang sa Jerusalem. Sa kanilang pagbalik, nawala si Hesus sa kanilang caravan. “Nagbalik sila sa Jerusalem at nakita roon si Hesus, At nangyari, na nang makaraan ang tatlong araw, ay nangatagpuan nila siya sa templo, na nakaupo sa gitna ng mga guro, na sila'y pinakikinggan, at sila'y tinatanong” (Lukas 2:46). Tinanong si Hesus ng Kanyang ina kung bakit Siya nawala at kung Bakit Niya sila pinagalala. Sumagot si Hesus, “Bakit ninyo ako hinahanap? di baga talastas ninyo na dapat akong maglumagak sa bahay ng aking Ama?” (t. 49). Hindi naunawaan ni Jose at Maria ang sinabi ni Hesus (t. 50). Anuman ang hindi naunawaan ng mga nakapalibot kay Hesus, makikitang sa Kanyang murang edad, alam ni Hesus na Siya ang Anak ng Diyos at itinalaga Siya ng Ama para sa isang gawaing Kanyang nakatakdang gawin.

Pagkatapos ng insidenteng iyon sa Templo, isinalaysay ni Lukas, “At lumalaki si Jesus sa karunungan at sa pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Dios at sa mga tao” (Lukas 2:52). Kung alam na ni Hesus ang lahat ng bagay bilang tao sa puntong ito ng kanyang kabataan, hindi Niya kailangan na “lumaki sa karunungan.” Binibigyang diin namin dito ang karanasan ni Hesus bilang tao. Hindi si Hesus tumigil sa pagiging Diyos ngunit sa ibang aspeto, itinago Niya ang Kanyang pagka-Diyos ayon sa kalooban ng Ama. Kaya nga, ipinailalim ni Hesus ang Kanyang sarili sa pisikal, intelektwal, sosyal at paglagong espiritwal. Kusang loob na inilagay ni Hesus ang Kanyang sarili sa posisyon na nangangailangan ng paglago sa kaalaman bilang tunay na tao.

Kailan nalaman ni Hesus na Siya ay Diyos? Sa makalangit na pananaw, alam ng Anak mula sa walang hanggan kung Sino Siya at kung ano ang Kanyang gagampanang tungkulin sa lupa. Sa makalupang pananaw, natanto ni Hesus bilang Diyos na nagkatawang tao ang mga bagay na ito sa isang yugto ng Kanyang buhay bilang tao. Kung anong edad nalaman ni Hesus ang mga bagay na ito tungkol sa Kanyang sarili, hindi natin matitiyak.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Kailan nalaman ni Hesus na Siya ay Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries