settings icon
share icon
Tanong

Bakit tinawag si Hesus na anak ni David?

video
Sagot


May labimpitong (17) mga talata sa Bagong Tipan na inilarawan si Hesus bilang “anak ni David.” Ngunit ang tanong, paanong magiging anak ni David si Hesus kung si David ay nabuhay humigit kumulang isanlibong taon bago ipinanganak si Hesus? Ang sagot ay dahil si Kristo (ang Mesiyas), ang katuparan ng mga hula tungkol sa anak ni David (2 Samuel 7:14-16). Si Hesus ang ipinangakong Mesiyas, na nangangahulugan na Siya ay galing sa lahi ni David. Itinala sa Mateo 1 ang angkang pinagmulan ni Hesus bilang katibayan na si Hesus, bilang tao, ay direktang nanggaling sa lahi ni David. Una, sa pamamagitan ni Jose ang legal na ama ni Hesus sa laman. Ikalawa, ang talaan naman ng angkang pinanggalingan ni Hesus sa Lukas 3 ay sa Kanyang inang si Maria. Si Hesus ay nanggaling sa angkan ni David, sa bisa ng pagampon sa kanya ni Jose at sa dugo sa pamamagitan ni Maria. Sa tuwing tinutukoy si Hesus bilang anak ni David, ito'y tumutukoy sa Kanyang titulo bilang Tagapagligtas gaya ng inihula ng Lumang Tipan tungkol sa Mesiyas.



Si Hesus ay tinawag din na “Panginoon, anak ni David” ng ilang beses ng mga tao, na sa pamamagitan ng pananampalataya ay humingi sa Kanya ng kahabagan o kagalingang psisikal. Ang babae na may anak na pinahihirapan ng demonyo (Mateo 15:22), ang dalawang bulag sa tabing daan (Mateo 20:30), at ang bulag na si Bartimeo (Markos 10:47) ay sumigaw sa paghingi ng tulong sa anak ni David. Ang titulo ng karalangan na ibinigay nila sa Kanya ay nagpapakita ng kanilang pananampalataya. Ang tawagin Siyang “Panginoon” ay nagpapakita ng kanilang pagkilala sa Kanyang pagka-Diyos, kapamahalaan at kapangyarihan. Sa pagtawag naman nila sa Kanya ng “anak ni David,” ipinahahayag nila ang kanilang pagkilala sa Kanyang gawain bilang Tagapagligtas.

Gayundin naman, naunawaan din ng mga Pariseo ang ibig sabihin ng mga tao ng tawagin nila Siya si Hesus na “anak ni David.” Ngunit hindi gaya ng mga taong tumawag sa Kanya sa pananampalataya, binulag sila ng kanilang mataas na pagtingin sa sarili at kakulangan ng pangunawa sa Kasulatan kaya't hindi nila nakikita ang nakikita ng mga bulag, na narito ang Tagapagligtas na kanila sanang hinihintay sa kanilang buong buhay. Kinamuhian nila si Hesus dahil hindi Niya ibinigay sa kanila ang karangalan na inaakala nilang nararapat para sa kanila. Kaya nga ng marinig nila ang mga tao na tumatawag kay Hesus na “anak ni David” at pinupuri Siya bilang Tagapagligtas, sila'y nangagalit (Mateo 21:15) at nagplano na ipapatay si Hesus (Lukas 19:47).

Mas lalo pang nilito ni Hesus ang mga Eskriba at Pariseo ng tanungin Niya sila kung ano ang kahulugan ng titulong ito. Paano mangyayari na ang Mesiyas ay ang anak ni David gayong tinawag Siya ni David na “aking Panginoon?” (Markos 12:35-37)? Natural na hindi masagot ng mga guro ng Kautusan ang tanong na ito ni Hesus. Dahil dito, ipinakita ni Hesus ang kawalang kakayahan ng mga lider ng mga Hudyo bilang mga tagapagturo at inilantad ang kanilang kamangmangan sa tunay na kalikasan ng Mesiyas.

Si Hesu Kristo, ang bugtong na anak ng Diyos, ang tanging daan sa kaligtasan ng sanlibutan (Gawa 4:12), ay Siya ring anak ni David, sa pisikal at maging sa espiritwal.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit tinawag si Hesus na anak ni David?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries