Tanong
Ano ang ibig sabihin na si Hesus ang Anak ng Tao?
Sagot
Tinukoy si Hesus bilang “Anak ng Tao” ng may 88 beses sa Bagong Tipan. Ang unang kahulugan ng salitang “Anak ng Tao” ay isang reperensya sa hula ni Propeta Daniel sa Daniel 7:13-14, “Ako'y nakakita sa pangitain sa gabi, at, narito, lumabas na kasama ng mga alapaap sa langit ang isang gaya ng anak ng tao, at siya'y naparoon sa matanda sa mga araw, at inilapit nila siya sa harap niya. At binigyan siya ng kapangyarihan, at kaluwalhatian, at isang kaharian, upang lahat ng mga bayan, bansa, at mga wika ay mangaglingkod sa kaniya: ang kaniyang kapangyarihan ay walang hanggang kapangyarihan, na hindi lilipas, at ang kaniyang kaharian ay hindi magigiba.” Ang deskripsyon na “Anak ng Tao” ay titulo bilang Tagapagligtas. Si Hesus ang nag-iisang binigyan ng kapamahalaan, kaluwalhatian at kaharian. Nang gamitin ni Hesus ang titulong ito, inangkin Niya sa Kanyang sarili ang katuparan ng hulang ito. Ang mga Hudyo sa panahong iyon ay pamilyar sa titulong ito na Kanyang ginamit. Sa paggamit ng titulong ito, ipinapakilala ni Hesus ang kanyang sarili bilang Tagapagligtas.
Ang ikalawang kahulugan ng titulong “Anak ng Tao” ay nangangahulugan na si Hesus ay naging tunay na tao. Tinawag ng Diyos si Ezekiel na “anak ng tao”ng 93 beses. Itinuring ng Diyos si Ezekiel bilang isang karaniwang tao. Ang anak ng tao ay isang tao. Si Hesus ay tunay na Diyos (Juan 1:1), ngunit Siya ay tunay ding tao (Juan 1:14). Sinasabi sa atin ng 1 Juan 4:2, “Dito'y nakikilala ninyo ang Espiritu ng Dios: ang bawa't espiritung nagpapahayag na si Jesucristo ay naparitong nasa laman ay sa Dios.” Oo, si Hesus ay Anak ng Diyos; kaya sa kalikasan Siya ay tunay na Diyos. Oo, si Hesus din ay Anak ng Tao; kaya sa kalikasan Siya din ay tunay na tao. Sa paglalagom, ang titulong “Anak ng Tao” ay nagpapakilala na si Hesus ang Mesiyas, ang Tagapagligtas at Siya ay tunay na naging tao.
English
Ano ang ibig sabihin na si Hesus ang Anak ng Tao?