Tanong
Bakit nagpabawtismo si Hesus? Bakit mahalaga ang pagbawtismo kay Hesus?
Sagot
Sa unang tingin, tila walang layunin ang pagbawtismo kay Hesus. Ang bawtismo ni Juan ay bawtismo ng pagsisisi (Mateo 3:11), ngunit walang kasalanan si Hesus at hindi Niya kinakailangang magsisi. Hindi inasahan maging ni Juan ang paglapit sa kanya ni Hesus upang magpabawtismo. Kinilala ni Juan ang kanyang sariling kasalanan at alam niya na bilang makasalanan, hindi siya karapatdapat na magbawtismo sa walang salang Anak ng Diyos: “Datapuwa't ibig siyang sansalain ni Juan, na nagsasabi, Kinakailangan ko na ako'y iyong bautismuhan, at ikaw ang naparirito sa akin?” (Mateo 3:14). Sumagot si Hesus at sinabi na kailangan niyang magpabawtismo sapagkat iyon ang nararapat “upang ganapin ang buong katuwiran ng Diyos” (Mateo 3:15).
May ilang kadahilanan kung bakit nararapat na si Juan ang magbawtismo kay Hesus sa pagsisimula ng Kanyang ministeryo. Uumpisahan ni Hesus ang isang dakilang gawain at nararapat lamang na kilalanin siya sa publiko ng tagapaghanda ng Kanyang ministeryo. Si Juan ang “tinig na sumisigaw sa ilang” na inihula ni Isaias na tatawag sa tao sa pagsisisi bilang paghahanda sa pagdating ng Mesiyas (Isaias 40:3). Sa pamamagitan ng pagbawtismo kay Hesus, ipinakilala ni Juan na si Hesus ang kanilang hinihintay, ang Anak ng Diyos, ang Isa na ayon sa hula ay magbabawtismo sa tao sa “Espiritu Santo at sa apoy” (Mateo 3:11).
Ipinakita rin ng pagbawtismo kay Hesus ang Kanyang pakikiisa sa mga makasalanan. Inilalarawan ng Kanyang bawtismo ang pagbabawtismo sa makasalanan sa Kanyang katuwiran, sa kanilang pagkamatay na kasama Niya at pag-ahon na malaya sa kasalanan at may kakayahan na lumakad sa isang bagong buhay. Ang perpektong katuwiran ni Kristo ang gaganap ng lahat ng hinihingi ng Kautusan na hindi kayang ganapin ng mga makasalanan sa kanilang sariling kakayahan. Nang magatubili si Juan na bawtismuhan ang Banal na Anak ng Diyos, sinabi ni Hesus na nararapat iyon upang “ganapin ang lahat ng katuwiran” (Mateo 3:15). Tiinutukoy ni Hesus ang katuwiran na Kanyang ipagkakaloob sa mga lalapit sa Kanya at isusuko ang kanilang kasalanan kapalit ng Kanyang katuwiran (2 Corinto 5:21).
Bilang karagdagan, ang paglapit ni Hesus kay Juan upang magpabawtismo ay nagpapakita ng Kanyang pagsang-ayon sa bawtismo ni Juan at nagpapatunay na ito ay mula sa langit at pinagtibay ng Diyos. Mahalaga ito sa hinaharap ng magsimulang pagdudahan ng iba ang awtoridad ni Juan, partikular pagkatapos na arestuhin siya ni Herodes (Mateo 14:3-11).
Maaaring ang pinakamahalagang dahilan ng pagbawtismo kay Hesus sa publiko ay ang pagpapatunay sa lahat ng henerasyon sa perpektong kapahayagan ng tatlong persona ng Diyos. Ang okasyong ito ay pagpapahayag ng kasiyahan ng Diyos Ama mula sa langit para sa Kanyang Anak at ng pagbaba kay Hesus ng Banal na Espiritu (Mateo 3:16-17). Ito ay isang napakagandang paglalarawan sa tatlong persona ng Diyos. Ipinapakita dito ang gawain ng Ama, Anak at ng Espiritu ng pagliligtas sa mga taong tinubos ni Hesus ng Kanyang mahal na dugo. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, humirang Siya ng sa Kanya bago pa lalangin ang sanlibutan (Efeso 1:4); ipinadala Niya ang Kanyang Anak upang hanapin at iligtas ang mga naliligaw (Lukas 19:10); at binuhay sila ng Espiritu Santo, inusig sila sa kanilang mga kasalanan (Juan 16:8) at inilapit sila sa Ama sa pamamagitan ng Kanyang Anak. Ang lahat ng maluwalhating katotohanang ito tungkol sa kahabagan ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Hesus ay maliwanag na nahayag sa pagbabawtismo kay Hesus.
English
Bakit nagpabawtismo si Hesus? Bakit mahalaga ang pagbawtismo kay Hesus?