Tanong
Kung ang parusa para sa ating mga kasalanan ay walang hanggang pagdurusa sa impiyerno, paano binayaran ni Hesus ang ating kasalanan kung hindi Siya naggugol ng walang hanggan sa impiyerno?
Sagot
Kung inaakala natin na isa lamang tao si Hesus, normal na itatanong natin ang katanungang ito. Ngunit ang dahilan kung bakit hindi Niya kailangang maggugol ng walang hanggan sa impiyerno ay dahil hindi lamang Siya isang karaniwang tao kundi Siya ay tunay na Diyos at tunay na Tao. Ang ikalawang persona ng Trinidad ay nagkatawang tao at nakipamuhay sa mga tao bilang isang tao. Ngunit hindi siya katulad ng karaniwang tao dahil Diyos Siya sa kanyang kalikasan – banal, ganap at walang hanggan.
May ilang mga talata na nagpapatunay sa katotohanang ito gaya ng panimulang mga talata sa Ebanghelyo ni Juan. Dito natin mababasa ang mga sumusunod: “Nang pasimula siya ang Verbo, at ang Verbo ay sumasa Dios, at ang Verbo ay Dios. Ito rin nang pasimula'y sumasa Dios. Ang lahat ng mga bagay ay ginawa sa pamamagitan niya; at alin man sa lahat ng ginawa ay hindi ginawa kung wala siya. At nagkatawang-tao ang Verbo, at tumahan sa gitna natin (at nakita namin ang kaniyang kaluwalhatian, kaluwalhatian gaya ng sa bugtong ng Ama), na puspos ng biyaya at katotohanan” (Juan 1:1–3, 14).
Ang mga talatang ito ay nagbibigay ng malinaw na patunay na ang walang hanggang Verbo o Salita, na kasama ng Diyos Ama sa walang hanggan ay may kaparehong esensya sa Diyos, nagkatawang tao at nanirahang (“gumawa ng tolda” o “tabernakulo”) kasama natin. Gaya ng sinasabi ni Apostol Pablo patungkol kay Hesus, “Sapagka't sa kaniya'y nananahan ang buong kapuspusan ng pagka Dios sa kahayagan ayon sa laman” (Colosas 2:9).
Sa diwa ng katotohanang ito, siyasatin natin ang katanungan sa itaas. Totoo na ang kaparusahan para sa ating mga kasalanan ay walang hanggang pagdurusa sa impiyerno. Sinasabi sa Bibliya na ang lahat ay nagkasala (Roma 3:23) at kamatayan ang kabayaran ng kasalanan (Roma 6:23). Sinasabi sa aklat ng Pahayag na ang “sinumang hindi nakasulat ang pangalan sa Aklat ng Buhay ng Kordero ay itinapon sa lawang apoy na siyang pangalawang kamatayan kung saan sila pahihirapan araw at gabi magpakailan kailan man” (Pahayag 20:10, 15).
Ngunit paanong ang kamatayan ni Hesus ay makapapawi sa poot ng Diyos sa mga kasalanan ng bawat isang taong nabuhay sa mundo? Dito pumapasok ang diskusyon sa pagiging tunay na Diyos at tunay na Tao ni Hesus. Kung si Hesus ay isang tao lamang (na may kasalanan sa kanyang sarili), ang Kanyang kamatayan ay hindi makatutubos maging ng Kanyang sariling kasalanan, lalo’t higit ang kasalanan ng iba. Ngunit si Hesus ay hindi lamang isang tao; Siya ang Diyos sa katawang tao. Bilang isang tao, nauunawaan Niya ang kanyang mga kinamatayan. Bilang isang taong ganap na banal, mapapawi Niya ang poot ng Diyos sa mga kasalanan ng buong sangkatauhan dahil hindi kailangang pawiin ang poot ng Diyos para sa Kanyang sariling kasalanan. At panghuli, bilang Diyos, kaya Niyang katagpuin ang katarungan ng Diyos para sa ating mga kasalanan.
Ang isang walang hanggang Diyos ay dapat bayaran ng Isang walang hanggan. Ito ang dahilan kung bakit ang kabayaran para sa ating mga kasalanan ay walang hanggan. May dalawa lamang pagpipilian upang mabayaran ang ating mga kasalanan sa isang walang hanggang Diyos. Ito ay kung pagdudusahan ng isang nilikhang may hangganan (tao) ang kanyang kasalanan ng walang hanggan sa lawang apoy o, pagdudusahan ng isang walang hanggan (si Hesus) ng minsan at magpakailanman ang lahat ng kasalanan ng tao sa lahat ng panahon. Walang ibang pagpipilian. Ang isang kasalanan laban sa isang walang hanggan at banal na Diyos ay nangangailangan ng walang hanggang pagbibigay kasiyahan bilang kabayaran, at kahit na ang walang hanggang paghihirap sa apoy ay hindi makapapawi sa walang hanggang poot ng isang banal na Diyos laban sa ating mga kasalanan. Tanging isa lamang Diyos ang makapapawi sa walang hanggang poot ng banal na Diyos laban sa kasalanan. Nangangailangan ang hustisya ng Diyos ng isang walang hanggang kahalili para sa sangkatauhan upang bigyang kasiyahan ang Kanyang poot. Si Hesus, ang tunay na Tao at tunay na Diyos, ang tanging makapagliligtas sa tao sa walang hanggang poot ng Diyos. English
Kung ang parusa para sa ating mga kasalanan ay walang hanggang pagdurusa sa impiyerno, paano binayaran ni Hesus ang ating kasalanan kung hindi Siya naggugol ng walang hanggan sa impiyerno?