settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin na ginanap ni Hesus ang Kautusan ngunit hindi Niya pinawalang bisa ito?

Sagot


Sa salaysay ni Mateo na karaniwang tinatawag na "Sermon sa Bundok," nakatala ang mga pananalitang ito ni Hesus, "Huwag ninyong akalaing naparito ako upang pawalang-bisa ang Kautusan at ang aral ng mga propeta. Naparito ako, hindi upang pawalang-bisa kundi para ipaliwanag at ganapin ang mga iyon. Tandaan ninyo ito: magwawakas ang langit at ang lupa, ngunit ang kaliit-liitang bahagi ng Kautusan ay di mawawalan ng bisa hangga't hindi nagaganap ang lahat" (Mateo 5:17-18).

Laging sinasabi ng ilan na kung hindi "pinawalang bisa" ni Hesus ang Kautusan, nakatali pa rin tayo sa Kautusan. Dahil dito ang mga sangkap ng Kautusan gaya ng "utos tungkol sa Sabbath" ay may bisa pa rin gayundin ang maraming mga sangkap ng Kautusan ni Moises. Ang ganitong pagaakala ay nagugat sa maling pagkaunawa sa mga salita at intensyon ng mga talata sa itaas. Hindi iminumungkahi ni Hesus na ang pagkatali ng tao sa Kautusan ni Moises ay may walang hanggang bisa sa tao. Kinokontra ng ganitong pananaw ang lahat ng ating natutunan mula sa isang balanseng pagkaunawa sa Bagong Tipan (Roma 10:4; Galatia 3:23-25; Efeso 2:15).

May espesyal na kahalagahan ang salitang "pinawalang bisa" sa pagaaral na ito. Ang salitang ito ay mula sa wikang Griyego na "katalou," na literal na nangangahulugang "buwagin." Ang salitang ito ay ginamit ng may 17 beses sa Bagong tipan. Halimbawa, ginamit ito sa paggiba ng mga Romano sa Banal na templo ng mga Hudyo sa Jerusalem (Mateo 26:61; 27:40; Mga Gawa 6:14), at sa pagkalusaw ng katawang lupa pagkatapos ng kamatayan (2 Corinto 5:1). Ang salitang ito ay may malayong kahulugan na "igupo o ibagsak," "ituring na walang halaga," at "pagkaitan ng tagumpay." Sa klasikong Griyego, ito ay ginagamit na may kaugnayan sa mga institusyon, mga batas at iba pang legal na usapin na nagdadala ng ideya ng "pagpapawalang bisa."

Mahalagang pansinin kung paanong ginamit ang salitang ito sa Mateo 5:17. Sa konteksto ng talatang ito, ang salitang "pinawalang bisa" ay ginamit na kasalungat ng salitang "ginanap." Hindi pumunta sa mundo si Hesus upang labanan ang Kautusan. Ang kanyang layunin ay hindi para pigilan ang pagsunod dito. Manapa, minahal Niya ang kautusan, iginalang, sinunod at binigyang katuparan. Ginanap Niya ang mga hula patungkol sa Kanya (Lukas 24:44). Ginanap ni Hesus ang mga hinihingi ng Kautusan ni Moises na nangangailangan ng perpektong pagsunod sa ilalim ng pagbabanta ng "sumpa" (tingnan ang Galatia 3:10, 13). Sa esensyang ito, ang banal na disenyo ng Kautusan ay may nananatiling epekto. Lagi nitong gaganapin ang layunin na ibinigay dito ng Diyos.

Kung sa anumang paraan na ang Kautusan ni Moises ay nagtataglay pa rin ng parehong epekto sa lahat ng tao sa kasalukuyan sa aspeto ng paggapos nito sa tao, kung gayon, hindi pa ito ginanap ni Hesus at nabigo Siya na gawin ang kanyang misyon. Sa kabilang banda, kung naganap ni Hesus ang Kanyang layunin, kung makagayon, naganap na ang Kautusan at wala na itong awtoridad sa sinuman. Sinabi ng buong linaw ni Hesus na “wala kahit sa kaliit-liitang bahagi (na kinakatawan ang pinakamaliit na pananda sa manuskritong Hebreo) nito ang lilipas hanggat hindi nito nagaganap ang kanyang layunin.” Ginanap ni Hesus ang Kautusan. Hindi natin maaaring sabihin na ginanap ni Hesus ang kautusan sa sistema ng paghahandog lamang ngunit hindi Niya ginanap ang ibang aspeto ng Kautusan, hindi lamang ang ilang bahagi nito. Kung ano ang ginawa ni Hesus para sa mga Kautusan sa paghahandog iyon ay ginawa din Niya sa iba pang aspeto ng Kautusan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin na ginanap ni Hesus ang Kautusan ngunit hindi Niya pinawalang bisa ito?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries