settings icon
share icon
Tanong

Pumunta ba si Hesus sa impiyerno sa pagitan ng Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay?

Sagot


Ang kaluluwa ba ni Hesus ay pumunta sa impiyerno sa pagitan ng Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay? May malaking kaguluhan hinggil sa katanungang ito. Ang konseptong ito ay nagmula sa “Apostle’s Creed,” na nagsasabing, “Siya ay pumanaog sa impiyerno.” Mayroon ding ilang mga kasulatan na kung saan, nakasalalay sa kung papaano ito isinalin sa ibang wika, na naglalarawan kay Hesus na “pumunta sa impiyerno.” Sa pag-aaral sa isyung ito, napakahalaga na maunawaan muna kung ano ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa lugar ng mga namatay.

Sa Kasulatan sa saling Hebreo, ang salitang ginamit sa paglalarawan sa lugar ng mga namatay ay “Sheol.” Nangangahulugan ito ng “lugar ng mga patay” o “lugar ng mga lumisang kaluluwa/espiritu.” Ang salitang Griyego sa Bagong Tipan na ginamit sa katagang impiyerno ay “Hades,” na tumutukoy din sa “lugar ng mga patay.” Ang ibang mga Kasulatan sa Bagong Tipan ay nagpapakita na ang Sheol/Hades ay isang panandaliang lugar, kung saan ang mga kaluluwa ay inilalagak habang naghihintay sa muling pagkabuhay at paghuhukom. Malinaw na inilalarawan ng aklat ng Pahayag 20: 11-15 ang pagkakaiba sa pagitan ng dalawa. Ang Impiyerno (lawa ng apoy) ay ang permanenteng destinasyon ng mga hindi mananampalataya. Ang Hades naman ay isang panandaliang lugar. Dahil dito, Si Hesus ay hindi pumunta sa “impiyerno” dahil ang “impiyerno” ay isang lugar na darating pa lamang, mangyayari lamang ito matapos ang paghuhukom sa Dakilang Puting Trono (Pahayag 20: 11-15).

Ang Sheol/Hades ay isang lugar na may dalawang bahagi (Mateo 11:23; 16:18; Lucas 10:15; 16:23; Mga Gawa 2:27-31). Ito ang pansamantalang lugar na pinaglalagakan ng mga ligtas at mga hindi ligtas na namatay bago dumating ang Panginoong Hesu Kristo. Ang lugar ng mga ligtas na ay tinatawag na “Paraiso.” Ang mga lugar ng mga ligtas at ng mga hindi ligtas ay pinaghihiwalay ng isang bangin. “Bukod sa lahat ng mga bagay na ito, sa pagitan namin at sa iyo ay mayroong malaking bangin. Dahil dito, sila na maghahangad na tumawid mula rito patungo sa iyo ay hindi makakatawid. Maging sila na maghahangad tumawid mula riyan patungo sa amin ay hindi makatatawid” (Lucas 16:26). Noong si Hesus ay umakyat sa langit, pinuntahan Niya ang mga kaluluwa/espiritu ng mga mananampalataya sa Paraiso at isinama Niya sa sangkalangitan (Efeso 4: 8-10). Ang lugar naman ng mga hindi mananampalataya sa Sheol/Hades ay nanatiling walang pagbabago. Ang lahat ng mga namatay na hindi mananampalataya ay nanatili doon at naghihintay ng darating na dakilang paghuhukom. Si Hesus ba ay pumunta sa Sheol/Hades? Oo, ito ay ayon sa Efeso 4:8-10 at 1 Pedro 3:18-20.

Ang ilan sa pagkalito sa katuruang ito ay dahilan sa mga Awit 16:10-11, “Pagkat di mo tutulutang ang mahal mo ay malagak, sa balon ng mga patay upang doon ay maagnas. Ituturo Mo ang landas na buhay ang hahantungan, sa piling Mo'y madarama ang lubos na kagalakan; ang tulong Mo'y nagdudulot ng ligayang walang hanggan.” Ang salitang “Impiyerno” ay hindi tamang salin sa talatang ito. Ang tamang pagsasalin dito ay “libingan” o “Sheol.” Sinabi ni Hesus sa magnanakaw na kasama Niyang nakapako sa krus, “Ngayong araw na ito, makakasama mo Ako sa Paraiso.” Ang Kanyang katawan ay napasa libingan habang ang Kanyang kaluluwa/espiritu ay pumunta sa “Paraiso” sa lugar ng Sheol/Hades. Saka Niya kinuha ang mga namatay na mananampalataya mula sa Paraiso at dinala Niya ang mga ito sa Langit. Nakalulungkot na karamihan sa mga salin ng Bibliya, ang mga tagapagsalin ay nagkamali sa pagsasalin sa mga salitang Hebreo at Griyego na “Sheol,” “Hades,” at “Impiyerno.”

Ang ilan ay mayroong pananaw na si Hesus ay pumunta sa “Impiyerno” o lugar ng mga nagdurusa sa Sheol/Hades upang doon parusahan dahil sa ating mga kasalanan. Ang ganitong ideya ay hindi ayon sa katuruan ng Bibliya! Ang kamatayan ni Hesus sa krus at ang Kanyang pagdurusa bilang kahalili natin ang dahilan ng ating katubusan. Ang dugo Niyang umagos ang nagpatunay sa ating pagkalinis mula sa kasalanan (1 Juan 1:7-9). Habang nakapako sa krus, inako ni Hesus ang kasalanan ng buong sangkatauhan. Sinasabi sa 2 Corinto 5:21: “Ito ay sapagkat siya na hindi nagkasala ay ginawang kasalanan para sa atin upang tayo ay maging katuwiran ng Diyos sa kaniya.” Tinutulungan tayong maunawaan ng ganitong paglalarawan na ang pagpupunyagi ni Kristo sa hardin ng Getsemane ay dahilan sa poot ng Diyos sa kasalanan na ibubuhos sa Kanya sa krus.

Noong sumigaw si Hesus sa krus, “Ama, bakit Mo Ako pinabayaan?” Ito ay naglalarawan na sa mga sandaling iyon, pinabayaan Siya ng Ama dahil sa poot ng Diyos sa kasalanan na ibinuhos sa Kanya. Habang ibinibigay Niya ang Kanyang Espiritu, sinabi ni Hesus, “Ama, sa Iyong mga kamay ibinibigay Ko ang Aking Espiritu.” Ang Kanyang pagdurusa ay natapos na bilang ating kahalili. Ang Kanyang kaluluwa/espiritu ay pumunta sa Paraiso sa Hades. Si Hesus ay hindi pumunta sa impiyerno. Ang pagdurusa ni Hesus ay natapos noong Siya ay mamatay. Ang kasalanan ay nabayaran na. Saka Niya hinintay ang muling pagkabuhay ng Kanyang katawan at ang Kanyang pagbabalik sa kaluwalhatian. Pumunta ba si Hesus sa impiyerno? Hindi. Pumunta ba si Hesus sa Sheol/Hades? Oo

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Pumunta ba si Hesus sa impiyerno sa pagitan ng Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries