Tanong
Mayroon bang mga kapatid na lalaki at babae si Hesus?
Sagot
Ilang beses na binanggit sa Bibliya ang mga kapatid ni Hesus. Sinasabi sa Mateo 12:46, Lukas 8:19, at Markos 8:19 na pinuntahan Siya ng Kanyang ina at mga kapatid upang makita Siya. Sinasabi sa atin ng Bibliya na may apat na kapatid na lalaki si Hesus. Sila ay sina Santiago, Jose, Simon at Judas (Mateo 13:55). Sinasabi din sa Bibliya na si Hesus ay may mga kapatid na babae, bagama’t, hindi sinabi kung ilan sila at kung ano ang kanilang mga pangalan (Mateo 13:56). Sa Juan 7:1-10, pumunta sa pista ang mga kapatid ni Hesus habang Siya ay nagpaiwan. Sa Mga Gawa 1:14, binanggit ang Kanyang ina at mga kapatid na nananalangin kasama ang mga alagad. Ipinakilala si Santiago sa Galacia 1:19 bilang kapatid ni Hesus. Ang natural na konklusyon sa mga talatang ito ay may mga kapatid si Hesus sa laman bilang tao.
Inaangkin ng mga Romano Katoliko na ang mga kapatid na ito ni Hesus ay Kanyang mga pinsan. Gayunman, sa bawat pagbanggit sa kanila, ginamit ang Griyegong salita na tumutukoy sa kapatid. Habang ang salitang ito ay maaaring tumukoy sa isang kamag anak, ang normal at literal na kahulugan nito ay kapatid sa laman. May Griyegong salita para sa “pinsan” ngunit hindi ito ginamit. Gayundin, kung sila ay mga pinsan lamang ni Hesus, bakit lagi silang binabanggit kasama ni Maria na ina ni Hesus? Walang katibayan sa konteksto na magpapaliwanag na ang ina at mga kapatid ni Hesus ang nagtungo sa Kanya isang gabi upang Siya'y makita. Sila ay hindi ibang tao kundi mga literal na kapatid sa laman ni Hesus.
Ang pangalawang argumeno ng mga Romano Katoliko ay may anak diumano si Jose sa ibang babae bukod kay Maria. Ang mga teorya na malaki ang katandaan ni Jose kay Maria, na nagkaroon ng ibang asawa ni Jose bago si Maria at pagkakaroon ni Jose ng maraming anak at pagkatapos ay nabalo ito bago naging asawa ni Maria ay inimbento lamang at walang basehan sa Bibliya. Ang problema, wala kahit anong pagbanggit sa Bibliya tungkol sa pagkakaroon ng unang asawa ni Jose at sa pagkakaroon niya ng mga anak bago sila nagpakasal ni Maria. Kung may 6 na anak si Jose bago nagpakasal kay Maria, bakit hindi sila nabanggit bago ang paglalakbay nina Jose at Maria patungong Bethlehem (Lukas 2:4-7) o kaya ay noong naglakbay sila patungong Ehipto (Mateo 2:13-15) o kaya nama'y noong naglakbay sila pabalik sa Nazareth (Mateo 2:20-23)?
Walang dahilan sa Bibliya upang paniwalaan na may ibang kapatid si Hesus maliban sa iba pang mga anak ni Jose at Maria. Hindi ang Bibliya ang ginagawang basehan ng paniniwala ng mga sumasalungat sa katotohanan na may mga kapatid na babae at lalaki si Hesus bilang Tao kundi ang teorya na nanatiling Birhen si Maria hanggang kamatayan na isa ring katuruan na hindi ayon sa Bibliya. “Ngunit hindi ginalaw ni Jose si Maria hanggang sa maipanganak nito ang isang sanggol na lalaki na pinanganlan nga niyang Jesus” (Mateo 1:25). May mga kapatid na babae at lalaki si Hesus na mga anak din nina Jose at Maria. Ito ang malinaw at hindi mapapasubaliang katuruan ng Salita ng Diyos.
English
Mayroon bang mga kapatid na lalaki at babae si Hesus?