settings icon
share icon
Tanong

Ano ang paniniwala ng Oneness Pentecostalism/Hesus lamang?

Sagot


Ang kilusan na Hesus lamang ‘Jesus Only,’ na kilala rin sa tawag na ‘Oneness Pentecostalism,’ ay nagtuturo na may iisa lamang Diyos at iyon ay si Hesus at hindi nila pinaniniwalaan ang tatlong persona ng Diyos. Sa ibang salita, hindi kinikilala ng mga Pentecostal oneness ang magkakaibang persona ng Diyos: ang Ama, Anak at Espiritu Santo. Ang paniniwalang ito ay may iba’t ibang anyo – may naniniwala na si Hesus lamang ang tunay na Diyos na minsan ay nagpapakilala bilang Ama at minsan naman ay bilang Espiritu Santo. Ang sentrong doktrina ng Oneness Pentesotal/Hesus lamang ay si Hesus din ang Ama at si Hesus din ang Banal na Espiritu. May isa lamang Diyos, si Hesus, na ipinakilala ang Kanyang sarili sa iba’t ibang kapahayagan o “modes.”

Nasa mundo na ang katuruang ito ng Oneness Pentecostals sa loob ng maraming siglo sa iba’t ibang porma at anyo, at kilala sa tawag na modalismo (modalism). Itinuturo ng modalismo na ang Diyos ay nagpakilala sa iba’t ibang kapahayagan (modes) sa iba’t ibang panahon – minsan bilang Ama, minsan bilang Anak, at minsan bilang Espiritu Santo. Ngunit ang mga talata sa Bibliya gaya ng Mateo 3:16-17, kung saan makikitang magkakasama sa iisang talata ang tatlong persona ng Diyos ay komokontra sa katuruang ito. Ang modalismo ay matagal ng itinuturing na isang maling katuruan noon pa mang ikalawang siglo. Matibay na nilabanan ng unang Iglesya ang katuruang ito na ang Diyos ay iisa lamang persona na gumanap ng Kanyang gawain sa iba’t ibang anyo sa iba’t ibang panahon. Pinatunayan nila mula sa Kasulatan ang pagkakaroon ng tatlong persona ng Diyos mula sa mga bahagi ng Kasulatan na binabanggit ang tatlong persona ng magkakasabay at nakikipag ugnayan sa isa’t isa (Halimbawa: Genesis 1:26; 3:22;11:7; Awit 2:7; 104:30; 110:1; Mateo 28:19; Juan 14:16). Ang katuruan ng Oneness Pentecostalism ay hindi naaayon sa Bibliya.

Ang konsepto ng tatlong persona ng Diyos sa kabilang banda, ay makikita sa buong Kasulatan. Isa itong katuruan na hindi madaling maunawaan ng pahat na isip ng tao. At dahil gusto ng tao na gamitin ang kanyang sariling kaalaman sa pang-unawa sa Bibliya, ang mga kilusan gaya ng Oneness Pentecostalism – at Saksi ni Jehovah – ay laging lalabas upang ipaliwanag ang kalikasan ng Diyos sa sariling pangunawa ng tao. Siyempre, hindi nila ito maaaring gawin ng hindi nila sasalungatin ang mga talata sa Bibliya. Natanggap na ng mga Kristiyano na ang kalikasan ng Diyos ay hindi kayang limitahan ng pagiisip ng tao. Simpleng pinaniniwalaan lamang natin kung ano ang Kanyang sinasabi sa Kasulatan, “Ang wika ni Yahweh: ‘Ang aking isipa'y di ninyo isipan, at magkaiba ang ating daan. Kung paanong ang langit higit na mataas, mataas sa lupa, ang daa't isip ko'y hindi maaabot ng inyong akala’" (Isaias 55:8-9). Kung hindi natin kayang maunawaan ang Kanyang isipan at ang Kanyang pamamaraan, tinatanggap natin na hindi din natin kayang lubusang maunawaan ang Kanyang kalikasan.



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang paniniwala ng Oneness Pentecostalism/Hesus lamang?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries