Tanong
Ano ang kahulugan at layunin ng mga pagtukso kay Hesus?
Sagot
Pagkatapos na Siya'y mabawtismuhan, “Dinala siya ng Espiritu doon sa ilang, at sa loob ng apatnapung araw ay tinukso ng diyablo” (Lukas 4:1-2). Ang tatlong tukso ng diyablo kay Hesus sa ilang ay pagtatangka upang subukin ang katapatan ni Hesus sa Diyos at ilipat Niya ang Kanyang pagtitiwala mula sa Diyos patungo kay Satanas. Makikita natin ang parehong tukso sa Mateo16:21-23 kung saan si Satanas, sa pamamagitan ni Pedro ay tinukso si Hesus na huwag ng magtungo sa krus na Kanyang sadyang hantungan. Sinasabi sa atin sa Lukas 4:13 na “Pagkatapos siyang tuksuhin ng diyablo sa lahat ng paraan, ito'y umalis at naghintay ng ibang pagkakataon” na nangangahulugan na patuloy na tinukso ng diyablo si Hesus, bagamat walang itinalang insidente ng mga panunuksong iyon. Ang mahalagang punto ay, sa kabila ng iba't-ibang tukso ni Satanas, hindi nagkasala si Hesus.
Ang pagpapahintulot ng Diyos na tuksuhin si Hesus ng diyablo sa ilang ay malinaw na makikita sa pangungusap na “dinala Siya ng Espiritu doon sa ilang.” Ang isang layunin nito ay upang bigyan tayo ng katiyakan na mayroon tayong dakilang Saserdote na “nakauunawa sa ating mga kahinaan sapagkat sa lahat ng paraa'y tinukso siyang tulad natin” (Hebreo 4:15). Ang kalikasan ni Hesus bilang tao ang nagbigay sa Kanya ng kakayahan na maunawaan ang ating mga kahinaan dahil ipinailalim din Niya ang Kanyang sarili sa mga kahinaang nararanasan natin. “Sapagkat siya ma'y tinukso at nagbata, kaya ngayo'y matutulungan niya ang mga tinutukso” (Hebreo 2:18). Ang salitang Griyego na isinalin sa salitang “tukso” sa talatang ito ay nangangahulugan na “subukin.” Kaya, kung tayo ay inilalagay sa pagsubok at nakakaranas ng mga kahirapan sa buhay, mapagtitiwalaan natin na nauunawaan ni Hesus ang ating nararamdaman at nakikisimpatya Siya sa atin bilang isa na dumaan din sa mga parehong pagsubok.
Ang mga tukso kay Hesus ay may tatlong disenyo na pangkaraniwan sa lahat ng tao. Ang unang tukso ay may kinalaman sa pita ng laman (Mateo 4:3-4), na kasama ang lahat ng uri ng kagustuhang pisikal. Ang ating Panginoon ay nagutom at tinukso Siya ng diyablo na gawing tinapay ang bato, ngunit sumagot Siya sa pamamagitan ng pagbanggit sa Deuteronomio 8:3. Ang ikalawang tukso ay may kinalaman sa kapalaluan (Mateo 4:5-7), at dito, tinangka ng diyablo na gamitin ang isang talata sa Bibliya laban kay Hesus (Awit 91:11-12), ngunit sumagot muli ang Panginoong Hesus sa pamamagitan ng Kasulatan upang salungatin iyon (Deuteronomio 6:16), at sinabi sa diyablo na hindi tama para sa Kanya na abusuhin ang kanyang kapangyarihan.
Ang ikatlong tukso ay may kinalaman sa pita ng mata (Mateo 4:8-10), at kung ang mabilisang paraan sa kanyang pagiging Tagapagligtas ay makakamit sa pamamagitan ng hindi pagdaan sa napipintong paghihirap at kamatayan sa krus, ito ang paraan. Sinabi ng Diyablo na may kapamahalaan siya sa lahat ng kaharian sa lupa (Efeso 2:2), at handa niyang ibigay ang lahat kay Kristo kapalit ng Kanyang katapatan sa Kanya. Ang kasinungalingang ito ng Diyablo ang nagtulak sa kalikasan ng ating Panginoong Hesu Kristo bilang Diyos na magalit, at matalas Niyang sinaway ang diyablo, “Lumayas ka, Satanas! Sapagkat nasusulat, Ang iyong Diyos at Panginoon ang sasambahin mo; Siya lamang ang iyong paglilingkuran” (Mateo 4:10; Deuteronomio 6:13).
Maraming tukso ang ating nararanasan kung saan tayo bumabagsak dahil ang ating laman ay natural na mahina, ngunit mayroon tayong tapat na Diyos, “at hindi niya ipahihintulot na kayo'y subukin nang higit sa inyong makakaya. Sa halip, pagdating ng pagsubok, bibigyan niya kayo ng lakas upang mapagtagumpayan iyon (1 Corinto10:13). Tayo ngayon ay maaari ng magtagumpay laban sa tukso at magpasalamat tayo sa Panginoon sa ating kaligtasan laban sa tukso. Tinutulungan tayo ng karanasan ni Hesus sa ilang na makita ang mga pangkaraniwang tukso na nagiging dahilan upang hindi tayo magamit ng Diyos.
Dagdag pa rito, matututuhan natin sa tugon ni Hesus sa mga tukso sa Kanya ng diyablo kung paano tayo lalaban sa tukso; at ito ay sa pamamagitan ng Kasulatan. Ang puwersa ng kasamaan ay darating sa atin taglay ang iba't ibang uri ng tukso, ngunit may tatlong pangkaraniwang disenyo ang mga tuksong ito: ang pita ng mata, pita ng laman at kayabangan (1 Juan 2:16). Mababantayan at makikilala lamang natin ang mga tuksong ito kung lulunurin natin ang ating puso at isip sa katotohanan. Kabilang sa baluti ng sundalong Kristiyano sa pakikibakang espiritwal ang ating pamatay na “armas” ang tabak ng Espiritu - ang Salita ng Diyos (Efeso 6:17). Ang pagpapasakop sa sinasabi ng Bibliya at pagtatanim ng Salita ng Diyos sa ating mga puso ang paraan upang masangkapan tayo ng tabak ng Espiritu at ito ang magbibigay sa atin ng tagumpay laban sa mga tukso.
English
Ano ang kahulugan at layunin ng mga pagtukso kay Hesus?