settings icon
share icon
Tanong

Posible bang malaman kung kailan ang muling pagparito ni Hesu Kristo?

Sagot


Sinabi ni Hesus sa Mateo 24:36-44, "Ngunit walang nakaaalam ng araw at oras ng pagsapit niyon, kahit ang mga anghel sa langit, o ang Anak man---ang Ama lamang ang nakaaalam nito. Ang pagdating ng Anak ng Tao ay matutulad sa pagdating ng baha noong panahon ni Noe. Noon, ang mga tao'y nagsisikain, nagsisiinom at nag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok sa daong si Noe. ‘Tandaan ninyo ito: kung alam lamang ng puno ng sambahayan kung anong oras ng gabi darating ang magnanakaw, siya'y magbabantay at hindi niya pababayaang pasukin ang kanyang bahay. Kaya maging handa kayong lagi, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na di ninyo inaasahan.’" Sa biglang tingin, ang mga talatang ito ay nagbibigay ng isang malinaw at tiyak na sagot sa tanong. Ngunit hindi, walang makakaalam ng tiyak na panahon kung kailan babalik si Hesu Kristo. Gayunman hindi sinasabi sa mga talatang ito na walang sinuman ang maaaring makaalam ng mga palatandaan kung kailan babalik si Kristo. Maraming iskolar ng Bibliya ang naniniwala na si Kristo, na ngayon ay nasa maluwalhating kalagayan sa langit, ay nalalaman ang eksaktong panahon ng Kanyang muling pagparito. Ang pariralang "o ang Anak man," ay hindi nangangahulugan na hindi malalaman ni Hesus kung kailan siya babalik.


Bilang karagdagan, sinasabi din sa Gawa 1:7, "Ang mga panahon at sandali ay itinakda ng Ama sa kanyang sariling kapangyarihan, at hindi na kailangan pang malaman ninyo kung kailan iyon." Sinabi ito ni Hesus sa mga alagad ng itanong nila kung kailan Niya itatayo ang kaharian ng Israel. Kinukumpirma nito ang mensahe sa Mateo 24. Hindi para sa atin ang pagalam sa panahon ng pagbabalik ni Kristo. Ngunit ang tinutukoy ba ng mga talatang ito ay ang pagdagit sa mga mananampalataya o rapture o ang muling pagparito ni Kristo? Aling pagbabalik ang hindi maaaring malaman - ang rapture ba o ang ikalawang pagparito ni Kristo o pareho? Habang ang pagdagit ay sinasabing nalalapit na at lihim sa lahat, ang panahon ng muling pagparito ni Kristo ay maaaring matukoy ayon sa mga kaganapan ng mga hula sa huling panahon.

Nais naming maging malinaw ang bagay na ito: hindi kami naniniwala na ipinahayag ng Diyos sa kaninuman ang eksaktong panahon ng muling pagbabalik ni Kristo at wala tayong makikitang ebidensya sa Bibliya na ipapaalam ng Diyos sa sinuman sa panahon ngayon kung kailan ang Kanyang muling pagparito. Habang ang Mateo24:36-44 ay direktang sinabi ni Hesus sa mga tao sa kanyang panahon, taglay din nito ang pangkalahatang prinsipyo. Ang panahon ng muling pagparito ni Kristo sa katapusan ng panahon ay hindi para sa ating kaalaman. Hindi tayo hinihikayat saan man sa Bibliya na ating tangkain na alamin ang eksaktong araw o oras ng kanyang muling pagparito. Sa halip, inuutusan tayo na "magbantay dahil hindi natin alam ang araw ni ang oras ng pagdating ng Panginoon" (tal. 42). Kaya maging handa tayong lagi, "sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na di ninyo inaasahan" (tal. 44). Ang diin sa pangungusap ni Hesus ay mababawasan kung may isang yugto ng panahon sa hinaharap na may taong makakaalam ng panahon ng kanyang pagbabalik. Kung may nakaalam na ng eksaktong oras at araw, hindi na natin kailangang "magbantay" o "maghanda." Kaya kung isasaalang-alang ang prinsipyo ng Mateo 24:36-44, imposible para sa kaninuman na malaman ang araw at oras ng muling pagparito ni Kristo.

Sa kabila ng malinaw na prinsipyong ito sa Bibliya, maraming tao sa kasaysayan ng Kristiyanismo ang nagtangkang hulaan ang eksaktong araw ng pagbabalik ni Hesu Kristo. Maraming petsa ang ipinalagay at lahat ng mga nanghula ay nagkamali. Sa mga nakaraang taon, may dalawang pinakabago at pinakapopular na petsa: ang Mayo 21, 2011 at Disyembre 21, 2012. Ang Disyembre 21, 2012, ay isang petsa na may kaugnayan sa kalendaryo ng mga Mayan at hindi sinusuportahan ng kahit anong talata sa Bibliya. Ang Mayo 21, 2011 naman na diumano ay siyang "araw ng paghuhukom" ay inihula ng isang nagngangalang Harold Camping ng Family Radio sa Amerika. Matatandaan na una ng hinulaan ni Harold Camping na muling babalik si Hesus noong 1994. Malinaw na nagkamali si Harold Camping. Inaangkin ni Camping na may ebidensya sa Bibliya na ang pagbabalik ni Kristo ay noong Mayo 21, 2011. Sa pamamagitan ng paggamit ng petsang 4990 B.C. na diumano ay siyang taon ng baha noong panahon ni Noe, at pagkatapos ay sa paglalapat ng sinabi ni Pedro sa 2 Pedro 3:8 na ang "isang araw sa Panginoon ay parang 1,000 taon sa tao," sa pitong araw ng Genesis 7:4, at pagbilang ng 7,000 taon mula sa taong 4990, ang resulta ay taong 2011. Pagkatapos, base sa "ikalabing pitong araw ng ikalawang buwan" mula sa Genesis 7:11 at sa paggamit sa kalendaryong Hebreo, nakuha ni Camping ang petsang Mayo 21, 2011. Makatotohanan ba ang metodolohiyang ito ng pagkukuwenta sa panahon ng pagbabalik ni Hesus na ginamit ni Camping?

Una, binalewala ni Camping ang ikalawang bahagi ng 2 Pedro 3:8,"at ang isanlibong taon ay isang araw." Gayundin naman, hindi nagbibigay ang 2 Pedro 3:8 ng anumang pamamaraan sa pagkalkula ng mga mangyayari sa huling panahon. Sa halip, simpleng sinasabi lamang sa 2 Pedro 3:8 na ang Diyos ay hiwalay at higit na mataas kaysa sa panahon. Ang Diyos ay walang hanggan, walang simula at wakas at hindi sakop ng panahon. Ikalawa, wala sa konteksto ng Genesis 7:4-11 ang nagpapahiwatig na ang "pitong araw" at "ika-labing pitong araw ng ikalawang buwan" ay dapat na unawain bukod sa aktwal na kahulugan nito na sinabi ng Diyos kay Noe. Ikatlo, ang paggamit ng taong 4990 B.C. para sa panahon ng pagbaha ay kathang isip lamang at walang ebidensya mula sa Bibliya. Ang kalkulasyon ni Camping na Mayo 21, 2011, ay guguho kahit sa ilalim ng isang napakababang pagaaral ng Bibliya. Ngayon, posible ba para kay Hesus na dumating noong Mayo 21, 2011? Oo, ngunit posible din na dumating Siya sa ibang taon, araw o buwan. May batayan ba mula sa Bibliya ang metodolohiya ng kalkulasyon ni Camping? Wala. Nakalululungkot na tiyak na muling magtatakda ng bagong petsa si Camping at ang iba pa sa pagdating ni Kristo at susubuking ipaliwanag ang kanilang mga pagkakamali at sasabihing mayroon lamang mali sa kanilang pormulang ginamit o iba pang kadahilanan.

Ang mga pangunahing puntos ay ang mga sumusunod: (1) hindi iniutos sa atin saanman sa Bibliya na subuking alamin ang panahon ng muling pagparito ni Kristo at (2) hindi tayo binigyan ng Bibliya ng malinaw na datos kung paano natin kakalkulahin ang eksaktong panahon ng muling pagbabalik ni Hesus. Sa halip na maghaka-haka at magimbento ng mga kalkulasyon upang malaman kung kailan babalik ang Panginoong Hesus, sinasabi sa atin ng Bibliya na "magbantay" tayo at "maghanda" (Mateo 24:42-44.) Ang katotohanan na inilihim ng Diyos sa tao ang araw at oras ng muling pagbabalik ni Kristo ang siyang dapat na magtulak sa atin na mamuhay araw-araw sa liwanag ng Kanyang nalalapit na pagdating anumang araw at oras mula ngayon.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Posible bang malaman kung kailan ang muling pagparito ni Hesu Kristo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries