Tanong
Hindi ba nagalit si Hesus kahit kailan?
Sagot
Nang linisin ni Hesus ang templo mula sa mga nagpapalit ng salapi at nagbebenta ng mga hayop na panghandog, nagpakita Siya ng emosyon at malaking pagkagalit (Mateo 21:12-13; Markos 11:15-18; Juan 2:13-22). Ang emosyon ni Hesus ay sinabing dahil sa Kanyang “malasakit sa bahay ng Diyos” (Juan 2:17). Ang Kanyang galit ay dalisay at walang bahid ng kasalanan dahil ang pinag-ugatan noon ay ang Kanyang malasakit para sa pagsamba at sa kabanalan ng Diyos. Dahil ang kabanalan ng Diyos ang nakataya, gumawa si Hesus ng mabilis na aksyon. Nagpakita rin si Hesus ng pagkagalit sa isang sinagoga sa Capernaum ng tumanggi ang mga Pariseo na sagutin ang kanyang mga tanong. Ating mababasa, “At nang siya'y lumingap sa kanila sa palibotlibot na may galit, sapagka't ikinalungkot niya ang katigasan ng kanilang puso” (Markos 3:5).
Lagi nating iniisip na ang pagkagalit ay isang makasarili at mapanirang emosyon na dapat nating iwasan sa ating buong buhay. Gayunman, ang katotohanan na paminsan minsang nagalit si Hesus ay nagpapakita na ang galit bilang isang emosyon ay “amoral” o hindi agad masasabing isang kasalanan. Ito ay itinuturo sa Bagong Tipan. Sinabihan tayo sa Efeso 4:26, “Kayo'y mangagalit at huwag kayong mangakasala: huwag lumubog ang araw sa inyong galit.” Ang utos ay hindi “iwasan ang magalit” (o pigilin o hindi ito pansinin), kundi ang harapin ito ng maayos, sa isang tamang kaparaanan. Mapapansin ang mga sumusunod na katotohan tungkol sa pagkagalit ni Hesus.
1) Ang kanyang galit ay may tamang motibo. Sa ibang salita, nagalit Siya dahil sa tamang dahilan. Ang galit ni Hesus ay hindi dahil sa udyok ng walang kabuluhang argumento o udyok ng personal na kadahilanan. Ang kanyang galit ay hindi udyok ng makasariling hangarin.
2) Ang Kanyang galit ay may tamang pinaguukulan. Hindi Siya nagalit sa Diyos o sa “kahinaan” ng iba. Ang pinaguukulan ng Kanyang galit ay ang masasamang gawain at kawalan ng hustisya.
3) Ang Kanyang galit ay may tamang dahilan. Sinabi sa Markos 3:5 na ang Kanyang galit ay dahil sa Kanyang pagkalungkot sa kawalan ng pananampalataya ng mga Pariseo. Ang Kanyang galit ay nag-ugat sa kanyang pag-ibig sa mga Pariseo at ang Kanyang malasakit sa kanilang kalagayang espiritwal. Ang Kanyang galit ay hindi dahil sa maling dahilan.
4) Kontrolado Niya ang Kanyang pagkagalit. Hindi siya kailanman nawalan ng kontrol sa Kanyang emosyon sa kabila ng kanyang pagkagalit. Hindi nagustuhan ng mga namumuno ang kanyang paglilinis sa Templo (Lukas 19:47), ngunit wala Siyang ginawang anumang kasalanan. Kontrolado Niya ang Kanyang emosyon, hindi Siya ang kinontrol ng kanyang emosyon.
5) Ang kanyang pagkagalit ay may tamang panahon. Hindi Niya hinayaan ang Kanyang galit na magtagal at maging pagkapoot; hindi Siya nagtanim ng sama ng loob kaninuman. Hinarap Niya ng tama ang sitwasyon at nagalit Siya sa loob ng maiksing panahon lamang.
6) Ang kanyang galit ay may tamang resulta. Ang pagkagalit ni Hesus ay nagtuturo ng makadiyos na pamumuhay. Ang pagkagalit ni Hesus, gaya ng Kanyang ibang emosyon, ay laging ayon sa Salita ng Diyos; kaya nga ang resulta ng Kanyang pagkagalit ay ang kaganapan ng kalooban ng Diyos.
Sa tuwing tayo'y nagagalit, lagi tayong nawawalan ng kontrol at laging mali ang ating motibo. Bumabagsak tayo sa isa sa mga pamantayan ng tamang pagkagalit na nabanggit sa itaas. Ito ang pagkagalit ng tao, kaya nga tayo ay tinuruan ni Santiago, “Nalalaman ninyo ito, minamahal kong mga kapatid. Nguni't magmaliksi ang bawa't tao sa pakikinig, magmakupad sa pananalita, magmakupad sa pagkagalit; Sapagka't ang galit ng tao ay hindi gumagawa ng katuwiran ng Dios” (Santiago 1:19-20). Hindi si Hesus nagalit na gaya ng pagkagalit ng tao, kundi ang Kanyang galit ay perpekto at makatarungang galit ng Diyos laban sa kasalanan.
English
Hindi ba nagalit si Hesus kahit kailan?