settings icon
share icon
Tanong

Bakit nakaranas si Hesus ng labis paghihirap?

video
Sagot


Idineklara ng Isaias 52:14 “Marami ang nagulat nang siya'y makita, dahil sa pagkabugbog sa kanya, halos hindi makilala kung siya ay tao.” Si Hesus ay naghirap ng labis mula sa paglilitis sa Kanya, sa pagpapahirap ng mga sundalo hanggang sa pagpako sa Kanya sa krus (Mateo 27; Markos 15; Lukas 23; Juan 19). Kung gaano ang kahirapang dinanas Niya sa pisikal, hindi iyon maikukumpara sa kanyang paghihirap sa espiritwal. Ikalawa, sinasabi sa 2 Corinto 5:21, “Yaong hindi nakakilala ng kasalanan ay kaniyang inaring may sala dahil sa atin: upang tayo'y maging sa kaniya'y katuwiran ng Dios.” Dinala ni Hesus ang buong bigat ng kasalanan ng buong mundo sa kanyang kamatayan (1 Juan 2:2). Ang kasalanan ang dahilan kung bakit sumigaw si Hesus, “Eli, Eli, lama sabachthani? sa makatuwid baga'y, Dios ko, Dios ko bakit mo ako pinabayaan?” (Mateo 27:46). Kaya nga kung gaano ka brutal ang paghihirap ni Hesus sa pisikal, hindi iyon maikukumpara sa Kanyang espiritwal na paghihirap dahil sa Kanyang pag-ako sa kasalanan ng tao at pagkamatay upang bayaran ang parusa ng kasalanan (Roma 5:8).


Hinulaan ni Isaias ang paghihirap ni Hesus sa malinaw na pananalita: “Hinamak siya ng mga tao at itinakwil. ‘Nagdanas siya ng hapdi at hirap. Wala man lang pumansin sa kanya. Binale-wala natin siya, na parang walang kabuluhan. Ngunit dahil sa ating mga kasalanan kaya siya nasugatan; siya ay binugbog dahil sa ating kasamaan. Tayo ay gumaling dahil sa pahirap na dinanas niya at sa mga hampas na kanyang tinanggap” (Isaias 53:3, 5). Ang Awit 22:14-18 ay isa pang talata kung saan hinulaan ang paghihirap ng Mesiyas. “Ako'y nabuhos na parang tubig, At lahat ng aking mga buto ay nangapapalinsad: Ang aking puso ay parang pagkit; Natutunaw ito sa loob ko. Ang aking kalakasan ay natuyo na parang bibinga; At ang aking dila ay dumidikit sa aking ngalangala; At dinala mo ako sa alabok ng kamatayan. Sapagka't niligid ako ng mga aso: Kinulong ako ng pulutong ng mga manggagawa ng masama; binutasan nila ang aking mga kamay at ang aking mga paa. Aking maisasaysay ang lahat ng aking mga buto; kanilang minamasdan, at pinapansin ako: Hinapak nila ang aking mga kasuutan sa gitna nila, at kanilang pinagsapalaran ang aking kasuutan.”

Bakit kailangang maghirap si Hesus ng labis? May mga nagaakala na ang pisikal na pagpapahirap kay Hesus ay bahagi lamang ng pagpaparusa ng Diyos sa ating mga kasalanan. Sa isang banda ay tama din ito. Ngunit hindi lamang ito ang tanging dahilan, ang pagpapahirap ng tao kay Hesus ay naglalarawan ng galit at kalupitan ng tao sa Diyos. Ang labis na pagkamuhi ni Satanas sa Diyos at kay Hesus ang Siyang nagtulak sa mga tao upang labis na pahirapan si Hesus. Ang pagpapahirap na ibinunton ng makasalanang tao kay Hesus ay nagpapakita ng kanilang nadaramang labis na pagkamuhi sa Banal na Diyos (Roma 3:10-18).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit nakaranas si Hesus ng labis paghihirap?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries