settings icon
share icon
Tanong

Ano ang pagkakaiba ni Hesus sa ibang mga lider ng relihiyon?

Sagot


Sa esensya, ang tanong na ito ay tulad sa tanong na “ano ang pagkakaiba ng araw sa ibang bituin sa ating solar system”—dahil walang ibang araw sa ating solar system!

Walang ibang lider ng relihiyon ang maaaring ikumpara kay Hesu Kristo! Ang lahat ng lider ng relihiyon, ay mamamatay at hindi mabubuhay na mag-uli. Si Hesus lamang ang tanging namatay, (bilang ating kahalili para sa ating mga kasalanan ayon sa 1 Corinto 15:1-8) at ngayon ay nabubuhay magpakailanman. Ipinahayag ni Hesus sa Pahayag 1:17-18 na Siya ay buhay magpakailanpaman! Walang ibang lider ng relihiyon ang makakapag-angkin ng parehong pahayag, isang pagaangkin na dalawa lamang ang posibilidad – isang katotohanan o isa lamang kahangalan.

Ang isa pang malaking pagkakaiba ay makikita sa mismong kalikasan ng Kristiyanismo. Ang esensya ng Kristiyanismo ay si Kristo mismo na ipinako, nabuhay na mag-uli, umakyat sa langit, at magbabalik na muli isang araw. Kung wala si Hesus - at kung hindi Siya nabuhay na mag-uli mula sa mga patay – walang Kristiyanismo. Ikumpara natin ito sa ibang malalaking relihiyon. Halimbawa ang Hinduismo, babagsak ito o babangon dahil sa mga “dakilang Swami” na nagtatag nito. Ganoon din ang Budismo. Kahit na ang Islam ay natatag sa mga pahayag at katuruan ni Muhammad, hindi sa pagaangkin na babangon siyang muli mula sa mga patay.

Sinabi ni Apostol Pablo sa 1 Corinto 15:13-19 na kung hindi nabuhay na mag-uli si Hesus mula sa mga patay, walang kabuluhan ang ating pananampalataya at tayo ay nasa ating mga kasalanan pa! Ang mga katotohanang inaangkin ng Kristiyanismo ay simple at tanging nakabase sa nabuhay na mag-uling Hesu Kristo! Kung hindi si Hesus nabuhay na mag-uli mula sa mga patay – sa isang partikular na lugar at panahon sa kasaysayan – lalabas na walang katotohanan ang Kristiyanismo sa anumang paraan. Sa buong Bagong Tipan, ibinase ng mga apostol at ng mga mangangaral ang katotohanan ng Ebanghelyo sa muling pagkabuhay ni Hesu Kristo.

Ang isa pang mahalagang punto ay ang napakahalagang katotohanan na inangkin ni Hesus na Siya ang “Anak ng Diyos” (mula sa salitang Hebreo na nangangahulugang “nagpapakilala bilang Diyos”). Inangkin din Niya na Siya ang “Anak ng Tao” (mula sa salitang Hebreo na nangangahulugang “nagpapakilala bilang Tao”). Sa maraming mga talata sa Bibliya, inangkin ni Hesus na kapantay Siya ng Ama (tingnan halimbawa ang Juan 10:29-33). Sa Kanya ipinatungkol ang lahat ng katangian at karapatan ng Diyos bagamat Siya’y isa ring tunay na tao na isinilang ng isang birhen (Mateo 1:18-25; Lukas 1:26-56). Pagkatapos na mabuhay na isang banal, ipinako Siya sa krus upang bayaran ang kaparusahan para sa ating mga kasalanan: “At siya ang pangpalubag-loob sa ating mga kasalanan; at hindi lamang sa ating mga kasalanan, kundi ng sa buong sanglibutan din naman ” (1 Juan 2:2), at nabuhay siyang mag-uli mula sa mga patay pagkatapos ng tatlong araw. Siya ay tunay na Diyos at tunay na Tao, ang “theanthropos” [salitang Griyego para sa “Diyos” (theos) at “Tao” (anthropos)]; ngunit iisa lamang Siyang persona.

Ang persona at gawain ni Kristo ang naguudyok sa atin sa isang hindi maiiwasang katanungan: Ano ang gagawin mo kay Hesus? Hindi natin Siya maipagwawalang bahala. Hindi natin Siya simpleng matatanggihan. Siya ang sentrong pigura sa buong kasaysayan ng tao at kung namatay Siya para sa kasalanan ng buong sanlibutan, namatay din Siya para sa iyo. Sinasabi sa atin ni Apostol Pedro sa Gawa 4:12, “At sa kanino mang iba ay walang kaligtasan: sapagka't walang ibang pangalan sa silong ng langit, na ibinigay sa mga tao, na sukat nating ikaligtas.” Kung mananalig ka sa Panginoong Hesu Kristo bilang iyong Tagapagligtas sa iyong mga kasalanan, maliligtas ka.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang pagkakaiba ni Hesus sa ibang mga lider ng relihiyon?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries