Tanong
Ano ang mga paglilitis na hinarap ni Hesus bago ang pagpapako sa Kanya sa Krus?
Sagot
Noong gabing hulihin si Hesus, dinala Siya sa harapan ni Annas, ni Caiphas at sa harap ng grupo ng mga lider pangrelihiyon ng mga Hudyo na tinatawag na Sanedrin (Juan 18:19-24; Mateo 26:57). Pagkatapos nito dinala Siya kay Pilato, ang gobernador Romano noon (Juan 18:23). Iniharap din Siya kay Herodes (Lukas 23:7), at sa huli ay ibinalik kay Pilato (Lukas 23:11-12), na Siyang nagpataw sa Kanya ng parusang kamatayan.
May anim na bahagi ang paglilitis kay Hesus: Ang tatlong bahagi ay sa isang hukumang panrelihiyon at ang tatlo ay sa hukumang Romano. Nilitis Siya sa harap ni Annas, ang dating punong saserdote; sa harap ni Caifas, ang kasalukuyang punong saserdote; at sa harap ng Sanedrin. Pinaratangan Siya ng mga panrelihiyong hukumang ito ng salang pamumusong dahil sa Kanyang pagaangkin na Siya ang Anak ng Diyos, ang Mesiyas o Tagapagligtas.
Ang mga paglilitis sa harap ng pamahalaang Hudyo at ang mga paglilitis na panrelihiyon ay nagpapakita ng lalim ng pagkamuhi sa Kanya ng mga Pariseo dahil sa pagsalansang Niya sa kanilang sariling kautusan. Maraming mga ilegal na proseso ang naganap sa mga paglilitis na ito ayon sa pamantayan ng batas ng mga Hudyo: (1) Walang paglilitis ang dapat na isagawa sa pagdiriwang ng anumang kapistahan. Si Hesus ay nilitis sa araw ng Pista ng Paskuwa. (2) Ang bawat miyembro ng korte ay dapat na bomoto ng indibidwal upang pagpasyahan kung ang nasasakdal ay nagkasala o hindi. Ngunit si Hesus ay nilitis sa pamamagitan ng sigaw ng karamihan. (3) Kung naipataw na ang parusang kamatayan, kailangang magparaan muna ng isang gabi upang isakatuparan ang parusa, gayunman ilang oras lamang ang nakalilipas, ipinako na agad si Hesus sa krus. (4). Walang karapatan ang mga Hudyo na magpataw ng parusang kamatayan kahit kanino, ngunit minanipula nila ang hatol na kamatayan para kay Hesus (5). Walang paglilitis na ginagawa kung gabi, ngunit ang paglilitis kay Hesus ay nagumpisa ng hatinggabi at tinapos ng madaling araw. (6). Ang akusado ay dapat na binibigyan ng abogado o tagapagtanggol, ngunit wala noon si Hesus. (7) Hindi tinatanong ang akusado ng mga tanong na magdidiin sa kanyang sarili, ngunit si Hesus ay tinanong kung Siya nga ba ang Kristo.
Ang paglilitis sa harap ng pamahalaang Romano ay nagumpisa kay Pilato (Juan 18:23) pagkatapos na ipahagupit si Hesus ng pinakapunong saserdote. Ang mga bintang laban sa Kanya sa harap ni Pilato ay kaiba sa mga bintang sa Kanya sa harap ng hukuman ng mga Hudyo. Inakusahan Siya sa pagsusulsol sa mga tao na gumawa ng kaguluhan, sa pagbabawal sa mga Hudyo na magbayad ng buwis, at sa pagpoproklama sa Kanyang sarili bilang hari. Walang nakita si Pilato na anumang dahilan upang patayin si Hesus, kaya ipinadala Niya ito kay Herodes (Lukas 23:7). Hiniya ni Herodes si Hesus, ngunit sa pagiwas sa anumang desisyong pampulitika na maaaring makasama sa kanya, ipinabalik niya ito kay Pilato (Lukas 23:11-12). Ito ang huling paglilitis kung saan ipinahagupit ni Pilato si Hesus sa pagaakalang mapapawi nito ang galit ng mga Hudyo. Ang pagpalo ng mga Romano sa sinumang akusado ay napakasakit at posibleng ito ay umabot hanggang sa 39 na palo. Sa Kanyang huling pagtatangka na mapalaya si Hesus, pinamili ni Hesus ang mga Hudyo kung sino ang gusto nilang ipako sa krus, si Barabas ba na isang kriminal o si Hesus, ngunit wala din siyang nagawa. Sumigaw ang mga Hudyo na ipako si Hesus sa Krus at palayain si Barabas. Pinagbigyan ni Pilato ang kanilang hiling at isinuko si Hesus sa kanilang kagustuhan (Lukas 23:25). Ang paglilitis kay Hesus ay ang pinakamalaking paghamak sa hustisya. Si Hesus ang pinaka inosenteng tao sa kasaysayan ng mundo na pinarusahan ng kamatayan dahil sa kasalanang hindi Niya ginawa sa pamamagitan ng pagpapako sa Krus.
English
Ano ang mga paglilitis na hinarap ni Hesus bago ang pagpapako sa Kanya sa Krus?