settings icon
share icon
Tanong

Si Hesus ba ay para sa pandaigdigang kapayapaan?

Sagot


Ang isang taong laging para sa kapayapaan (pacifist) ay lumalaban sa kaguluhan, partikular sa digmaan sa lahat ng panahon. Lagi siyang tumututol sa paghawak ng armas para sa ikatatahimik ng konsensya o paniniwalang panrelihiyon.

Si Hesus ang “prinsipe ng kapayapaan” (Isaias 9:6) dahil isang araw itatatag Niya ang tunay at pangwalang hanggang kapayapaan sa mundo. Kapansin pansin na ang Kanyang mensahe ay hindi naggaganyak sa tao para sa pakikipaglaban (Mateo 5:38-44). Ngunit malinaw sa Bibliya na minsan, kailangang maganap ang digmaan (tingnan ang Awit 144:1). At kung susuriin ang ilan sa mga hula ni Hesus na makikita sa Bibliya, hindi masasabing lagi Siyang para sa kapayapaan. Sinasabi sa Pahayag 19:15 tungkol kay Hesus, “At sa kaniyang bibig ay lumalabas ang isang tabak na matalas, upang sa pamamagitan nito'y sugatan niya ang mga bansa: at kaniyang paghaharian ng tungkod na bakal: at niyuyurakan niya ang pisaan ng ubas ng kabangisan ng kagalitan ng Dios na Makapangyarihan sa lahat.” Ang pagtatatag sa isanlibong taon ng paghahari ni Kristo sa lupa ay nangangailangan ng kaguluhan sa anyo ng isang digmaan laban sa mga puwersa ng kasamaan. Sinasabi sa Pahayag na ang damit ni Hesus ay may “wisik ng dugo” (Pahayag 19:13).

Sa pakikipag-usap ni Hesus sa senturyong Romano, tinanggap ni Hesus ang papuri ng sundalo, pinagaling ang kanyang alipin at pinuri siya dahil sa kanyang pananampalataya (Mateo 8:5-13). Ang hindi sinabi ni Hesus ay umalis siya sa pagiging sundalo – sa simpleng dahilan na hindi ipinapangaral ni Hesus ang pangdaigdigang kapayapaan. Minsan tinanong si Juan Bautista ng mga sundalo, “Ano ang aming gagawin?” (Lukas 3:14). Ito ay isang perpektong pagkakataon para kay Juan na sabihin sa kanila na ibaba ang kanilang mga armas. Ngunit hindi ito ang kanyang sinabi. Sa halip, sinabi niya sa mga sundalo, “Huwag kayong kumuhang may karahasan sa kanino man, ni mangagparatang; at mangagkasiya kayo sa bayad sa inyo.”

Nagmamay-ari ang mga alagad ni Hesus ng mga armas na komokontra sa ideya na si Hesus ay para sa kapayapaan. Noong gabing bago Siya ipagkanulo, sinabi Niya sa Kanyang mga alagad na magdala ng tabak. Nagdala sila ng dalawa, at sinabi ni Hesus na sapat na iyon (Lukas 22:37-39). Habang inaaresto si Hesus, hinugot ni Pedro ang kanyang tabak at tinaga ang isa sa mga kasama ng mga humuhuli kay Hesus (Juan 18:10). Pinagaling ni Hesus ang tinaga ni Pedro (Lukas 22:51) at inutusan ito na isalong ang kanyang tabak (Juan 18:11). Kapansin-pansin na hindi kinondena ni Hesus ang pagkakaroon ni Pedro ng tabak kundi ang kanyang maling paggamit dito.

Inilalarawan sa Aklat ng Mangangaral ang iba’t ibang gawain ng tao sa iba’t ibang panahon: “Sa bawa't bagay ay may kapanahunan, at panahon sa bawa't panukala sa silong ng langit; Panahon ng pagpatay, at panahon ng pagpapagaling; panahon ng paggiba, at panahon ng pagtatayo; Panahon ng pagibig, at panahon ng pagtatanim; panahon ng digma, at panahon ng kapayapaan” (Mangangaral 3:1, 3, at 8). Hindi ito pananalita ng isang taong para sa pandaigdigang kapayapaan.

Hindi tunog ng isang taong para sa kapayapaan ang pananalitang ito ng Panginoong Hesus: “Huwag ninyong isiping ako'y naparito upang magdala ng kapayapaan sa lupa: hindi ako naparito upang magdala ng kapayapaan, kundi tabak. Sapagka't ako'y naparito upang papagalitin ang lalake laban sa kaniyang ama, at ang anak na babae laban sa kaniyang ina, at ang manugang na babae laban sa kaniyang biyanang babae: At ang magiging kaaway ng tao ay ang kaniya ring sariling kasangbahay’” (Mateo 10:34-36). Habang hindi itinuturo ni Hesus sa mga talatang ito na dapat tayong makipagdigma, kinikilala Niya na tiyak na darating ang kaguluhan dahilan sa pagpapahayag ng katotohanan.

Hindi tayo inutusan ng Diyos na humayo at magsulong ng pandaigdigang kapayapaan sa karaniwang kahulugan ng mga salitang ito. Sa halip, dapat nating kamuhian ang kasamaan at yakapin ang anumang bagay na mabuti (Roma 12:9). Dahil dito, dapat tayong manindigan laban sa kasamaan sa mundong ito (na ang resulta ay kaguluhan) at magsulong ng katuwiran (2 Timoteo 2:22). Ito ang modelong makikita sa buhay ni Hesus. Hindi siya kailanman umurong sa kaguluhan kung iyon ay bahagi ng walang hanggang plano ng Diyos. Hayagang nagsalita si Hesus laban sa mga lider sa pulitika at relihiyon ng Kanyang panahon dahil hindi nila isinusulong ang katuwiran ng Diyos (Lukas 13:31-32; 19:45-47).

Pagdating sa paglaban sa kasamaan, ang Diyos ay hindi para sa kapayapaan. Puno ang Lumang Tipan ng mga halimbawa kung paanong ginamit ng Diyos ang Kanyang bayan upang makipagdigma at magdala ng Kanyang hatol sa mga bansa na ang kasamaan ay dapat ng bigyang wakas. Ang ilan sa mga halimbawa ay matatagpuan sa Genesis 15:16; Bilang 21:3; 31:1-7; 32:20-21; Deuteronomio 7:1-2; Josue 6:20-21; 8:1-8; 10:29-32; 11:7-20. Bago ang pakikipagdigma ng bansang Israel sa siyudad ng Jericho, kinatagpo si Josue ng “pinuno ng hukbo ng Panginoon” (Josue 5:14). Inilarawan ang taong ito, (na maaaring pagpapakita ng Panginoong Hesu Kristo sa anyong tao sa Lumang Tipan) na may “tangang tabak sa Kanyang kamay” (talata 13). Tunay na handang makipaglaban ang Panginoon.

Nakatitiyak tayo na laging ayon sa Kanyang hustisya ang paghusga at pakikipagdigma ng Diyos (Pahayag 19:11). “Sapagka't ating nakikilala yaong nagsabi, Akin ang paghihiganti, ako ang gaganti. At muli, Huhukuman ng Panginoon ang kaniyang bayan. Kakilakilabot na bagay ang mahulog sa mga kamay ng Dios na buhay” (Hebreo 10:30-31). Matututunan natin sa mga talatang ito at sa iba pang mga talata ng Kasulatan na hindi lamang tayo dapat makilahok sa digmaan kung kinakailangan. Ang paglaban sa karahasan, kawalang katarungan o pagpatay ng walang habag sa mga walang malay ay nangangailangan ng pakikipagdigma at naniniwala tayo bilang mga tagasunod ni Hesus na malaya tayong makilahok sa sandatahang lakas at makipaglaban para sa kabutihan at katarungan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Si Hesus ba ay para sa pandaigdigang kapayapaan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries