Tanong
Ano ang ibig sabihin na si Hesus ang ating Tagapamagitan?
Sagot
Ang isang tagapamagitan ay nagsisilbing tulay sa dalawang magkalabang panig upang magkaroon ng pagkakasundo. Sinusubukan ng isang Tagapamagitan na impluwensyahan ang dalawang partido sa layunin na malutas ang kanilang alitan. May isa lamang Tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao at iyon ay ang Panginoong Hesu Kristo. Sa artikulong ito, titingnan natin kung bakit galit sa atin ang Diyos at kung bakit si Hesus ang ating Tagapamagitan at kung bakit tiyak ang ating kapahamakan kung tatangkain nating humarap sa Diyos sa ating sariling kakayahan.
Napopoot sa atin ang Diyos dahil sa ating mga kasalanan. Inilarawan sa Bibliya ang kasalanan bilang pagsuway sa kautusan ng Diyos (1 Juan 3:4) at paglaban sa Kanya (Deuteronomio 9:7; Josue 1:18). Kinapopootan ng Diyos ang kasalanan at ito ang dahilan sa paghihiwalay ng tao at ng Diyos. “Gaya ng nasusulat, Walang matuwid, wala, wala kahit isa” (Roma 3:10).Nagkasala tayong lahat dahilan sa ating minanang makasalanang kalikasan sa ating ninunong si Adan, gayundin dahil sa ating mga aktwal na kasalanang nagagawa araw araw. Ang tanging karampatang arusa para sa ating kasalanan ay kamatayan (Roma 6:23), hindi lamang pisikal na kamatayan kundi kamatayang walang hanggan (Pahayag 20:11–15). Ang karapatdapat na parusa sa kasalanan ay walang hanggang pagdurusa sa lawang apoy.
Wala tayong magagawa sa ating sariling kakayahan upang maiharap ang ating sarili na katanggap- tanggap sa Diyos. Walang kahit anong mabubuting gawa o pagsunod sa kautusan ang makakapagbigay sa atin ng sapat na katuwiran upang makatayo sa harapan ng isang banal na Diyos (Isaias 64:6; Roma 3:20; Galacia 2:16). Kung walang Tagapamagitan, nakatakda tayong pumunta sa impiyerno dahil imposibleng mailigtas natin ang ating sarili mula sa ating mga kasalanan. Ngunit mayroon tayong pag-asa! “Sapagka't may isang Dios at may isang Tagapamagitan sa Dios at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus” (1 Timoteo 2:5). Kinakatawan ni Hesus ang mga naglagak ng kanilang pagtitiwala sa Kanyang ginawa sa harap ng trono ng biyaya ng Diyos. Dinedepensahan Niya tayo tulad sa isang abogado na sinasabi sa Hukom, “Kagalang galang na Hukom, inosente ang aking kliyente sa lahat ng bintang laban sa kanya.” Totoo rin ito para sa atin. Isang araw, haharap tayo sa Diyos, ngunit haharap tayo bilang mga makasalanang pinatawad sa pamamagitan ng kamatayan ni Hesus. Inako ng ating abogado ang kaparusahang para sa atin!
Makikita natin ang ebidensya ng maluwalhating katotohanang ito sa Hebreo 9:15: “At dahil dito'y siya ang tagapamagitan ng isang bagong tipan, upang sa pamamagitan ng isang kamatayan na ukol sa ikatutubos ng mga pagsalangsang na nasa ilalim ng unang tipan, ang mga tinawag ay magsitanggap ng pangako na manang walang hanggan.” Dahilan lamang sa ating Tagapamagitang si Hesu Kristo kaya tayo makakaharap sa Diyos na nabibihisan ng Kanya mismong katuwiran. Doon sa krus, pinalitan ni Hesus ang ating mga kasalanan ng Kanyang katuwiran (2 Corinto 5:21). Ang Kanyang pamamagitan para sa atin sa harap ng Diyos ang tanging paraan upang maligtas tayo sa Kanyang poot.
English
Ano ang ibig sabihin na si Hesus ang ating Tagapamagitan?