Tanong
Bakit nagturo si Hesus sa pamamagitan ng talinghaga?
Sagot
Sinasabi na ang talinghaga ay isang panlupang kuwento na may makalangit na kahulugan. Madalas na gumamit ang Panginoong Hesus ng mga talinghaga bilang kasangkapan sa pagpapahayag ng malalim at makalangit na katotohanan. Ang mga kuwento ay mas madaling matandaan at ang mga tauhan ay madaling makilala at mayaman ito sa kahulugan. Ang Talinghaga ay karaniwang ginagamit ng mga Hudyo sa pagtuturo. Sa isang punto ng ministeryo ni Hesus, gumamit Siya ng maraming mga paghahalintulad ng mga pangkaraniwang bagay sa kanyang pagtuturo na pamilyar sa lahat ng tao gaya ng asin, tinapay, tupa at iba pa na ang kahulugan ay napakalinaw. May yugto naman ng Kanyang ministeryo na nagumpisa Siyang magturo sa pamamagitan lamang ng mga talinghaga.
Ang katanungan ay ito: Bakit minabuti ni Hesus na magturo sa pamamagitan ng mga talinghaga sa halip na direktang ituro ang nais Niyang malaman ng mga tao? Ang halimbawa nito ay ang talinghaga tungkol sa binhi at mga uri ng lupa. Bago Niya ipaliwanag ang talinghaga, inihiwalay ni Hesus ang mga alagad sa mga tao. “At nagsilapit ang mga alagad, at sinabi nila sa kaniya, Bakit mo sila pinagsasalitaan sa mga talinghaga? At sumagot siya at sinabi sa kanila, Sa inyo'y ipinagkaloob ang mangakaalam ng mga hiwaga ng kaharian ng langit, datapuwa't hindi ipinagkaloob sa kanila. Sapagka't sinomang mayroon ay bibigyan, at siya'y magkakaroon ng sagana: nguni't sinomang wala, pati ng nasa kaniya ay aalisin sa kaniya. Kaya't sila'y pinagsasalitaan ko sa mga talinghaga; sapagka't nagsisitingin ay hindi sila nangakakakita, at nangakikinig ay hindi sila nangakakarinig, ni hindi sila nangakakaunawa. At natutupad sa kanila ang hula ni Isaias, na sinasabi, Sa pakikinig ay inyong maririnig, at sa anomang paraa'y hindi ninyo mapaguunawa; At sa pagtingin ay inyong makikita, at sa anomang paraa'y hindi ninyo mamamalas: Sapagka't kumapal ang puso ng bayang ito, At mahirap na mangakarinig ang kanilang mga tainga, At kanilang ipinikit ang kanilang mga mata; Baka sila'y mangakakita ng kanilang mga mata, At mangakarinig ng kanilang mga tainga, At mangakaunawa ng kanilang puso, At muling mangagbalik loob, At sila'y aking pagalingin. Datapuwa't mapapalad ang inyong mga mata, sapagka't nangakakakita; at ang iyong mga tainga, sapagka't nangakakarinig. Sapagka't katotohanang sinasabi ko sa inyo, na hinangad na makita ng maraming propeta at ng mga taong matuwid ang inyong nakikita, at hindi nila nakita; at marinig ang inyong naririnig, at hindi nila narinig” (Mateo 13:10-17).
Mula sa puntong ito ng ministreyo ni Hesus sa lupa, nagturo na siya sa pamamagitan ng mga talinghaga at ipinaliwanag lamang Niya ang mga iyon sa Kanyang mga alagad. Ngunit ang mga patuloy na tumatanggi sa Kanyang mensahe ay naiwan sa kanilang espiritwal na kabulagan at nangapa sila sa kahulugan ng mga iyon. Sinabi ni Hesus ang malinaw na pagkakaiba sa pagitan ng mga taong binigyan ng “tainga upang makarinig” at ng mga taong nanatili sa kanilang kawalan ng pananampalataya - nakikinig ngunit hindi nakakaunawa at “laging nagsisipagaral, at kailan pa man ay hindi nakararating sa pagkaalam ng katotohanan” (2 Timoteo 3:7). Binigyan ang mga alagad ng kaloob ng pangunawang espiritwal upang sa pamamagitan noon ay kanilang maunawaan ng malinaw ang itinuturo ng Espiritu Santo. Dahil tumanggap sila ng katotohanan mula kay Hesus, ang mga alagad ay binigyan pa ng mas maraming katotohanan. Ganito rin ang nangyayari sa kasalukuyan sa mga mananampalatayang binigyan ng kaloob ng Banal na Espiritu na Siyang gumagabay sa kanila sa lahat ng katotohanan (Juan 16:13). Binuksan Niya ang ating mga mata sa liwanag ng katotohanan at ang ating tainga sa mga matamis na salita tungkol sa buhay na walang hanggan.
Alam ng ating Panginoong Hesus na ang katotohanan ay hindi laging maganda sa pandinig. Simple lang ang dahilan, may mga taong wala talagang interes o di kaya'y walang pagpapahalaga sa mga malalim na katotohan tungkol sa Diyos. Kaya bakit nga ba Siya nagtuturo gamit ang mga talinghaga? Para sa mga tunay na may pagkauhaw sa Diyos, ang talinghaga ay isang epektibo at madaling maalalang paraan sa pagpapaliwanag ng mga katuruan tungkol sa Diyos. Ang mga talinghaga ng ating Panginoong Hesus ay naglalaman ng napakaraming katotohanan sa maiksing mga pananalita, at ang Kanyang mga talinghaga ay mayaman sa imahinasyon at hindi madaling makalimutan. Kaya nga, ang talinghaga ay isang pagpapala sa mga nagnanais na matuto. Ngunit sa mga taong may matigas na puso at tainga na makupad sa pakikinig, ang talinghaga ay isa ring deklarasyon ng paghatol ng Diyos.
English
Bakit nagturo si Hesus sa pamamagitan ng talinghaga?