settings icon
share icon
Tanong

Wala bang kasalanan si Hesus?

Sagot


Oo, walang kasalanan si Hesus at ito ang dahilan kung bakit may pag-asa tayo sa isang walang hanggang buhay sa langit. Kung nagkasala si Hesus, hindi Siya karapatdapat na handog para sa kasalanan. Ang pagsuway nina Adan at Eba sa Diyos ang nagdala ng kasalanan at kamatayan sa sanlibutan (Genesis 3:6). Dahil sa kanilang kasalanan kaya nagkaroon ng kamatayan gaya ng babala ng Diyos (Genesis 2:17). Dahil dito, ang lahat ng tao ay isinilang na may makasalanang kalikasan (Roma 5:12–19), kaya nga makasalanan na tayo bago pa man tayo isilang (Awit 51:5). Gayunman, maliwanag na itinuturo ng Bibliya na kahit na tinukso si Hesus sa lahat ng kaparaanan na gaya natin (Hebreo 4:15), hindi Siya nagkasala kailaman (2 Corinto 5:21; 1 Juan 3:5). Maliwanag na itinuro ito ni Apostol Pedro: “Na siya'y hindi nagkasala, o kinasumpungan man ng daya ang kaniyang bibig” (1 Pedro 2:22). Tunay na bilang Diyos, wala si Hesus ng kakayahang magkasala.

Bukod sa ang kasalanan ang naging pader sa pagitan natin at ng Diyos, ang makasalanang kalikasan ng tao ang dahilan ng pisikal at eternal na kamatayan “sapagkat kamatayan ang kabayaran ng kasalanan” (Roma 6:23). Dahil kailangan ang kapatawaran upang magkasundo ang tao at ang Diyos, kailangan ang paghahandog sapagkat “walang kapatawaran kung walang pagbububo ng dugo” (Hebreo 9:22). Pagkatapos na magkasala nina Adan at Eba, sinuutan sila ng Diyos ng damit na yari sa “balat ng hayop” (Genesis 3:21) sa pamamagitan ng pagbububo ng dugo ng hayop. Gayunman, bagama’t perpektong naglalarawan ang paghahandog ng hayop sa pangangailangan ng kamatayan para sa kapatawaran ng kasalanan, panandalian lamang ang nagagawa nitong pagtatakip sa kasalanan dahil ang dugo ng mga hayop ay hindi sapat upang ganap na mapatawad at maalis ang mga kasalanan (Hebreo 10:4, 11).

Ang mga paghahandog ng dugo ng hayop sa Lumang Tipan ay naglalarawan sa darating na perpekto, ganap at minsanang paghahandog ng dugo ni Hesu Kristo (Hebreo 7:27; 10:10). Ang tanging paraan upang maipagkasundo ang tao sa isang banal at perpektong Diyos ay isang banal at perpektong handog na hindi maaaring makamtan kung nagkasala ang handog ng Diyos para sa kasalanan na walang iba kundi ang Panginoong Hesu Kristo. Gaya ng idineklara ni Apostol Pedro, “Na inyong nalalamang kayo'y tinubos hindi ng mga bagay na nangasisira, ng pilak o ginto, mula sa inyong walang kabuluhang paraan ng pamumuhay, na ipinamana sa inyo ng inyong mga magulang; Kundi ng mahalagang dugo, gaya ng sa korderong walang kapintasan at walang dungis, sa makatuwid baga'y ang dugo ni Cristo” (1 Pedro1:18–19). Tunay na ang banal na dugo ni Hesus lamang ang makakapagdala ng kapayapaan sa pagitan ng Diyos at ng sangkatauhan (Colosas 1:20). At sa pamamagitan ng kapayapaang ito, maaari na tayong makatayo sa harapan ng Diyos na malaya sa anumang karumihan at paguusig ng budhi (Colosas 1:22).

Ang walang salang si Hesus sa krus ng kalbaryo ang nagbayad sa kaparusahan ng kasalanan ng sinumang nananalig sa Kanya. Kaya nga, ang nawala sa pagbagsak ng tao sa kasalanan sa paraiso ay muling ibinalik ni Hesus doon sa krus. Kaya nga, kung paanong ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan sa pamamagitan ng kasalanan ng isang taong si Adan, tinubos naman ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng isang tao – ang walang salang si Hesu Kristo.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Wala bang kasalanan si Hesus?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries