settings icon
share icon
Tanong

Bakit namumuhi sa isa't isa ang mga Hudyo at mga Arabo / Muslim?

Sagot


Una sa lahat, mahalaga na malaman na hindi lahat ng Arabo ay Muslim at hindi lahat ng muslim ay Arabo. Samantalang ang karamihan ng mga Arabo ay Muslim, marami ding mga Arabo ang hindi Muslim. Gayundin, may mas maraming hindi Arabong muslim sa mga bansang gaya ng Indonesia at Malaysia kaysa sa bilang ng mga Arabong Muslim. Ikalawa, mahalagang tandaan na hindi rin lahat ng mga Arabo ay namumuhi sa mga Hudyo o lahat ng mga Hudyo ay namumuhi sa mga Arabo at Muslim. Dapat tayong maging maingat sa paghusga sa mga tao. Gayunman, sa pangkalahatan, ang mga Arabo at Muslim ay may hindi pagkagusto at walang tiwala sa mga Hudyo at gayundin ang mga Hudyo sa mga Arabo at Muslim.

Kung mayroong malinaw na paliwanag sa alitang ito, ito ay nag-ugat pa sa panahon ni Abraham. Ang mga Hudyo ay galing sa lahi ni Isaac na anak ni Abraham. Ang mga Arabo naman ay nanggaling sa anak ni Abraham na si Ismael. Si Ismael ay anak ng isang aliping babae ni Abraham (Genesis 16:1-6) at si Isaac naman ang ipinangakong anak na magmamana ng mga pagpapala ng Diyos kay Abraham (Genesis 21:1-3). Hindi maililihim na may nangyaring alitan sa pagitan ng dalawang anak na ito ni Abraham. Dahilan sa pag-aglahi ni Ismael kay Isaac, kinausap ni Sara si Abraham na paalisin si Ismael at ang ina nitong si Hagar. Ito ang naging dahilan ng paglayo ng puso ni Ismael kay Isaac. Isang anghel ang nanghula kay Ismael na "ang kaniyang kamay ay magiging laban sa lahat" (Genesis 16:11-12)

Pinalala pa ang alitang ito ng relihiyong Islam, na ang nakararaming miyembro ay mga Arabo. Ang Koran ay naglalaman ng mga nagkokontrahang katuruan para sa mga Muslim tungkol sa dapat na maging trato nila sa mga Hudyo. May bahagi sa Koran na inuutusan ang mga Muslim na tratuhin ang Hudyo bilang kapatid ngunit may mga bahagi din naman na inuutusan ang mga Muslim na labanan ang mga Hudyo na ayaw maniwala sa Islam. Ang Koran din ang unang nagmungkahi ng pagdududa kung sino ba sa dalawang anak ni Abraham ang ipinangako ng Diyos. Sinasabi ng mga Hudyo na si Isaac. Sinasabi naman ng Koran na si Ismael. Itinuturo ng Koran na si Ismael diumano ang ihahandog sana ni Abraham sa Diyos at hindi si Isaac (salungat sa tala sa Genesis 22). Ang debateng ito kung sino ang ipinangakong anak ay nakadagdag sa alitang nangyayari ngayon sa dalawang lahi.

Gayunman, hindi ang dating alitan sa pagitan ni Isaac at Ismael ang dahilan ng alitan sa pagitan ng mga Hudyo at Arabo sa panahon ngayon. Sa katotohanan, sa ilang libong taon ng kasaysayan ng Gitnang Silangan, ang mga Hudyo at mga Arabo ay namuhay na magkasama ng may kapayapaan. Ang pangunahing dahilan ng alitan ngayon ay may bagong pinag-ugatan. Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ibinigay ng mga Nagkakaisang Bansa (United Nations) ang lupain ng Israel sa mga Hudyo, ang lupain na ng panahong iyon ay pinananahanan ng mga Arabong Palestino. Karamihan ng mga Arabo ay nagprotesta laban sa bansang Israel na naninirahan sa lupaing iyon. Nag-alyansa ang mga Arabong bansa upang paalisin ang mga Hudyo sa lupain ngunit natalo sila. Mula noon nagkaroon na ng matinding alitan sa pagitan ng Israel at mga karatig na bansang Arabo. Ang Israel ay namumuhay sa maliit na piraso ng kalupaan na napapalibutan ng mga bansa na karamihan ay Muslim gaya ng Jordan, Syria, Saudi Arabia, Iraq at Ehipto. Ito ang aming Biblikal na pananaw: ang Israel ay may karapatan na maging isang bansa sa sarili niyang lupain na ipinagkaloob ng Diyos sa kanilang ninunong si Jacob, na apo ni Abraham. Gayundin naman, naniniwala kami na ang Israel ay dapat din namang maghangad ng kapayapaan at magpakita ng paggalang sa kanyang mga Arabong karatig-bansa. Sinasabi sa Awit 122:6 "Idalangin ninyo ang kapayapaan ng Jerusalem: Sila'y magsisiginhawa na nagsisiibig sa iyo."

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit namumuhi sa isa't isa ang mga Hudyo at mga Arabo / Muslim?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries