Tanong
Ano ang Huling Paghuhukom sa harap ng malaking tronong puti?
Sagot
Ang Huling Paghuhukom sa harap ng malaking tronong puti ay inilarawan sa Pahayag 20:11-15 na siyang kahuli-hulihang paghuhukom bago itapon ang mga makasalanan sa lawang apoy. Mababasa natin sa Pahayag 20:7-15 na ang paghuhukom na ito ay magaganap pagkatapos ng isang libong taon at ng pagtapon kay Satanas at mga bulaang propeta sa lawang apoy (Pahayag 20:7-10) Ang mga aklat na binuksan ay naglalaman ng talaan ng mga nagawa ng tao, maging ito man ay mabuti o masama. Dahil alam ng Dios ang lahat ng sinabi, nagawa o kahit naisip ng tao , ang lahat ng ito ay Kanyang hahatulan ayon sa nararapat. (Awit 28:4; 62:12; Roma 2:6; Pahayag 2:23; 18:6; 22:12)
Sa panahon ding ito, isa pang aklat ang bubuksan na tinatawag na "aklat ng buhay" (Pahayag 20:12). Ang aklat na ito ang magpapasya kung ang isang tao ay tatanggap ng buhay na walang hanggan kapiling ang Dios o ng walang hanggang kaparusahan sa lawang apoy. Kahit ang mga Kristiyano ay kailangan ding managot sa kanilang mga ginawa hindi upang parusahan kundi upang gantimpalaan dahil sila ay pinatawad na sa pamamagitan ni Kristo at ang kanilang pangalan ay nakasulat sa "aklat ng buhay bago pa lalangin ang sanlibutan" (Pahayag 17:8). Nalaman din natin mula sa Banal na Kasulatan na sa paghuhukom na ito, ang mga namatay ay "hahatulan ayon sa kanilang mga ginawa" (Pahayag 20:12) at ang "sinumang hindi nakasulat ang pangalan sa aklat ng buhay" ay "itatapon sa lawang apoy" (Pahayag 20:15).
Ang katunayan na mayroong Huling Paghuhukom para sa lahat ng tao, mananampalataya man o hindi mananampalataya ay pinatutunayan ng mga talata sa Banal na Kasulatan. Sa araw na iyon, ang bawat isa ay haharap kay Kristo at hahatulan sila ayon sa kanilang mga ginawa. Bagama't malinaw na ang paghatol sa harap ng malaking tronong puti ang Huling Paghuhukom, ang mga Kristiyano ay hindi nagkakaisa sa kaugnayan nito sa iba pang paghuhukom na nabanggit sa Bibliya, lalo na sa pagkakakilanlan sa mga taong hahatulan sa Huling Paghuhukom sa harap ng malaking tronong puti.
May mga Kristiyanong naniniwala na ang Banal na Kasulatan ay nagpapahayag na may magaganap na tatlong (3) magkakaibang paghuhukom. Ang una ay ang paghuhukom sa mga tupa at mga kambing o ang paghuhukom sa mga bansa (Mateo 25:31-36). Ito ay magaganap pagkatapos ng dakilang kapighatian bago maganap ang isang libong taon ng paghahari ni Kristo sa lupa. Ang layunin nito ay upang pagpasiyahan kung sino ang makapapasok sa kaharian sa panahon ng isang libong taon ng paghahari ni Kristo. Ang pangalawa ay ang paghuhukom sa mga ginawa ng mga mananampalataya na kadalasang tinukukoy na "paghuhukom ni Kristo" (2 Corinto 5:10). Sa paghatol na ito, ang mga Kristiyano ay makatatanggap ng iba't ibang antas ng gantimpala ayon sa kanilang mga ginawa o paglilingkod para sa Dios. Ang pangatlo ay ang Huling Paghuhukom sa harap ng malaking tronong puti sa katapusan ng isang libong taon (Pahayag 20"11-15). Ito ang paghuhukom para sa mga hindi mananampalataya kung saan hahatulan sila ayon sa kanilang ginawa at hahatulan ng walang hanggang kaparusahan sa lawang apoy.
Ang iba namang Kristiyano ay naniniwala na ang lahat ng tatlong paghuhukom ay tumutukoy lamang sa isang Huling Paghuhukom at hindi tatlong (3) magkakaibang paghuhukom. At ito ayon sa kanilang paniniwala ay ang Huling Paghuhukom sa harap ng malaking tronong puti sa Pahayag 20: 11-15. Ayon sa kanila, ito ang panahon na ang mga mananampalataya at hindii mananampalataya ay magkasamang hahatulan. Ang mga taong nakasulat ang pangalan sa aklat ng buhay ay hahatulan ayon sa kanilang mga ginawa upang pagpasyahan kung ano ang kanilang gantimpalang tatanggapin. Ang mga tao naman na ang pangalan ay hindi nakasulat sa aklat ng buhay ay hahatulan ayon sa kanilang mga ginawa upang pagpasyahan ang antas ng kaparusahang kanilang matatanggap sa lawang apoy. Ang mga taong nananangan sa pananaw na ito ay naniniwala na ang Mateo 25: 31-46 ay isang paglalarawan ng mangyayari sa Huling Paghuhukom sa harap ng malaking tronong puti. Ikinakatwiran nila na ang paghuhukom na ito ay katulad din ng paghuhukom sa harap ng malaking tronong puti na nakasulat sa Pahayag 20:11-15. Ang mga tupa (mananampalataya) ay papasok sa walang hanggang buhay, habang ang mga kambing (hindi mananampalataya) ay itatapon naman sa "walang hanggang kaparusahan" (Mateo 25:46).
Ano mang pananaw ang panghawakan patungkol sa Huling Paghuhukom sa harap ng malaking tronong puti, ang mahalaga ay ang paniniwala patungkol sa nalalapit na paghuhukom o mga paghuhukom. Una, si Hesu Kristo ang Siyang magiging taga hatol; lahat ng mga hindi mananampalataya ay hahatulan ni Kristo at sila ay paparusahan ayon sa kanilang mga ginawa. Ang Bibliya ay malinaw na nagtuturo na ang mga hindi mananampalataya ay pinabibigat lamang parusang ipapataw sa kanila. Sinabi sa Roma 2:5, "gagantihan ng Dios ang bawat tao ayon sa kaniyang ginawa" (Roma 2:6). Ang mga mananampalataya ay hahatulan din ni Kristo, subalit dahil ang kabanalan ni Kristo ay ipinasa na sa atin, at dahil ang ating pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay, tayo ay huhukuman para gantimpalaan at hindi para parusahan. Ang Roma 14:10-12 ay naglalahad ng katotohanan na tayong lahat ay haharap sa hukuman ni Kristo at bawat isa ay magbibigay sulit sa Dios.
English
Ano ang Huling Paghuhukom sa harap ng malaking tronong puti?