settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Huwebes Santo?

Sagot


Ang Huwebes Santo ay ang Huwebes isang araw bago ang pagpako sa Panginoong Hesu Kristo sa araw ng Biyernes, bago ang Linggo ng Pagkabuhay. Ang Huwebes Santo ang pangalang ibinigay sa araw kung kailan ginanap ng Panginoong Hesu Kristo at ng Kanyang mga alagad ang tinatawag na Huling Hapunan. Dalawang mahalagang pangyayari ang naganap sa araw na ito.

Una, ipinagdiwang ni Hesus ang Huling Hapunan kasama ang Kanyang mga alagad at itinatag ang ordinansa ng Huling Hapunan na tinatawag ding Kumunyon (Lukas 22:19-20). May ilang Kristiyanong iglesya ang nagsasagawa ng "espesyal" na kumunyon tuwing Huwebes Santo bilang pagalaala sa Huling Hapunan ng Panginoong Hesus kasama ang Kanyang mga alagad. Ikalawa, hinugasan ni Hesus ang mga paa ng mga alagad bilang pagpapakita ng pagpapakumbaba at paglilingkod, at sa gayon ay nagbigay Siya ng halimbawa na dapat tayong mag-ibigan at maglingkod sa isa't isa sa diwa ng pag-ibig at kapakumbabaan (Juan 13:3-17). May ilang Kristiyanong iglesya din ang nagsasagawa ng seremonya ng paghuhugas ng paa tuwing Huwebes Santo bilang pagalaala sa paghuhugas ng paa ng mga alagad.

Ang salitang Ingles na "maundy" na ginagamit na tawag sa Huwebes Santo sa Ingles (Maundy Thursday) ay mula sa salitang Latin na nangangahulugan sa wikang Tagalog na "utos." Tumutukoy ito sa utos na ibinigay ng Panginoong Hesus sa mga alagad noong araw na iyon na dapat silang magibigan sa isa't isa. Dapat ba nating ipagdiwang ang "Huwebes Santo"? Hindi ito ipinagbabawal o iniuutos man ng Bibliya. Isang mabuting bagay ang alalahanin ang Huling Hapunan at ang pagsasakripisyo ni Hesus para sa atin. Isang mabuting bagay ang alalahanin ang halimbawa ng Kanyang kapakumbabaan. Gayunman, dapat din nating iwasan ang pagdiriwang ng mga ganitong gawain kung hindi naman nakasentro ang ating puso at isip sa Diyos at sa ating relasyon sa Kanya.

Ang pagdadaos ng espesyal na Huling Hapunan tuwing Huwebes Santo sa pagalaala sa Huling Hapunan ng Panginoong Hesus kasama ang Kanyang mga alagad ay isang mabuting bagay. Ang paghuhugas ng paa ng isa't isa bilang pagalaala kung paanong nagpakumbaba ang Panginoong Hesus at hinugasan ang paa ng Kanyang mga alagad ay isang mabisang paalala kung paano tayo mamumuhay bilang mga Kristiyano (Filipos 2:1-11). Kailangan lamang nating tiyakin na ang pagalaala natin ng Huwebes Santo ay ayon sa paraan na tunay na nagpaparangal sa kung ano talaga ang nangyari noong Huling Hapunan ng Panginoon.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Huwebes Santo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries