settings icon
share icon
Tanong

Magkapareho ba ang Israel at Iglesya? May plano pa ba ang Diyos para sa Israel?

Sagot


Ang paksang ito ang isa sa mga pinaka-kontrobersyal na usapin sa Iglesya ngayon, at may nakapahalagang papel na ginagampanan sa paraan ng pagunawa sa Banal na Kasulatan, lalo’t higit sa mga magaganap sa mundo sa mga huling araw. Higit na mahalaga, may napakalaki itong epekto sa kung paano natin nauunawaan ang mismong kalikasan at karakter ng Diyos.

Itinala sa Roma 11:16-36 ang ilustrasyon tungkol sa puno ng olibo. Inilalarawan sa mga talatang ito ang Israel (natural na mga sanga) na pinutol mula sa puno ng olibo, at ang Iglesya (sanga ng olibong ligaw) na idinugtong sa puno ng olibo. Dahil ang Israel ang tinutukoy dito bilang mga sanga, gayundin ang Iglesya, masasabi na hindi ang alinman sa dalawa ang buong puno, sa halip ang buong puno ay kumakatawan sa gawain ng Diyos sa sanlibutan sa pangkalahatan. Kaya nga, ang programa ng Diyos para sa Israel at ang Kanyang programa para sa Iglesya ay bahagi ng pagsasakatapuran Niya ng Kanyang layunin sa lahat ng tao sa pangkalahatan. Oo, hindi intensyon ng Diyos na ipakita sa mga talatang ito na may mas malaki o mas maliit na kahalagahan ang alinman sa dalawang programang ito. Gaya ng napansin ng maraming dalubhasa sa Bibliya, mas maraming espasyo ang ibinigay sa Bibliya patungkol sa programa ng Diyos sa Israel at sa Iglesya ng higit sa ibang mga programa ng pakikitungo ng Diyos!

Sa Genesis 12, ipinangako ng Diyos kay Abraham na siya ang magiging ama ng isang dakilang bansa (ang Israel), at aangkinin ng mga Hudyo (tawag sa mamamayan ng Israel ngayon) ang isang lupain, at ang bansa ay pagpapalain ng higit sa ibang mga bansa at pagpapalain naman ang lahat ng mga bansa sa pamamagitan ng bansang Israel. Kaya, mula pa sa pasimula, ipinahayag na ng Diyos na ang Israel ang Kanyang magiging bayang hinirang sa mundo, ngunit ang Kanyang pagpapala ay hindi lamang para sa kanila. Ipinakilala sa Galacia 3:14 ang kalikasan ng pagpapala na darating sa lahat ng mga bansa sa mundo: “Tinubos niya tayo upang ang mga pagpapalang ipinangako ng Diyos kay Abraham ay kamtan ng mga Hentil sa pamamagitan ni Cristo Jesus, at sa pamamagitan ng pananalig sa kanya ay sumaatin ang Espiritung ipinangako ng Diyos.” Ang lahat ng mga bansa sa mundo ay pinagpala sa pamamagitan ng Israel, kung saan nagmula ang Tagapagligtas ng sanlibutan.

Ang plano ng Diyos sa katubusan ng tao ay natatag sa natapos na gawain ni Hesu Kristo, na nanggaling mula sa lahi ni David at Abraham. Ang kamatayan ni Hesus sa krus ay sapat para sa kasalanan ng buong sanlibutan, hindi lamang para sa mga Hudyo! Sinasabi sa Galacia 3:6-8, “Tulad ng nangyari kay Abraham: "Nanalig siya sa Diyos, kaya't siya'y ibinilang na matuwid." Kung gayon, maliwanag na ang mga nananalig sa Diyos ang siyang tunay na lahi ni Abraham. Hindi pa ma'y ipinakita na ng Kasulatan na pawawalang-sala ng Diyos ang mga Hentil sa pamamagitan ng kanilang pananalig sa kanya. At ipinahayag na kay Abraham noon pa ang Mabuting Balita: "Sa pamamagitan mo'y pagpapalain ng Diyos ang lahat ng bansa." Sa huli, sinabi sa Galacia 3:29, “At kung kayo'y kay Cristo, kabilang kayo sa lahi ni Abraham, at tagapagmana ng mga ipinangako ng Diyos.” Sa ibang salita, kay Kristo, ibinibilang ang mga mananampalataya na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya gaya ng pagturing na matuwid ng Diyos kay Abraham (Galacia 3:6-8). Kung tayo ay na kay Kristo, tayo ngayon ay kasamang tagapagmana ng mga pagpapala sa bansang Israel at lahat ng mga bansa sa gawain ng pagliligtas ni Kristo. Naging espiritwal na anak ni Abraham ang mga mananampalataya. Hindi naging kabilang sa pisikal na bansang Israel ang mga Hentil na mananampalataya, ngunit tinatamasa din nila ang parehong pagpapala at pribilehiyo ng Diyos para sa mga Hudyo.

Ngayon, hindi nito kinokontra o pinawawalang saysay ang rebelasyon ng Diyos na ibinigay sa Lumang Tipan. May bisa pa rin ang mga pangako ng Diyos sa Lumang Tipan at itinuturo ng relasyon ng Diyos sa Israel bilang Kanyang bansang hinirang ang tao sa gawain ni Kristo bilang manunubos ng buong mundo. Kailangan pa ring sundin ng lahat na Hudyo na hindi pa tumatanggap kay Kristo bilang kanilang tagapagligtas ang Kautusan ni Moises. Ginawa ni Hesus ang hindi nila kayang gawin – ang ganapin ang lahat ng detalye ng kautusan (Mateo 5:17). Bilang mga mananampalataya sa Bagong Tipan, wala na tayo sa ilalim ng sumpa ng Kautusan (Galacia 3:13), dahil kinuha ni Hesus ang sumpa sa Kanyang sarili doon sa krus. May dalawang layunin ang Kautusan: ang ipakilala ang kasalanan at ang kawalan ng kakayahan ng sangkatauhan (sa kanilang sariling gawa) na makaligtas sa parusa ng kanilang kasalanan at upang ituro tayo kay Kristo. Kumpletong pinawi ng kamatayan ni Kristo sa krus ang poot ng Diyos sa kasalanan at binigyang kasiyahan ang hinihinging perpektong katwiran ng Diyos para sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan.

Ang walang kundisyong pangako ng Diyos ay hindi mapapawalang bisa ng hindi katapatan ng tao. Walang anumang gawa natin ang makakasorpresa sa Diyos, at hindi Niya kailangang baguhin ang Kanyang plano ayon sa ating ikinikilos. Hindi ito mangyayari, dahil ang Diyos ang may ganap na kapamahalaan sa lahat ng mga bagay – sa nakaraan, kasalukuyan at hinaharap – at kung ano ang Kanyang itinakdang mangyari para sa bansang Israel at sa Iglesya ay tiyak na magaganap ng walang pagsala. Ipinaliwanag sa Roma 3:3-4 na ang hindi paniniwala ng bansang Israel ay hindi makakapagpawalang bisa sa mga pangako ng Diyos para sa kanila: “Ano kung mayroon sa kanilang hindi naging tapat? Nawawala ba ang bisa ng katapatan ng Diyos? Hindi! Sapagkat tapat ang Diyos bagamat sinungaling ang bawat tao, ayon sa nasusulat, "Upang kilalanin kang matuwid sa iyong mga salita, At manaig ka kung hahatulan ka na."



Bumalik sa Tagalog Home Page

Magkapareho ba ang Israel at Iglesya? May plano pa ba ang Diyos para sa Israel?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries