settings icon
share icon
Tanong

Anu ano ang mga Istasyon ng Krus at ano ang ating matututunan sa mga iyon?

Sagot


Ang Istasyon ng Krus na kilala rin sa tawag na Via Dolorosa, ay isang salaysay tungkol sa mga huling oras ng buhay ni Hesu Kristo sa lupa na patuloy na nagbibigay ng espiritwal na kalakasan sa bawat Kristiyano at ng paglalapat ng mga aral nito sa ating mga buhay. Ang Istasyon ng Krus ay nagsisilbing malalim na paalala ng mapagpakumbabang kaparaanan kung paanong kusang loob na iwinaksi ng Panginoong Hesus ang lahat ng pribilehiyo bilang Diyos upang magkaloob ng kaligtasan sa pamamagitan ng paghahandog ng Kanyang buhay sa Krus.

May ilang mga bersyon nito ang tinatanggap ng nakararaming mga Kristiyano na naglalarawan ng Kanyang mga huling oras, ang isa ay naaayon sa Kasulatan ay iba naman ay ayon sa mga tradisyunal na tala ng mga pangyayari ng mga huling oras ni Hesus. Ang mga sumusunod ang tradisyunal na kaayusan ng Istasyon ng Krus:

1. Hinatulan si Hesus ng kamatayan.
2. Ipinapasan kay Hesus ang Kanyang krus.
3. Nadapa si Hesus sa unang pagkakataon.
4. Nasalubong ni Hesus ang Kanyang inang si Maria.
5. Pinilit na ipapasan kay Simong Cireneo ang Krus ni Hesus.
6. Pinunasan ni Veronica ang dugo sa mukha ni Hesus.
7. Nadapa si Hesus sa ikalawang pagkakataon.
8. Nasalubong ni Hesus ang mga babaeng taga Jerusalem.
9. Nadapa si Hesus sa ikatlong pagkakataon.
10. Hinubaran si Hesus ng damit ng mga sundalong Romano.
11. Ipinako si Hesus sa Krus.
12. Namatay si Hesus sa Krus.
13. Inalis ang katawan ni Hesus sa Krus; ang pananaghoy ng mga babae.
14. Inilbing ang katawan ni Hesus.

Gayunman, sa tradisyunal na kaayusan ng Istasyon ng Krus ang istasyon bilang 3, 4, 6, 7, at 9 ay hindi naaayon sa Bibliya. Dahil dito, binuo ang Istasyon ng Krus na naaayon sa Bibliya. Nasa ibaba ang Biblikal na paglalarawan ng labing-apat (14) na Istasyon ng Krus at ng aplikasyon ng mga ito sa ating mga buhay.

Unang istasyon: Si Hesus sa Bundok ng mga Olibo (Lukas 22:39-46).
Nanalangin si Hesus sa Bundok ng mga Olibo upang hilingin sa Ama na alisin sa Kanya ang saro ng pagdurusa na nangangahulugan ng Kanyang kamatayan sa Krus. Ipinakikita nito ang pagiging tunay na tao ni Hesus (Lukas 22:39-46). Hindi mahirap para sa atin na maintindihan kung paano inaasahan ni Hesus ang sakit na Kanyang haharapin. May mga panahon sa buhay ng lahat ng mga Kristiyano na kailangan nating mamili sa pagitan ng kalooban ng Diyos at ng ating sariling kalooban at ang pagpili sa kalooban ng Diyos, gaya ng ginawa ni Hesus ay nagpapakita ng taas ng antas ng pagtatalaga at pagsunod sa Diyos gayundin ng tunay na kundisyon ng puso. Kahit na alam ni Hesus ang kanyang kakaharaping hirap ng manalangin Siya sa bundok ng mga Olibo, ang Kanyang panalangin ay ang masunod Niya ang kalooban ng Kanyang Ama anuman ang Kanyang kagustuhan sa hinaharap. Kahit na noong nakapako Siya sa Krus at malapit na Siyang malagutan ng hininga, itinuturo ni Hesus ang kahalagahan ng pagsunod sa Salita ng Diyos at ng pagtitiwala sa Diyos sa lahat ng sitwasyon ng ating buhay.

Ikalawang Istasyon ng Krus: Ang pagkakanulo ni Hudas at ang pagdakip kay Hesus (Lukas 22:47-48).
Hindi lamang si Hudas naging isa sa mga kinasusuklamang tao sa kasaysayan ng ipagkanulo niya si Hesus, naging isang babala din siya sa mga Kristiyano na may mga panahon na maaari silang matukso sa pagkakasala. Para sa bawat mananampalataya, ang pagbagsak sa kasalanan ay katulad sa muling pagkakanulo sa Kanya na nagbigay ng Kanyang buhay para sa kanilang kaligtasan. Gaano pa kaya kasidhi ang pagkakanulo kay Hesus kung ang pagkakasala ay naging pangkaraniwang gawi na lamang at naging tahasang paglaban sa kumbiksyon ng Espiritu (Lukas 22:47-48)? Namuhay na kasama ni Hesus si Hudas at umupo sa paanan Nito upang mag-aral sa loob ng tatlong taon. Ngunit ang kanyang puso ay hindi tunay na binago ng Banal na Espiritu kaya't tumalikod siya ng tuksuhin ni Satanas. Bilang mga mananampalataya, sinabihan tayo ni Pablo na “siyasatin ang ating mga sarili” kung tayo ay nasa pananampalataya (2 Corinto 13:5).

Ikatlong Istasyon ng Krus: Hinatulan si Hesus ng Sanedrin (Luke 22:66-71).
Hiniling ng Sanedrin na binubuo ng pitumpung saserdote at eskriba kay Pilato na ipako si Hesus sa Krus. Ang pangyayaring ito ay nagsisilbing babala sa lahat ng mga Kristiyano na maging maingat sa pagtataas sa kanilang sarili sa pamamagitan ng paghusga sa iba. Ang karunungan sa Bibliya at mataas na posisyon sa mundong ito ay kapos pa rin sa perpektong kabanalan at ang pagiging mapagmataas ang maaaring maging dahilan ng pagbagsak ng kahit sinong espiritwal na tao. Tinuturuan tayo ng Bibliya na igalang ang mga tao na nasa posisyon ng pamahalaan, ngunit sa huli ang kalooban pa rin ng Diyos, ang Kanyang salita ang dapat na maghari sa ating mga buhay. Ang mga Kristiyano ay binigyan ng kaloob ng Banal na Espiritu upang sila'y aliwin, turuan at gabayan sa lahat ng sitwasyon upang makagawa ng desisyon na ayon sa perpektong plano ng Diyos at hindi natin kinakailangan ang mga lider panrelihiyon gaya ng Sanedrin upang masunod ang Kanyang kalooban. Ipinagkatiwala ng mga Hudyo ang pinakamataas na awtoridad sa Sanedrin na siyang nagtulak sa maraming mga saserdote na magmataas kaya't ng magsimulang magturo si Hesus ng doktrina na sinasalungat ang kanilang awtoridad, nagkaisa sila na ipapatay si Hesus, at hiniling sa pamahalaang Romano na ipako siya sa Krus (Lukas 22:66-71).

Ikaapat na Istasyon ng Krus: Itinatwa ni Pedro si Hesus (Lukas 22:54-62).
Nang litisin si Hesus, may ilan sa mga nangaroon na inakusahan si Pedro ng pagiging tagasunod ni Hesus (Lukas 22:54-62). Gaya ng inihula ni Hesus, itinatwa ni Pedro si Hesus ng tatlong beses. Si Pedro ay isa sa mga minamahal at pinagkakatiwalaang alagad ni Hesus na nakasaksi sa Kanyang maraming mga himala at lumakad pa mismo sa tubig kasama si Hesus (Mateo 14:29-31). Sa kabila ng lahat, nagpakita si Pedro ng kahinaan ng pagkatao ng itatwa niya si Hesus sa takot na siya rin ay baka hulihin at patayin. Haharap pa rin sa mga paguusig at pagkapahiya ang lahat ng mga Kristiyano sa buong mundo sa kamay ng mga hindi mananampalataya na maaaring humantong hanggang sa kamatayan. Maaaring hinuhusgahan ng mga tao si Pedro dahil sa kanyang pagtatwa kay Hesus at dahil sa kanyang takot sa gagawin sa kanya ng mga Romano kung matutuklasan nila ang kanyang relasyon kay Hesus. Ngunit ano ang magiging katwiran ng mga Kristiyanong naniniwala sa Bibliya kung sila ay nananahimik patungkol sa kanilang pananampalataya sa harap ng paguusig, maging sa pribado o sa publiko? Ang ganitong pananahimik ay nagpapakita rin ng kahinaan. Ang pananampalataya ni Pedro ay hindi perpekto, una ay sa dahilang hindi pa siya pinananahanan ng Espiritu Santo ng panahong iyon. Ngunit ng dumating ang Banal na Espiritu noong araw ng Pentecostes at manirahan sa puso ng mga alagad (Gawa 2), si Pedro ay naging tulad sa isang leon sa pagbabahagi ng kanyang pananampalataya at hindi na muli pang natakot na ipangaral ang salita ng Panginoong Hesus mula noon.

Ikalimang Istasyon ng Krus: Hinatulan ni Pontio Pilato si Hesus (Lukas 23:13-25).
Sa pamantayan ng hustisya sa ating panahaon ngayon, malamang na hindi si Hesus mahahatulan ng kahit anong korte, lalo pa't walang malinaw na ebidensya na magagamit laban sa Kanya. Walang makita si Pontio Pilato na anumang kasalanan kay Hesus kaya tinangka niya itong palayain (Lukas 23:13-24), ngunit ipinagpilitan ng Sanedrin na ipapatay si Hesus. Itinuring ng mga pinuno ng Sanedrin na nagtuturo ng istriktong pagsunod sa Kautusan ni Moises at ng kanilang tradisyon, na isang malaking banta si Hesus sa kanila. Itinuro ni Hesus sa mga tao na ang kaligtasan ay sa biyaya lamang ng Diyos at hindi dahil sa pagsunod sa mga kautusan ng Sanedrin, at hindi lamang nilalabanan ng katuruang ito ang kanilang awtoridad kundi ito ay isang malaking banta rin sa kanilang pinagkakakitaan. Maging sa ngayon, ang mensahe ng kaligtasan sa pamamagitan ng kapangyarihan at pagpili ng Diyos, hindi sa pamamagitan ng mga gawa ay hindi katanggap tanggap para sa mga tao. Sa kanilang makasalanang kalagayan, ang mga tao ay laging nagnanais na makamit ang kaligtasan sa pamamagitan ng kanilang gawa, o magkaroon ng ambag sa kanilang kaligtasan upang sa kahit anong paraan ay makabahagi sila sa Kanyang kaluwalhatian. Ngunit ang kaligtasan ay sa Panginoon at hindi Niya maaaring ibahagi ang Kanyang kaluwalhatian sa kaninuman (Isaias 42:8).

Ikaanim na Istasyon ng Krus: Hinampas si Hesus at pinutungan ng koronang tinik (Lukas 23:63-65).
Ang kagalingan na tinutukoy sa mga talatang ito ay espiritwal na kagalingan o kagalingan mula sa kasalanan hindi sa kagalingang pisikal. Ang kapatawaran mula sa kasalanan at pagpapanumbalik ng tao sa Diyos ay laging ginagamit na representasyon ng paggaling. Mahigit limang daang taon bago ipanganak ni Maria si Hesus, hinulaan ni Isaias na si Hesus ay masusugatan dahil sa ating pagsuway (Isaias 53:3-6) at nabugbog Siya dahil sa ating kasamaan at dahil sa kanyang mga sugat tayo ay nagsigaling.

Ikapitong Istasyon ng Krus: Pinasan ni Hesus ang Kanyang krus (Mark 15:20).
Nang pasanin ni Hesus ang Kanyang krus, hindi lamang Siya nagpasan ng karaniwang kahoy. Lingid sa kaalaman ng maraming manonood ng araw na iyon, pinasan ni Hesus ang kasalanan ng buong sanlibutan at hinarap ang nararapat na kaparusahan na dapat sana ay tayo ang magdanas. Itinuro sa atin ni Hesus sa Mateo 16:24, “Kung ang sinomang tao'y ibig sumunod sa akin ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin ang kaniyang krus, at sumunod sa akin.” Ipinahayag din Niya sa atin na ito ay hindi isang pagpipilian lamang: “At ang hindi nagpapasan ng kaniyang krus at sumusunod sa akin, ay hindi karapatdapat sa akin” (Mateo 10:38). Ang pagpasan ng krus, na isang instrumento ng kamatayan, ay nangangahulugan ng kamatayan sa sarili upang mabuhay bilang mga bagong nilalang (2 Corinto5:17) sa paglilingkod at pagsunod kay Kristo. Nangangahulugan ito ng pagsusuko sa Diyos ng ating kalooban, mga minamahal, ambisyon at ng ating mga personal na naisin. Hindi dapat na maging pangunahing layunin natin ang paghanap sa ating sariling kasiyahan, kundi maging handa na tanggihan ang lahat at maging handang ialay ang sariling buhay para kay Hesus kung kinakailangan.

Ikawalong Istasyon ng Krus: Tinulungan ni Simong Cireneo si Hesus sa pagpasan ng Kanyang krus (Lukas 23:26).
Maituturing na si Simong Cireneo ay biktima lamang ng sirkumstansya. Maaaring nagpunta siya sa Jerusalem para sa Pista ng Paskuwa at maaaring wala siyang nalalaman sa mga nangyayari sa Jerusalem. Kaunti lamang ang ating nalalaman tungkol kay Simong Cireneo dahil minsan lang siyang nabanggit sa Bibliya ng tulungan niya ang Panginoong Hesus sa pagbuhat ng krus na Kanyang pagpapakuan (Lukas 23:26). Nang utusan siya ng mga sundalong Romano, hindi tumanggi si Simon, maaaring dahil sa takot para sa kanyang sariling buhay. Hindi gaya ni Hesus na kusang pinasan ang Kanyang krus, si Simon ay napilitan lamang na pasanin ito. Bilang mga Kristiyano, dapat tayong kusang makisama kay Hesus sa Kanyang pagdurusa gaya ng sinasabi ni Pablo sa atin, “Huwag mo ngang ikahiya ang pagpapatotoo sa ating Panginoon, ni ako na bilanggo niya: kundi magtiis ka ng mga kahirapan dahil sa evangelio ayon sa kapangyarihan ng Dios” (2 Timoteo 1:8).

Ikasiyam na Istasyon ng Krus: Sinalubong si Hesus ng mga babae sa Jerusalem (Lukas 23:27-31).
Nang masalubong ni Hesus ang mga babaeng nananangis at ang ilan sa kanyang mga alagad sa daan patungo sa Golgota, sinabihan Niya sila na huwag manangis para sa Kanya kundi para sa kanilang sarili at mga anak (Lukas 23:27-31). Kahit sa gitna ng masidhing paghihirap at kahihiyan, hindi inuna ni Hesus ang pansariling kapakanan kundi ang kapakanan ng mga taong humaharap sa panganib ng walang hanggang pagdurusa dahil sa kanilang mga kasalanan. Ang parehong babala ay napapanahon din para sa mga Kristiyano ngayon at nararapat tayong maging maingat at hindi natin dapat unahin ang mga alalahanin natin sa buhay bago ang pagtatalaga natin ng ating sarili sa pagsunod sa Diyos. Sinabi ni Hesus, “Ang kaharian ko ay hindi sa sanglibutang ito” (Juan 18:36), at bilang mga mamamayan ng langit, ang ating layunin at atensyon ay dapat na para sa langit.

Ikasampung Istasyon ng Krus: Ipinako si Hesus sa krus (Lukas 23:33-47).
Sa kabila na dalawang libong taon na ang nakalilipas, napakahirap pa ring isipin ang sakit na nadama ng Panginoong Hesus, maging ng mga nakasaksi sa kanyang paghihirap, ang pagtusok ng pako sa kanyang mga kamay at mga paa sa kahoy na pinagpakuan sa Kanya kung saan nalagot ang Kanyang hininga bilang nagkatawang taong Diyos (Lukas 23:44-46). Hindi agad lubos na naunawaan ng Kanyang mga alagad at mahal sa buhay ang kahulugan ng mga nagaganap ng oras na iyon. Hindi pa nila kayang maunawaan ang kahulugan na ang kasamaang ito ng mga taong nagpapatay kay Hesus ay ayon sa banal na plano at layunin ng Diyos para sa ikaliligtas ng sinumang mananampalataya kay Hesu Kristo. Para sa atin ngayon, “hindi tayo makaiiwas sa parusa kapag hindi natin pinahalagahan ang kaligtasang ito na napakadakila?” (Hebreo 2:3). “Kay Jesu-Cristo lamang matatagpuan ang kaligtasan, sapagkat sa silong ng langit, ang kanyang pangalan lamang ang ibinigay ng Diyos sa ikaliligtas ng tao” (Gawa 4:12).

Ikalabing isang Istasyon ng Krus: Ipinangako ni Hesus ang kaharian sa sumampalatayang magnanakaw (Lukas 23:43).
Posible na naintindihan ng magnanakaw na kasamang ipinako ni Hesus ang konsepto na ang buhay ni Hesus ay hindi magwawakas at lilisan siya sa pisikal na mundo patungo sa walang hanggang pangako na ibibigay sa sangkatauhan na siyang dahilan ng Kanyang pagparito. Ang magnanakaw ang isa sa mga pinakaunang nakapasok sa Bagong Tipan sa paraiso sa biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya (Efeso 2:8-9). Sinabi ni Hesus sa magnanakaw na kakasamahin Niya ito sa paraiso sa mismong araw na iyon dahil tumanggap at sumampalataya siya sa Anak ng Diyos. Malinaw na ito ay isang halimbawa na ang tao ay naliligtas sa biyaya sa pamamagitan ng panananampalataya hindi dahil sa gawa, gaya ng nais na ipaunawa sa kanila ng inusig at ipinapatay na si Hesus.

Ikalabindalawang Istasyon ng Krus: nakipagusap si Hesus kay Maria at sa Kanyang mga alagad habang nakapako sa krus (Lukas 23:48-49).
Nang mga sandaling malapit na Siyang mamatay, mas inuna pa ni Hesus ang pangangailangan ng iba bago ang sa Kanyang sarili at buong pag-ibig na ipinagkatiwala ang pangangalaga sa kanyang ina kay Juan na Kanyang minamahal na alagad (Juan 19:27). Sa Kanyang buong buhay, maging sa Kanyang kamatayan, nagturo Siya sa pamamagitan ng halimbawa na dapat nating unahin ang kapakanan ng iba kaysa sa ating sariling kapakanan at ipailalim ang lahat sa perpektong kalooban ng Diyos. Ang kahandaan na manatili sa Kanyang Salita na pinatunayan ng Kanyang mga gawa sa pamamagitan ng tapat na pagsasakripisyo para sa iba sa oras ng kahirapan ay isang hindi mapapasubaliang katangian ng isang tunay na Kristiyano.

Ikalabintatlong Istasyon ng Krus: Namatay si Hesus sa krus (Lukas 23:44-46).

Sa oras ng kamatayan ni Hesus, ang tabing sa Templo na naghihiwalay sa dakong banal at dakong kabanal-banalan ay napunit mula sa itaas pababa. Ito ay nakapanghihilakbot para sa mga Hudyo na nakasaksi sa mga pangyayari, na hindi nauunawaan na nangangahulugan ito na natapos na ang Lumang Tipan at nagumpisa na ang bagong Tipan. Hindi na kailanman pa muling mahihiwalay ang tao sa Diyos dahil sa kanyang mga kasalanan at malaya na tayong makapapasok sa trono ng biyaya ng Diyos ng may lakas ng loob sa pamamagitan ng panalangin para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Ang buhay at ang kamatayan ni Hesus ang nag-alis ng kasalanan na naging hadlang sa paglapit natin sa Diyos at ginawang posible para sa tao na magkaroon ng kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos.

Ikalabing apat na Istasyon ng Krus: Inilibing si Hesus (Lukas 23:50-54).

Pagkatapos na mamatay ni Hesus at ibaba ang kanyang katawan sa krus, inilagak ang Kanyang labi sa isang libingan na ipinagkaloob ng isang lalaki na nagngangalang Jose, mula sa bayan ng Arimatea (Lukas 23:50-54). Si Jose ay isa ring miyembro ng Sanedrin ngunit tumutol sa paglilitis kay Hesus at sa pagpapako sa Kanya sa krus. Lihim na naniniwala si Jose kay Hesus na Siya ang Mesiyas ayon sa Kasulatan ngunit natatakot siya na ipakita sa publiko na Siya ay isang mananampalataya (Juan 19:38). Pagkatapos na mamatay si Hesus, pumunta si Jose kay Pilato at hiniling ang katawan ni Hesus upang mabigyan niya ito ng disenteng libing.

Ang dakilang pagsasakripisyo ni Hesus sa krus ay hindi lamang nagbunga ng katubusan mula sa kasalanan ng tao ngunit ito rin ang nagsilbing tagumpay na gumapi sa kamatayan na tiyak na hindi matatakasan ng lahat ng tao na ipinanganak sa ilalim ng sumpa ng Diyos. Ang ating Manlilikha ay makatarungan at hindi nagtatangi kaya't hinihingi Niya ang kabayaran para sa kasalanan ng tao. Dahil ang Diyos ay pag-ibig at mahabagin ngunit makatarungan din naman, ibinigay Niya ang kanyang bugtong na Anak upang Siyang magbayad ng ating mga kasalanan kaya nga kung hindi dahil kay Hesus, tayo ay nararapat na sumpain at parusahan magpakailanman sa walang hanggang apoy (Juan 3:16).

Ang pag-ibig at kahabagan ng Diyos ay ipinakita ni Hesus ng hilingin Niya sa Diyos na patawarin ang mga taong gumagawa sa Kanya ng katampalasanan na siyang nagpapatay sa Kanya dahil sa kanilang kawalan ng kaalaman (Lukas 23:34). Napakadali na maunawaan na ang dahilan sa kawalan ng pagpapasakop ng tao sa Diyos ay dahil sa kanilang kakulangan ng kaalaman. Ito ang walang kuwentang kalagayan na kinahantungan ng karamihan ng mga taong hindi kayang baguhin ang kanilang mangmang na kaisipan sa panahong ito. Ang pagtanggi ng isang tao sa regalo ng kaligtasan na ginawang posible ni Hesus sa pamamagitan ng kanyang handog ,ay bunga ng mangmang na paglaban sa Diyos at sa kasalanan na naghihiwalay sa tao sa Kanya.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Anu ano ang mga Istasyon ng Krus at ano ang ating matututunan sa mga iyon?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries