Tanong
Papaano ko maituturo ang Ebanghelyo sa aking mga kapatid at kasambahay na hindi sila magagalit, masasaktan, o maitutulak na papalayo?
Sagot
Kadalasan na ang isang Kristiyano ay may kasambahay, kaibigan, kasama sa trabaho, o di kaya ay kakilala na hindi Kristiyano o hindi naniniwala kay Hesus. Ang pagbabahagi ng Ebanghelyo sa ibang tao ay mahirap, at minsan ay mas lalong mahirap kung ang taong iyon ay malapit sa ating buhay. Sinasabi sa atin ng Bibliya na ang ibang tao ay masasaktan o magagalit sa Ebanghelyo (Lucas 12:51-53). Ngunit tayo ay inuutusan na ibahagi and Ebanghelyo at walang dahilan upang hindi natin ito gawin (Mateo 28:19-20; Gawa 1:8; 1 Pedro 3:15).
Papaano natin ituturo ang Ebanghelyo sa ating mga kasambahay, kaibigan, kasama sa trabaho, at mga kakilala? Ang pinakamahalagang bagay na ating magagawa ay ipanalangin sila. Ipanalangin natin na baguhin ng Diyos ang kanilang mga puso at mabuksan ang kanilang mga mata at pang-unawa (2 Corinto 4:4) sa katotohanan ng Ebanghelyo. Ipanalangin natin na sila ay buhayin ng Espirtu Santo sa espiritwal upang maunawaan nila ang pag-ibig ng Diyos at makita nila ang kanilang pangangailangan ng kaligtasan sa pamamagitan ni Hesu Kristo (Juan 3:16) Manalangin tayo na bigyan tayo ng Diyos ng karunungan upang magamit sa ating pagmiministeryo sa kanila (Santiago 1:5). Bukod sa pananalangin, tayo ay dapat ding mamuhay na may kabanalan at kalinisan sa kanilang harapan upang kanilang makita ang mga pagbabago na ginawa ng Diyos sa ating buhay (1 Pedro 3:1-2. Sinabi ni St. Francis ng Assisi, "Ipangaral ang Ebanghelyo sa lahat ng oras at gumamit ng mga pananalita kung kinakailangan."
Sa huli, tayo ay dapat na sumunod sa ipinagagawa ng Diyos at maging matapang sa pagbabahagi ng Ebanghelyo. Ipahayag natin ang mensahe ng kaligtasan sa pamamagitan ni Hesu Kristo sa ating mga kaibigan at kasambahay (Roma 10:9-10) at palaging maging handa na ipahayag ang ating pananampalataya sa iba (1 Pedro 3:15). Gawin natin ito ng may kapakumbabaan at paggalang sa ating kapwa. Gayundin naman, dapat nating ipaubaya sa Diyos ang kaligtasan ng ating mga mahal sa buhay. Ang kapangyarihan at biyaya lamang ng Diyos makapagliligtas sa kanila hindi ang ating sariling pagsisikap. Higit sa lahat, ang pinakamabuting magagawa natin ay ipanalangin sila, magpatotoo sa kanila at mamuhay bilang mga tunay na Kristiyano upang kanilang makita ang ating pananampalataya sa Diyos.
English
Papaano ko maituturo ang Ebanghelyo sa aking mga kapatid at kasambahay na hindi sila magagalit, masasaktan, o maitutulak na papalayo?