settings icon
share icon
Tanong

Paanong Si Jesus at ang Biblia ay parehong Salita ng Diyos?

Sagot


Ang pariralang "Salita ng Diyos" ay laging mababasa sa Biblia at maaaring may kaunting pagkakaiba sa kahulugan depende sa konteksto at pagkagamit sa salitang Hebreo. Sinasabi sa Juan 1:1–2, "Nang pasimula ay naroon na ang Salita; ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos." Sa talatang ito, ang salitang "Salita" ay isang titulo para sa Panginoong Jesus. Ang salitang "salita" ay "logos" sa salitang Hebreo na may pangunahing pakahulugan na "isang kapahayagan ng isipan." Ang salitang Griegong "logos" ay maaaring pakahuluganan bilang "isang kabuuang mensahe ng Diyos sa tao" (Gawa 11:1; 1 Tesalonica 2:13). Kinakatawan ni Jesus ang kabuuang mensahe ng Diyos, at ito ang dahilan kung bakit Siya tinawag ni Juan bilang "logos" o "Salita" ng Diyos (Colosas 1:19; 2:9).

Ginamit din ang salitang logos ng maraming beses sa tuwing tinutukoy ang isinulat na mensahe ng Diyos (Juan 17:17; 1 Timoteo 4:5; Pahayag 1:2; Colosas 1:25). Sinasabi sa Hebreo 4:12, "Ang salita ng Diyos ay buháy at mabisa, mas matalas kaysa alinmang tabak na sa magkabila'y may talim. Ito'y tumatagos maging sa kaibuturan ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at buto, at nakakaalam ng mga iniisip at binabalak ng puso." Ipinakita ni Jesus ang kaugnayan sa pagitan ng nasulat na Salita ng Diyos (ang Biblia) at sa Kanyang sarili ng sabihin Niya na Siya ang paksa ng nasulat na Salita ng Diyos: "Sinasaliksik ninyo ang mga Kasulatan sa pag-aakalang doon ninyo matatagpuan ang buhay na walang hanggan. Ang mga Kasulatang iyan ang nagpapatotoo tungkol sa akin!" (Juan 5:39).

Ang isa pang salitang Griego para sa salitang "salita" ay rhema. Ang rhema ay tumutukoy sa aktwal na pagbigkas sa salita ng Diyos (Hebreo 6:5). Noong tuksuhin ni Satanas si Jesus, sumagot Siya, "Nasusulat, 'Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos'" (Mateo 4:4). Sinasabi sa atin sa Efeso 6:17, "Isuot ninyo ang helmet ng kaligtasan, at gamitin ang tabak ng Espiritu, na walang iba kundi ang Salita (rhema) ng Diyos." Ipinakita ni Jesus na kailangan natin ang aktwal na itinalang salita ng Diyos upang pagtagumpayan ang mga pagatake ni Satanas.

Ang pariralang "Salita ng Diyos" ay hindi lamang nangangahulugang mga salitang nakasulat sa isang pahina. Ang Diyos ay nakikipag-ugnayan sa tao mula pa sa umpisa. Nangungusap Siya sa pamamagitan ng Kanyang sangnilikha (Awit 19:1), sa pamamagitan ng mga propeta noong unang panahon (Oseas 12:10; Hebreo 1:1), sa pamamagitan ng Banal na Espiritu (Juan 16:13; Gawa 16:6), sa pamamagitan ng Kasulatan (Hebreo 4:12), at sa pamamagitan ng persona ng Kanyang Anak na si Jesu Cristo (Juan 14:9). Maaari nating mas makilala pa ang Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanya sa tuwing Siya'y mangungusap sa atin sa pamamagitan ng Biblia.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paanong Si Jesus at ang Biblia ay parehong Salita ng Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries