Tanong
Bakit lumabas ang tubig at dugo sa tagiliran ni Jesus noong siya ay sibatin?
Sagot
Ang pagpalo o paghagupit ng mga sundalong Romano kay Jesus bago Siya ipako sa krus ay tinatayang may bilang na tatlumpu't siyam (39) na palo, ngunit maaaring humigit pa (Markos 15:15; Juan 19:1). Ang pamalong ginamit ay tinatawag na flagrum na yari sa nilubid na sinturong katad na may bolang bakal sa dulo at mga piraso ng matutulis na buto na nakakabit sa sinturon. Nagpapabigat sa sinturon ang mga bolang bakal na nagiging dahilan ng malalim na sugat sa pinapalong biktima. Ang mga piraso ng buto naman ay sumusugat sa laman. Habang nagpapatuloy ang pagpalo, ang mga sugat ay lumalalim ng napakalalim anupa't ang mga masel na malapit sa buto, ang mga ugat, litid at bituka ay maaaring lumabas. Ang mga pagpalong ito ay napakasakit anupa't may mga pagkakataon na namamatay na ang mga bikitma bago pa man sila maipako sa krus.
Ang mga pinapalo ay kalimitang nakakaranas ng hypovolemic shock, isang termino na tumutukoy sa pagkawala ng dugo. Sa ibang salita, nawawalan ang tao ng napakaraming dugo kaya siya nakakaranas nito. Ang mga sumusunod ang maaaring maging resulta nito:
1) Mabilis na magbobomba ang puso ng dugo na nawawala na.
2) Mawawalan ng malay o manghihina ang tao dahil sa kakulangan ng dugo.
3) Magsasara ang bato para pigilan ang paglabas ng mga likido sa katawan.
4) Makakaranas ang biktima ng matinding uhaw dahil sa kagustuhan ng katawan na palitan ang nawalang likido o tubig sa katawan.
May ebidensya mula sa Kasulatan na nakaranas si Jesus ng hypovolemic shock dahil sa paghagupit sa Kanya. Habang pasan ni Jesus ang sariling krus papunta sa Golgotha (Juan 19:17), Siya ay natumba at isang lalaki na nagngangalang Simon ang pinilit ng mga Romano na pasanin o di kaya'y tulungan si Jesus na magpasan ng krus sa natitirang distansya paakyat sa burol (Mateo 27:32–33; Markos 15:21–22; Lukas 23:26). Ang pagkatumbang ito ni Jesus ay nagpapahiwatig na nawalan si Jesus ng maraming dugo. Ang isa pang indikasyon na nagdanas si Jesus ng hypovolemic shock ay noong sabihin Niya na Siya ay nauuhaw habang nakapako sa krus (Juan 19:28), na nagpapahiwatig ng pagnanais ng Kanyang katawan na palitan ang mga nawalang likido.
Bago ang Kanyang kamatayan, ang mabilis na pagtibok ng Kanyang puso na sanhi ng hypovolemic shock ang siya ring naging dahilan para maipon ang likido sa Kanyang katawan sa paligid ng Kanyang puso at baga. Ang pagiipon na ito ng likido sa mga lamad sa paligid ng puso ay tinatawag na pericardial effusion, at ang mga likido naman na naiipon sa paligid ng baga ay tinatawag na pleural effusion. Ito ang dahilan kung bakit noong sibatin ng isang sundalo ang tagiliran ni Jesus na umabot hanggang sa kanyang baga at puso ay lumabas ang dugo at tubig mula sa Kanyang tagiliran gaya ng itinala ni Juan sa Kanyang Ebanghelyo (Juan 19:34).
English
Bakit lumabas ang tubig at dugo sa tagiliran ni Jesus noong siya ay sibatin?