settings icon
share icon
Tanong

Paanong higit na dakila si Jesus kaysa sa lahat ng mga dakilang tao sa kasaysayan?

Sagot


Ipinapakilala si Jesus ng Bibliya na higit na dakila kaysa sa kaninumang tao na nabuhay at mabubuhay sa mundo. Itinuro sa Colosas 1 sa isang hindi mapapasubaliang paraan ang doktrina ng pagiging higit ni Jesu Cristo sa "lahat ng bagay" (Colosas 1:18). Sinasabi sa Efeso 1:22, "Ipinailalim ng Diyos sa paa ni Cristo ang lahat ng bagay, at ginawa siyang ulo ng lahat ng bagay para sa iglesya, na siyang katawan ni Cristo, ang kapuspusan niya na pumupuno sa lahat ng bagay."

Higit si Jesus sa lahat ng nilikha. Bilang manlilikha ng lahat ng bagay, kailangang Siya'y nakahihigit sa lahat na Kanyang nilikha. Pinatunayan ni Jesus ang Kanyang kahigitan sa sangnilikha noong pinatigil Niya ang malakas na bagyo (Markos 4:39), pinarami ang limang tinapay at dalawang isda (Markos 8:6—9), pinagaling ang bulag (Markos 8:22—25), at lumakad sa ibabaw ng tubig (Markos 6:48). "Ang lahat ay nilikha ng Diyos sa pamamagitan niya at para sa kanya" (Colosas 1:16).

Higit si Jesus kaysa kay Abraham. Ang amang si Abraham ay isa sa pinaka-iginagalang na tao sa buong kasaysayan. Isang araw, habang nakikipagusap si Jesus sa mga Judio tungkol sa Kanyang lahing pinagmulan, tinanong nila Siya, "Mas magaling ka pa ba kaysa sa aming amang si Abraham?" (Juan 8:53). Nagulantang sila sa Kanyang sagot: "Natuwa ang inyong amang si Abraham nang malaman niyang makikita niya ang araw ng aking pagdating. Nakita nga niya ito at siya'y nagalak…. Pakatandaan ninyo: bago pa ipinanganak si Abraham, 'Ako ay Ako Na!'" (Juan 8:56, 58).

Higit si Jesus kaysa kay Jacob. Ang isa pang ninuno ng mga Judio ay si Jacob na pinangalanan ng Diyos ng Israel (Genesis 32:28). Habang nakikipagusap si Jesus sa isang babae sa tabi ng balon ni Jacob sa Samaria, sinabihan Niya ang babae na maaari Niya itong bigyan ng "tubig ng buhay" (Juan 4:10). Inisip na ang tinutukoy ni Jesus ay isang uri ng tubig na galing din sa balon, tinanong si Jesus ng babae, "nakakahihigit ka ba sa aming ninunong si Jacob?"(talata 12). Sumagot si Jesus at sinabing ang tubig sa balon ni Jacob ay panandalian lamang ngunit ang tubig na ibinibigay Niya ay pangwalang hanggan: "Sumagot si Jesus, "Ang bawat uminom ng tubig na ito'y muling mauuhaw, ngunit ang sinumang uminom ng tubig na ibibigay ko sa kanya ay hindi na muling mauuhaw kailanman. Ang tubig na ibibigay ko ay magiging batis sa loob niya, at patuloy na bubukal at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan" (talata 13–14).

Higit si Jesus kaysa kay Moises. Marahil, wala ng iba pang propeta sa Lumang Tipan na iginagalang ng higit kay Moises. Siya ang tagapagbigay ng Kautusan, ang tagapagpalaya ng Israel, at manggagawa ng mga himala. May natatanging pribilehiyo si Moises na makita ng "mukhaan ang Diyos gaya ng pakikipagusap ng isang kaibigan sa kanyang kaibigan" (Exodo 33:11). Bago siya namatay, inutusan ni Moises ang mga Israelita na maghintay para sa pagdating ng isa pang propeta na kahalintulad niya, at sinabi niya sa kanila: "Makinig kayo sa Kanya" (Deuteronomio 18:15). Ginanap ni Jesus ang Kautusan (Mateo 5:17), pinalaya tayo mula sa kasalanan at kamatayan (Roma 8:2), at gumawa Siya ng mga himala (Gawa 2:22). Sinasabi sa Hebreo 3:3, "Kung ang nagtayo ng bahay ay mas marangal kaysa sa bahay, gayundin naman, lalong marangal si Jesus kaysa kay Moises."

Higit si Jesus kaysa kay David. Noong panahon ni Jesus, ang isang pangkaraniwang titulo para sa Mesiyas ay "Anak ni David" (tingnan ang Mateo 9:27). Ginagamit ng mga Judio ang terminolohiyang ito upang ipahiwatig ang kanilang paniniwala base sa hula na ang Mesiyas o tagapagligtas ay manggagaling sa pamilya ni David (2 Samuel 7:16). Sa isang pakikipagusap sa templo, binanggit ni Jesus ang Awit 110:1 at sinabing tinawag ni David ang Mesisya na "aking Panginoon" (Mateo 22:45). Kaya nga, ang Anak ni David ay higit kaysa kay David at may pinagmulang higit kaysa sa pinagmulan ng sinumang hari sa daigdig.

Higit si Jesus kaysa kay Solomon. Hindi mapapantayan ang karunungan, kayamanan, kapangyarihan at karangalan ni Solomon (1 Hari 10:23–24). Dinalaw siya sa Jerusalem at pinagpugayan ng mga maharlika mula sa iba't ibang panig ng mundo noong siya'y naghahari. Ngunit sinabi ni Jesus, "higit pa kay Solomon ang naririto ngayon!" (Mateo 12:42).

Higit si Jesus kaysa kay Jonas. Isang kasangkapan ang propetang si Jonas sa isa sa mga pinakamalaking pagpapanumbalik sa Diyos sa kasaysayan. Sa kanyang pangangaral, nagsisi sa kanilang kasalanan ang buong siyudad ng Nineve at humingi sa Diyos ng kahabagan. Ang isang bansang kilala sa kanilang pagsamba sa diyus-diyusan at kilala sa pagiging marahas ay nagpakumbaba sa harapan ng Diyos at tumalikod sa paganismo. Ngunit sinabi ni Jesus tungkol sa Kanyang sarili, "Ngunit higit pa kay Jonas ang naririto" (Mateo 12:41).

Higit si Jesus kaysa kay Juan Bautista. Sinabi ni Jesus na si Juan Bautista ay "higit pa sa isang propeta" at "wala ng mas dakila pa kaysa kanya" (Lukas 7:26, 28). Tunay na si Juan Bautista ang pinakahuli sa mga propeta ng Lumang Tipan at ginanap niya ang Malakias 3:1 at nagpakita ng kapangyarihan na gaya ng kay Elias (Lukas 1:17). Ngunit paano ni Juan itinuring si Jesus? Ang kanyang hula ay nagpapakita kung sino ang nakahihigit: "Ang darating na kasunod ko ay higit na makapangyarihan kaysa sa akin. Ni hindi ako karapat-dapat yumukod at magkalas man lamang ng tali ng kanyang sandalyas" (Markos 1:7). Sa ibang salita, ni hindi kapantay ni Jesus si Juan. Nagbawtismo si Juan sa tubig, ngunit magbabawtismo si Jesus sa Banal na Espiritu (Markos 1:8).

Higit si Jesus kaysa sa templo. Ang templo sa Jerusalem ay isang maluwalhating lugar, puno ng kasaysayan, kahulugan at kahalagahan sa relihiyon (tingnan ang Mateo 24:1). Ngunit sinabi ni Jesus sa mga Pariseo, "Sinasabi ko sa inyo, may isang naririto na higit na dakila kaysa Templo!" (Mateo 12:6). Ang templo ang lugar kung saan namamagitan ang mga saserdote sa bansa ng Diyos, ngunit higit ang ministeryo ng pamamagitan ni Jesus (Hebreo 8:6).

Higit si Jesus kaysa sa Sabbath. Ang tanda ng Tipan ni Moises ay ang pagsunod sa Sabbath (Ezekiel 20:12) at mahigpit ang pagpapanatili ng mga Judio sa tandang ito. Nang dumating si Jesus, namuhay Siya sa ilalim ng Kautusan (Galatia 4:4), ginanap ang Kautusan (Mateo 5:17), at ipinakita na ang Anak ng Tao ang Panginoon ng Sabbath" (Mateo 12:8).

Higit si Jesus kaysa sa iglesya. Ang iglesya ang mga hinirang ng Dios na tinwag mula sa mundo, tinubos, pinawalang sala, pinaging banal at niluwalhati (Roma 8:30). Sa huli, ang iglesya ay ihaharap Niya sa kanyang sarili na "nasa kagandahan nito, walang anumang dungis ni kulubot man, banal at walang anumang kapintasan" (Efeso 5:27). Ngunit nakahihigit si Cristo sa iglesya. Siya ang Ulo ng Iglesya na Kanyang katawan (Colosas 1:18; cf. Juan 13:16; 15:20).

Higit si Jesus kaysa sa mga anghel. Ang mga anghel ay alipin ng Diyos ngunit si Jesus ay bugtong na Anak ng Diyos na nakaupo sa Kanyang kanan sa kaitaasan (Hebreo 1:3, 5; Juan 3:16). Isang araw, ang lahat ng pamunuan at kapangyarihan sa langit at sa lupa ay yuyukod kay Jesu Cristo (Filipos 2:10). Si Jesus ay "higit na dakila kaysa mga anghel, tulad ng pangalan na ibinigay sa kanya ng Diyos ay higit na dakila" (Hebreo 1:4).

Ang pangalan ni Jesus' ay higit sa lahat ng pangalan. Si Jesus, ang perpektong tao at ang tangi at nagiisang handog para sa kasalanan ay pinarangalan sa kaitasaan. Binigyan Siya ng Diyos ng "pangalan na higit sa lahat ng pangalan" (Filipos 2:9). Ang ibang mga pangalan sa kasaysayan—si Buddha, Mohamad, Gandhi, Confucius, Krishna, Joseph Smith, at Sun Myung Moon—ay hindi maipapantay sa kahalagahan ng liwanag ng kaluwalhatian ni Jesu Cristo. Ang pangalan ni Jesus ang ating ipinangangaral hanggang sa dulo ng sanlibutan dahil tanging sa pangalan lamang Niya matatagpuan ang kaligtasan (Gawa 4:12).

"Sapagkat ang buong kalikasan ng Diyos ay na kay Cristo sa kanyang pagiging tao" (Colosas 2:9). Bilang ang Salita ng Diyos (Juan 1:1), si Jesus ang pinakasukdulang kapahayagan ng Diyos sa tao. Wala ng mas lilinaw pang kapahayagan ng Diyos sa Kanyang sarili maliban kay Jesus.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paanong higit na dakila si Jesus kaysa sa lahat ng mga dakilang tao sa kasaysayan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries