Tanong
Si Jesus ba ang Manlilikha?
Sagot
Sinasabi sa Genesis 1:1, "Nang pasimula ay nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa." Pagkatapos ibinigay naman sa Colosas 1:16 ang karagdagang detalye na ang "lahat ng mga bagay" ay nilikha sa pamamagitan ni Kristo. Kaya nga, malinaw na itinuturo ng Kasulatan na si Jesus ang Manlilikha ng lahat ng mga bagay.
Mahirap maunawaan ang misteryo ng Trinidad ngunit isa ito sa mga doktrina na ipinahayag sa Kasulatan. Sa Bibliya, parehong tinatawag na Pastol, Hukom, at Tagapagligtas ang Diyos Ama at Diyos Anak. Pareho silang tinatawag na "isang sinaksak ng sibat"—sa parehong talata (Zacarias 12:10). Si Jesus ang perpektong kapahayagan ng Diyos Ama, at may pareho silang kalikasan (Hebreo 1:3). Kung ano ang ginagawa ng Ama, iyon din ang ginagawa ng Diyos Anak at Diyos Espiritu. Lagi silang may perpektong pagkakaisa sa lahat ng panahon, at ang tatlo ay magkakapantay na persona sa iisang Diyos (Deuteronomio 6:4). Ang pangunawa na si Kristo ay Diyos na nagtataglay ng lahat ng katangian ng Diyos ang tumutulong sa atin upang maunawaan si Jesus bilang Manlilikha.
"Sa pasimula pa ay naroroon na ang Salita. Ang Salita ay sumasa Diyos at ang Salita ay Diyos" (Juan 1:1). May tatlong mahalagang bagay ang ating matututunan tungkol kay Jesus at sa Diyos Ama sa talatang ito: 1) Si Jesus ay naroon na sa pasimula—naroroon na Siya sa paglikha. Kasama ng Diyos Ama si Jesus mula pa sa walang hanggan. 2) Hindi si Jesus ang Ama — kasama Siya ng Diyos Ama. 3) Bilang Diyos, pareho ang kalikasan ni Jesus at ang kalikasan ng Diyos Ama – "Si Jesus ay Diyos."
Sinasabi sa Hebreo 1:2, "…Ngunit nitong mga huling araw, nagsalita siya sa atin sa pamamagitan ng kaniyang Anak." Si Kristo ang kasama at katiwala ng Diyos sa paglikha; nilikha ang mundo sa "pamamagitan" Niya. May magkaibang papel na ginagampanan ang Ama at Anak sa paglikha ngunit magkasama sila sa paglikha sa buong sansinukob. Sinasabi ni Juan, "Ang lahat ng mga bagay ay nilikha sa pamamagitan niya. Kung wala siya ay walang anumang nilikhang bagay na nalikha" (Juan 1:3). Binigyang diin ni Apostol Pablo, "Subalit para sa atin iisa lamang ang Diyos, ang Ama. Sa kaniya nagmula ang lahat ng mga bagay at tayo ay para sa kaniya. Iisa lamang ang Panginoong Jesucristo. Sa pamamagitan niya nagmula ang lahat ng mga bagay at tayo ay nabubuhay sa pamamagitan niya" (1 Corinto 8:6).
Ang ikatlong persona ng Trindad, ang Banal na Espiritu ay kasama din sa paglikha, (Genesis 1:2). Dahil ang salitang Hebreo para sa "espiritu" ay "hangin" o "hininga," makikita natin ang gawain ng tatlong persona ng Diyos sa isang talata, "Sa pamamagitan ng salita ng Panginoon ay nayari ang mga langit;
At lahat ng natatanaw roon ay sa pamamagitan ng hinga ng kaniyang bibig" (Awit 33:6). Pagkatapos ng malalim na pagaaral ng Kasulatan, masasabi natin ng may kasiguraduhan na ang Ama ang Manlilikha (Awit 102:25), at lumikha Siya sa pamamagitan ni Jesus, ang Anak ng Diyos (Hebreo 1:2).
English
Si Jesus ba ang Manlilikha?