Tanong
Nagsalita ba si Jesus sa ibang mga wika?
Sagot
Walang kahit anong ebidensya sa Bibliya na si Jesus ay nagsalita sa ibang wika. Marami ang iniisip na ang “pagsasalita sa ibang wika” ay isang uri ng hindi naiintindihan at hindi maipaliwanag na mga salita. Sa Bibliya, ang kaloob ng pagsasalita sa ibang wika ay nagaganap kung ang isang tao ay nagsasalita ng isang wika na hindi niya alam para palakasin ang pananampalataya ng isang taong nauunawaan ang kanyang sinasabi (1 Corintho 14:6).
Kung si Cristo ay magsasalita sa ibang wika, lohikal para sa Kanya na gawin iyon noong Siya ay bawtismuhan kung kailan “bumaba sa Kanya ang espiritu na gaya ng isang kalapati” (Marcos 1:10). Alam natin na, ilang sandali pagkatapos na Siya ay bawtismuhan, nagsalita ang Diyos mula sa langit gamit ang salitang naintindihan ng lahat na naroon (talata 11), ngunit wala tayong rekord na nagsalita sa ibang wika si Jesus sa iba pang okasyon.
Maraming nagsusulong ng pagsasalita sa ibang wika ngayon na nagpapalagay na maaaring si Jesus ay nagsalita sa ibang wika. Para palakasin ang argumentong ito, binabanggit nila ang mga talatang gaya ng Marcos 7:34, kung saan “tumingala si Jesus sa langit . . . ng may malalim na bunting-hininga,” at sa Marcos 8:12, kung saan “Napabuntong-hininga si Jesus.” Gayunman, ang pagbuntung-hininga ay hindi kapareho ng mahimalang kaloob ng pagsasalita sa ibang wika. Maaaring bumuntung-hininga ang sinuman, sa anumang dahilan ngunit hindi ito katibayan ng kakayahang kaloob ng Espiritu na pagsasalita sa ibang wika.
Mayroon tayong rekord ng pagsasalita ni Jesus sa wikang Aramaiko, ang pinapangkaraniwang salita sa Israel ng panahong iyon (tingnan ang Marcos 5:41 at Gawa 26:14). Maaari ding marunong si Jesus ng wikang Hebreo at Griego dahil ang mga salitang ito ay ginagamit din noon sa Israel. Ngunit hindi sinabi saanman sa Bibliya na si Jesus ay nagsalita ng may supernatural na kapangyarihan sa ibang wika.
English
Nagsalita ba si Jesus sa ibang mga wika?