settings icon
share icon
Tanong

Ano ang layunin ng pamamagitan ni Jesus para sa atin sa langit?

Sagot


Patungkol kay Jesus, sinabi ng manunulat ng aklat ng Hebreo, "Dahil dito, lubusan niyang maililigtas ang lahat ng lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, sapagkat siya'y nabubuhay magpakailanman upang mamagitan para sa kanila" (Hebreo 7:25). Ang talatang ito (at ang iba pang katulad nito) ang nagtuturo sa atin na bagama't ginanap na ng gawain ni Jesus sa krus ang pagliligtas sa Kanyang mga hinirang na pinatunayan ng Kanyang sigaw na "Naganap na" (Juan 19:30), ang Kanyang pangangalaga sa atin bilang Kanyang mga anak na tinubos ay hindi matatapos.

Hindi umakyat si Jesus sa langit pagkatapos ng Kanyang ministeryo sa lupa at "nagpahinga" sa Kanyang gawain bilang walang hanggang pastol ng Kanyang bayan. "Dati, tayo'y mga kaaway ng Diyos, ngunit tinanggap na niya tayo bilang mga kaibigan sa pamamagitan ng pagkamatay ng kanyang Anak. At dahil dito, tiyak na maliligtas tayo sapagkat si Cristo ay buháy" (Roma 5:10). Kung kahit noong Siya ay magpakumbaba, hiniya, at namatay sa krus ay may kapangyarihan Siya na ganapin ang napakadakilang gawain ng pakikipagkasundo sa atin sa Diyos, gaano pa ang ating maaasahan na kaya Niya tayong ingatan ngayon ng nabuhay na mag-uli, itinaas, at ng matagumpay na Manunubos, na binuhay mula sa mga patay at namamagitan para sa atin sa harapan ng trono ng Ama (Roma 8:34). Malinaw na aktibo pa rin si Jesus sa pagganap ng Kanyang gawain para sa atin bilang ating tagapamagitan at tagapagtanggol sa Ama sa kalangitan.

Pagkatapos na umakyat sa langit ni Jesus at maupo sa kanan ng Ama sa langit (Gawa 1:9; Colosas 3:1), bumalik Siya sa kaluwalhatian na dati Niyang taglay bago Siya magkatawang tao (Juan 17:5) upang ganapin ang Kanyang papel bilang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon—ang Kanyang walang hanggang papel bilang ikalawang persona sa Trinidad. Habang nagpapatuloy ang lumang mundong ito sa pangangaral tungkol kay Cristo, si Jesus ang tagapamagitan at tagapagtanggol natin na mga Kristyano. Ito ang Kanyang papel bilang tagapamagitan na Kanyang kasalukuyang ginagampanan para sa mga tunay na sa Kanya (1 Juan 2:1). Laging iniluluhog ni Jesus ang ating mga karaingan sa Ama gaya ng isang abogadong tagapagtanggol.

Namamagitan si Jesus para sa atin habang si Satanas (na ang kahulugan ng pangalan ay tagasumbat) ay sinusumbatan tayo at laging ipinapaalala ang ating mga kasalanan at kahinaan sa harap ng Diyos gaya ng kanyang ginawa kay Job (Job 1:6-12). Ngunit ang Kanyang mga akusasyon ay hindi naririnig ng ating Diyos Ama sa langit dahil binayaran na ng buo ni Jesus ang ating mga kasalanan doon sa krus; kaya nga laging ang nakikita sa atin ng Diyos ay ang perpektong katuwiran ni Jesus. Nang mamatay si Jesus sa krus, ibinigay Niya sa atin ang Kanyang katuwiran (perpektong kabanalan) habang kinuha Niya ang ating mga kasalanan at binayaran ng Kanyang kamatayan. Ito ang dakilang palitan na tinalakay ni Pablo sa 2 Corinto 5:21. Iyon ang nagalis magpakailanman ng ating makasalanang posisyon sa harapan ng Diyos, upang matanggap tayo ng Diyos bilang mga anak na walang kapintasan sa Kanyang harapan.

Panghuli, mahalagang maunawaan na si Jesus lamang ang tanging taong namamagitan sa tao at sa Diyos. Walang iba—hindi si Maria o sinumang santo—ang may kapangyarihan na mamagitan para sa atin sa harap ng trono ng Makapangyarihan sa lahat. Wala ring anghel ang may kakayahang gawin ito. Tanging si Cristo lamang, na tunay na Diyos at tunay na tao ang may kapangyarihan at nagtatanggol at namamagitan para sa atin sa harap ng Diyos. "Sapagkat iisa ang Diyos at iisa ang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus" (1 Timoteo 2:5).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang layunin ng pamamagitan ni Jesus para sa atin sa langit?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries