settings icon
share icon
Tanong

Mayroon bang pisikal na katawan si Jesus sa langit?

Sagot


Ang pisikal na katawan ni Jesus pagkatapos Niyang mabuhay na mag-uli ang pundasyon ng doktrinang Kristiyano at ng ating pag-asa ng pagkabuhay sa langit. Dahil nabuhay na mag-uli si Jesus mula sa mga patay ng may pisikal na katawan, may katiyakan ang bawat mananampalataya para sa pagkabuhay na mag-uli ng kanilang sariling katawan (Juan 5:21, 28; Roma 8:23). Nasa langit ngayon si Jesus kung saan nakaupo Siya sa isang lugar ng awtoridad sa kanan ng Diyos (1 Pedro 3:22). Ngunit pareho ba ng katawan ni Jesus sa langit ang kanyang katawan sa lupa?

Malinaw na itinuturo ng Biblia na nabuhay ang katawan ni Jesus. Walang laman ang Kanyang libingan. Nakilala Siya ng mga nakakakilala sa Kanya. Ipinakita ni Jesus ang Kanyang sarili pagkatapos Niyang mabuhay na mag-uli sa Kanyang mga alagad at pagkatapos, sa mahigit na limang daang katao (1 Corinto 15:4–6). Sa Lukas 24:16, sa daan patungong Emmaus, dalawa sa mga alagad ni Jesus ang pinigilang makilala Siya agad. Gayunman, sa huli, "nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala Siya" (talata 31). Hindi ito dahil hindi nila kayang makilala si Jesus; kundi sa ilang sandali, pinigilan ng Diyos ang mga alagad na makilala Siya.

Kalaunan sa parehong kabanata ng Lukas, ipinakita ni Jesus ang Kanyang sarili sa Kanyang mga alagad na tunay na mayroon Siyang pisikal na katawan; hindi Siya imateryal na espiritu: "Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa. Ako nga ito. Hawakan ninyo ako at pagmasdan. Ang multo ay walang laman at buto, ngunit ako'y mayroon, tulad ng nakikita ninyo" (Lukas 24:39). Pagkatapos ng apatnapung araw ng pagpapakita sa Kanyang mga alagad, umakyat ang katawan ni Jesus sa langit (Gawa 1:9). Si Jesus ay nanatiling tao, at Siya ay may katawan ng tao sa langit ngayon. Gayunman, ang Kanyang katawan ay kakaiba; ang katawang panlupa ay nabubulok, ngunit ang katawang panlangit ay hindi nabubulok (1 Corinto 15:50). Si Jesus ay may pisikal na katawan ngunit may malaking kaibahan sa Kanyang katawan sa lupa. Ang Kanyang nabuhay na mag-uling katawan ay idinisenyo na pang walang hanggan.

Inilalarawan sa 1 Corinto 15:35–49 kung ano ang magiging katawan ng mga mananampalataya sa langit. Ang ating katawang panlangit ay kakaiba sa ating katawang panlupa sa karangalan, sa kapangyarihan, at sa kalakasan. Sinabi ni apostol Pablo na ang katawan ng isang mananampalataya ay magiging kagaya ng katawan ni Cristo ng muli Siyang mabuhay (talata 49). Muling tinalakay ni Pablo ang paksang ito sa 2 Corinto, kung saan ikinumpara niya ang katawang panlupa sa isang tolda at ang katawang panlangit sa makalangit na tahanan (2 Corinto 5:1–2). Sinabi ni Pablo na sa oras na mamatay ang toldang ito, hindi maiiwang "hubad" ang mga Kristiyano—o walang katawan na matitirhan (2 Corinto 5:3). Kung maisuot na ang bagong katawan, lilipat tayo mula sa katawang may kamatayan patungo sa walang kamatayan (2 Corinto 5:4).

Kaya nalalaman natin na ang mga Kristiyano ay magkakaroon ng makalangit na katawan gaya ng "maluwalhating katawan" ni Jesus (Filipos 3:21). Sa kanyang pagkakatawang tao, kinuha ni Jesus ang katawang laman, at sa Kanyang muling pagkabuhay, naluwalhati ang Kanyang katawan—bagama't naiwan ang kanyang mga sugat (Juan 20:27). Siya ay magiging tunay na Diyos at tunay na Tao magpakailanman. Si Cristo, ang Manlilikha ng sangkalawakan, ay magiging katulad natin magpakailanman at makikilala natin Siya sa langit sa katawan na ating makikita, maririnig, at mahahawakan (Pahayag 21:3–4; 22:4).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Mayroon bang pisikal na katawan si Jesus sa langit?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries