settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Jesus Reigns Ministries at ano ang kanilang paniniwala at pagsasanay?

Sagot


Ang Jesus Reigns Ministries (JRM) ay isang grupo ng pananampalataya na humiwalay mula sa Jesus is Lord Church Worldwide (JILCW). Ang grupong ito ay pinangungunahan ng mag-asawang Bishop Vincent at Rev. Ligaya Javier. Bukod sa pagbabago sa pamunuan, kakaunti lamang ang pagkakaiba sa pagitan ng paniniwala at pagsasanay ng dalawang grupo.

Gaya ng tipikal na denominasyong born again, naniniwala ang Jesus Reigns Ministries sa pagkasi sa Kasulatan, sa Trinidad, sa pagiging makasalanan ng tao, sa pagbabawtismo sa mananampalatayang may sapat na gulang, sa kaligtasan sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya, sa pagkabuhay na mag-uli ng mananampalataya at hindi mananampalataya at sa literal na paghahari ni Cristo sa lupa sa loob ng isanlibong taon at sa bagong langit at bagong lupa. Bilang isang pentecostal-charismatic na grupo, naniniwala din ang JRM sa pagbabawtismo sa Banal na Espiritu at itinuturo na "dapat na taimtim na nasain ng lahat ng mga mananampalataya na maranasan ang pangako ng Diyos Ama — ang bawtismo sa Banal na Espiritu, na ang ebidensya ay pagsasalita ng ibang wika. Kasabay ng bawtismong ito sa Banal na Espiritu ang pagkakaloob ng kapangyarihan para sa pamumuhay at paglilingkod at ang "pagbibigay ng mga kaloob para magamit sa gawain ng ministeryo." Naniniwala din ang JRM sa "mahimalang pagpapagaling sa karamdaman na ipinagkakaloob sa pamamagitan ng kamatayan ni Cristo at isang pribilehiyo ng lahat ng mananampalataya," at sa "kasaganaan sa lahat ng bagay para sa lahat."

Ang istilo ng pangangaral na ginagamit ng mga pastor ng JRM ay karaniwang pamamaraang topical. Nilalagyan ng sariling pakahulugan ang mga talata sa Bibliya (eisegetical approach) sa halip na gumamit ng tamang paraan ng pangunawa sa Bibliya. Pangkaraniwan din ang mga personal na pahayag na wala sa Bibliya (extrabiblical revelations), gayundin ang pagaangkin ng direktang pakikipagusap sa Diyos na kinukumpirma ng mga pariralang "sinabi sa akin ng Diyos," at "ipinakita sa akin ng Diyos." Sinadya ang mga sermon para bigyang kasiyahan at kilitiin ang imahinasyon ng mga tagapakinig at laging may kwento ng mga patotoo tungkol sa magagandang karanasan gaya ng paggaling sa sakit at pagpapalang materyal.

Ang isa sa natatanging pagsasanay sa mga iglesya ng Jesus Reigns Ministries ay ang pagbibigay ng unang bunga (first fruit offerings) na ibinibigay ng mga miyembro tuwing unang Linggo ng Pebrero ng bawat taon. Ang buong buwan ng Enero ng bawat taon ay ginagamit sa pagtuturo tungkol sa pagbibigay, pagtatanim ng binhi, at pagbibigay ng unang bunga gamit ang mga Kasulatan sa Lumang Tipan. Ito ay para ihanda ang mga miyembro sa pagbibigay ng pinakamagaling sa unang linggo ng Enero sa anyo ng salapi na karaniwang katumbas ng isang buwang suweldo. Ang kaloob na unang bunga ay ibinibigay para tiyakin ang ang magandang posisyon at tuparin ng Diyos ang Kanyang pangako ng kasaganaan sa Kanyang mga anak.

Sa ngayon, ginagamit ng Jesus Reigns Ministries ang G12 vision, isang estratehiya ng pagpapalago ng iglesya na itinatag ni Cesar Castellanos ng International Charismatic Mission sa Bogota, Colombia. Si "Castellanos ay bahagi ng New Apostolic Reformation (NAR) na ang mga katuruan ay hindi ayon sa Bibliya. Ang NAR ay naniniwala na muling tumatawag ang Diyos sa panahong ito ng mga bagong apostol para ipagpatuloy ang gawain ng mga orihinal na apostol ni Jesus Cristo at sila ang pinamamahala ngayon ng Diyos sa makabagong iglesya ng kasalukuyang panahon. May kaugnayan ang NAR sa Toronto Blessing, kilusang Word of Faith, Name it Claim it, at Prosperity Gospel — mga katuruang hindi mapapatunayan gamit ang Bibliya. Naniniwala si Castellanos na binigyan siya ng Diyos ng makabagong rebelasyon at ito nga ay ang G12 vision. Binago ng JRM ang kanilang bersyon ng Government of 12 (G12) at ginawang Discipleship Group of 12 (DG12) ngunit ang doktrina, pamamaraan, at proseso ay pareho lamang ng orihinal na G12 mula sa Pre-encounter hanggang School of Leaders 1-3.

Hindi mapapasubalian na may mga naging tunay na mananampalataya sa ministeryo ng JRM. Ito ay dahil ginagamit ng Diyos kahit ang pinakamaliit na antas ng katotohanan habang ipinapangaral ang Kanyang salita upang tawagin ang Kanyang mga hinirang mula sa kadiliman patungo sa kaliwanagan anuman ang espiritwal na kalagayan ng mangangaral. Ngunit kung nais ng isang mananampalataya na lumalim sa Kanyang relasyon sa Diyos at lumago sa kaalaman ng Kanyang Salita at matiyak ang pagkapili sa kanya ng Diyos, nararapat na umiwas siya sa mga maling katuruan. Dahil sa paniniwala ng JRM sa Prosperity Gospel, mga rebelasyon na wala sa Bibliya at sa pagsasanay ng estratehiya sa paglago ng iglesya gamit ang G12, ang Jesus Reigns Ministries ay isang iglesya na hindi makakapagambag sa malalim na paglago sa katotohanan ng isang tunay na mananampalataya.



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Jesus Reigns Ministries at ano ang kanilang paniniwala at pagsasanay?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries