Tanong
Paano sasagot ang isang Kristiyano kung may mag-angkin na siya ay reinkarnasyon ni Jesus?
Sagot
Paminsan-minsan, may isang tao na magaangkin na siya diumano ay reinkarnasyon ni Kristo. Ang ilan sa mga indibidwal na ito ay may hitsura na pareho sa popular na pinta ng mukha ni Jesus. May panahon na ang mga "reinkarnasyong ito ni Jesus" ay nagkakaroon ng mga tagasunod. Sa iba't ibang kadahilanan, lahat sila ay nahayag na mga peke sa huli at mga nagpapanggap lamang. Mahirap na panatilihin ang anyo ng isang perpektong buhay. Paano tutugon ang mga Kristiyano, at hindi Kristiyano kung may isang tao na magsasabi na siya ay ang isinilang na muling Kristo?
Ang unang bagay na dapat tandaan ay hindi isang biblikal na konsepto ang reinkarnasyon o pagsilang na muli ng isang namatay na tao sa panibagong katawan. Itinuturo ng Bibliya na pagkatapos ng kamatayan ay paghuhukom (Hebreo 9:27). Ang ideya ng pagpapasalin-salin ng kaluluwa ng tao sa ibang katawan at nakabilanggo sa paulit ulit na kamatayan at pagkabuhay na mag-uli ay nagmula sa Hinduismo at Budismo. Hindi ito itinuro at itinuturo kailanman ng Bibliya. Ang ikalawang pagdating ni Jesus ay hindi Jesus na isinilang na muli sa panibagong katawan kundi sa Kanyang dating katawan na nabuhay na mag-uli.
Ang Ikalawang Pagdating ni Jesu Cristo ay inilarawan ng buong detalye sa Pahayag 19:11–16. Hindi ito isang reinkarnasyon ni Jesus. Ito ay si Jesus na magbabalik sa Kanyang buong kaluwalhatian. Sa kanyang Ikalawang Pagdating, hindi muling ipapanganak si Jesus sa mundo. Hindi Siya darating bilang isang bata gaya ng Kanyang unang pagparito. Sa halip, magbabalik si Jesus sa parehong niluwalhating katawan gaya noong Siya ay umakyat sa langit (Gawa 1:11). Itinuturo ng Bibliya na ang muling pagparito ni Cristo ay magaganap sa panahon ng isang pang-buong mundong kaguluhan. Ang Kanyang muling pagparito ay magaganap sa pagtatapos ng Dakilang Kapighatian. Babalik si Jesus bilang isang matagumpay na mandirigma, hindi bilang Prinsipe ng Kapayapaan.
Binalaan na tayo ni Jesus na magkakaroon ng mga bulaang Mesiyas. At kung ang sinuman ay magaangkin na siya ang isinilang na muling Jesus – ang taong iyon ay huwad na Mesiyas. Sa Lukas 17:23–24, idineklara ni Jesus, "May magsasabi sa inyo, 'Naroon!' o, 'Narito!' Huwag kayong pupunta at huwag kayong maniniwala sa kanila. Sapagkat pagsapit ng takdang araw, ang Anak ng Tao ay darating na parang kidlat na nagliliwanag sa buong kalangitan" (Tingnan din ang Mateo 24:23–25). Sinabi ni Jesus na hindi maaaring mapagkamalan ang kanyang Muling pagparito. Walang magiging pagdududa sa kanyang muling pagdating. Ito ay magiging kasintiyak kung papaanong kumikislap ang kidlat sa pusikit na karimlan.
Ang sinuman na nagaangkin na siya ang reinkarnasyon ni Jesus ay isang sinungaling, mandaraya, isang bulaang propeta at huwad na Mesiyas. Huwag mo siyang pakikinggan o bibigyan man ng pera. Gaya ng inilarawan sa Bibliya, ang ikalawang pagparito ni Kristo ay hindi katulad ng reinkarnasyon sa anumang paraan. Namatay si Jesus ng minsan at nabuhay siyang mag-uli ng minsan, at ngayon Siya ay nabubuhay at mananatiling buháy magpakailanman!" (Pahayag 1:18).
English
Paano sasagot ang isang Kristiyano kung may mag-angkin na siya ay reinkarnasyon ni Jesus?