settings icon
share icon
Tanong

Si Jesus ba ay nasa Lumang Tipan?

Sagot


Laging nagpapakita si Jesus sa Lumang Tipan—hindi sa pangalang Jesus, at hindi sa parehong anyo na gaya ng makikitang anyo Niya sa Bagong Tipan, ngunit tiyak na Siya ay nasa Lumang Tipan. Ang totoo, ang tema ng buong Biblia ay si Cristo.

Kinumpirma mismo ni Jesus ang katotohanan na Siya ay nasa Lumang Tipan. Ipinaliwanag Niya sa ilang mga lider ng relihiyon na humamon sa Kanya kung binabanggit Siya sa Lumang Tipan: "Kung talagang naniniwala kayo kay Moises, maniniwala din kayo sa akin, sapagkat sumulat siya tungkol sa akin" (Juan 5:46). Ayon kay Jesus, ang lahat ng ginawa ng Diyos sa tao mula ng magumpisa ang panahon ay may kinalaman sa Kanya. May isa pang pagkakataon na ipinakita ni Jesus na Siya ay nasa Lumang Tipan noong araw na Siya ay nabuhay na mag-uli mula sa mga patay. Habang naglalakad kasama ng dalawa sa Kanyang mga alagad, "Ipinaliwanag sa kanila ni Jesus ang lahat ng sinasabi sa Kasulatan tungkol sa kanya, simula sa mga aklat ni Moises hanggang sa mga sinulat ng mga propeta" (Lukas 24:27). Bago Siya ipako sa krus, itinuro ni Jesus ang ibig sabihin ng Isaias 53:12 at sinabi sa Kanyang mga alagad, "dapat matupad sa akin ang sinasabi ng Kasulatang ito, 'Ibinilang siya sa mga salarin,' sapagkat ang nasusulat tungkol sa akin ay natutupad na" (Lukas 22:37).

Kung bibilangin, may mahigit sa 300 na hula sa Lumang Tipan na tumutukoy kay Jesu Cristo na tinupad Niya sa Kanyang buhay dito sa mundo. Kabilang sa mga ito ang mga hula tungkol sa Kanyang kaiibang pagsilang (Isaias 7:14), ang Kanyang ministeryo sa lupa (Isaias 61:1), at maging kung papaano Siya mamamatay (Awit 22). Ginulat ni Jesus ang mga relihiyosong Judio ng tumayo Siya sa isang sinagoga sa Nazareth at bumasa mula sa Isaias 61 pagkatapos ay nagtapos sa isang komento: "Ang kasulatang ito na inyong narinig ay natupad ngayon" (Lukas 4:18–21).

Ang isa pang katibayan na si Jesus ay nasa Lumang Tipan ay sa Kanyang pagpapakita sa anyong tao bilang Anak ng Diyos bago Siya maging tao. Ginagamit sa Lumang Tipan ang mga terminolohiyang anghel ng Panginoon bilang pamalit sa titulong "ang Panginoon" sa pagtukoy sa mga pagpapakitang ito. Ang isang pangyayaring ganito ay makikita sa Genesis 18:1–33 ng magpakita ang Panginoon kay Abraham sa anyo ng tao. Ang ganitong pakikipagusap sa Diyos ay nakakalat sa buong Lumang Tipan (Genesis 16:7–14; 22:11–18; Hukom 5:23; 2 Hari 19:35; Daniel 3:25).

Ngunit may mas lalong malalim na paraan kung paanong makikita si Jesus sa Lumang Tipan. Ang mga ito ay tinatawag na mga "tipo" o "types." Ang isang tipo ay isang persona o bagay sa Lumang tipan na kumakatawan sa isang persona o bagay sa Bagong Tipan. Halimbawa, makikita si Moises bilang isang tipo ni Jesus. Gaya ni Jesus, mahalaga ang pagsilang ni Moises. Kinalaban niya ang masasamang kapangyarihan ng kanyang panahon, at pinangunahan ang Kanyang bayan sa kalayaan sa pamamagitan ng isang mahimalang pagliligtas. Ang buhay ni Jose ay isa pang tipo ng buhay ni Jesus na makikita sa Lumang Tipan.

Maraming mga kaganapan sa kasaysayan ng Lumang Tipan ang nagsisilbing simbolo sa gagawin ng Diyos sa hinaharap sa pamamagitan Cristo. Halimbawa noong utusan ng Diyos si Abraham na ihandog ang kanyang anak. Binanggit ni Abraham ang hula bilang sagot sa taong ni Isaac na nasaan ang tupa na kanilang ihahandog: "Anak, ang Diyos ang magbibigay niyon" (Genesis 22:8). Ipinagkaloob nga ng Diyos kay Abraham ang isang tupa bilang kahalili ni Isaac na sumisimbolo sa gagawin ni Jesus na paghahandog mahigit isang libong taon ang nakalilipas sa mismong bundok kung saan inialay din ni Abraham si Isaac upang mamatay bilang ating kahalili (Mateo 27:33). Ang mga pangyayari na nakapaloob sa pagaalay kay Isaac ay nagsisilbing isang tipo sa paghahandog ni Cristo.

Tinukoy ni Jesus ang isa pang pangyayari sa kasaysayan ng Israel bilang simbolo sa pagpapako sa Kanya sa krus. Habang nasa ilang, nagkasala ang mga taong sumsunod kay Moises at nagpadala ang Diyos ng mga ahas para sila kagatin. Habang namamatay ang mga tao, humingi sila ng tulong kay Moises. Sinabi ng Diyos kay Moises na gumawa ng isang ahas na tanso at ilagay iyon sa isang poste. Ang lahat ng tumingin dito ay gumagaling (Bilang 21:4–19). Binanggit ni Jesus ang insidenteng ito sa Juan 3:14–15: "At kung paanong itinaas ni Moises ang tansong ahas doon sa ilang, gayundin naman, kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan."

Ang disenyo ng Diyos sa Tabenakulo ay isa pang paraan kung paanong ipinakita si Jesus sa Lumang Tipan. Ang altar sa patyo ay sumisimbolo sa pangangailangan ng paghahandog ni Cristo para sa pagaalis ng parusa sa ating kasalanan. Ang palangganang hugasan ay sumisimbolo kay Jesus bilang "tubig ng buhay" (Juan 4:14). Sa loob ng dakong banal, ang lampara ay sumisimbolo kay Jesus bilang "ilaw ng sanlibutan" (Juan 9:5). Ang mesa ng tinapay ay si Jesus bilang "tinapay ng buhay" (Juan 6:35). Ang altar ng insenso ay sumisimbolo kay Jesus bilang ating "tagapamagitan sa langit," na patuloy na nananalangin para sa atin (Roma 8:34; Hebreo 7:25). Ayon sa Hebreo 10:20, ang tabing sa harapan ng kaban ng tipan ay larawan ni Jesus bilang isang tao.

Ang Anak ng tao ay hindi lamang makikita sa Bagong Tipan; si Jesus ay nasa Lumang Tipan din naman. Si Jesus ang ipinangakong Mesiyas ng Diyos. Mula sa pagsisilang sa Kanya ng isang birhen sa Bethlehem (Isaias 7:14; Lukas 1:35; Mikas 5:2), hanggang sa Kanyang pagpunta sa Egipto (Oseas 11:1; Mateo 2:14–15), sa kanyang ministeryo ng pagpapagaling at pagbibigay ng pag-asa (Genesis 3:15; 1 Juan 3:8), hanggang sa Kanyang pagkabuhay na mag-uli (Awit 16:9–11; Gawa 2:31), si Jesu Cristo ang tema ng Luma at Bagong Tipan. Masasabing si Jesus ang dahilan ng pagsulat sa Biblia. Siya ang buhay na Salita. Ang buong Biblia ay ilaw na nagtuturo sa atin patungo sa iniaalok na pakikipagkasundo ng Diyos, ang pag-asa sa kapatawaran at buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Jesu Cristo na ating Panginoon.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Si Jesus ba ay nasa Lumang Tipan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries