Tanong
Ano ang ibig sabihin na darating si Jesus sa mga ulap (Pahayag 1:7)?
Sagot
Sinasabi sa Pahayag 1:7, “‘Tingnan ninyo, dumarating siyang nasa mga ulap at makikita siya ng lahat, pati ng mga tumusok sa kanya; tatangis ang lahat ng lipi sa lupa dahil sa kanya. Magkagayon nawa. Amen.”’ Pinagsasama ng talatang ito ang dalawa pang mga talata: ang Mateo 26:64, kung saan sinasabi ni Jesus sa Sanedrin na “makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng makapangyarihang Diyos at dumarating na nasa ulap!”; at ang Zacarias 12:10, kung saan sinasabi na magluluksa sila kung makita nila ang “isa na kanilang sinaksak.”
May ilan na sinusubukang gawing alegorya ang Pahayag 1:7 sa pamamagitan ng paglalagay ng pakahulugang simbolismo sa salitang “mga ulap.” Pero hindi kailangang maghanap ng nakatagong kahulugan sa talatang ito dahil sinasabi ng talata ang gusto nitong sabihin, gaya ng sinasabi ng dalawa pang talata na may kaugnayan dito. Hindi kailangang pahirapan ang sarili kundi literal na unawain na “darating Siya sa mga ulap.” Simple itong nangangahulugan na magpapakita si Cristo sa lahat ng tao habang dumarating Siya sa lupa mula sa langit.
Pagkatapos na ibigay ni Jesus sa kanyang mga alagad ang Dakilang Utos, “si Jesus ay iniakyat sa langit habang ang mga alagad ay nakatingin sa kanya, at natakpan siya ng ulap” (Gawa 1:9). Habang nakatayo doon ang mga alagad at tinatanaw ang Panginoon, dalawang anghel ang nagpakita sa kanila at sinabi, “Kayong mga taga-Galilea, bakit kayo nakatayo rito at nakatingin sa langit? Itong si Jesus na umakyat sa langit ay magbabalik gaya ng nakita ninyong pag-akyat niya” (Gawa 1:11). Ang ulap ay binanggit sa Kanyang pagakyat sa langit, ang mga ulap ay binanggit din sa Kanyang muling pagbabalik. Hindi ito maaaring alegorya lamang dahil literal ang nangyaring pag-akyat hindi alegorya. Kaya literal din ang mangyayaring pagbabalik ni Jesu Cristo hindi alegorya.
English
Ano ang ibig sabihin na darating si Jesus sa mga ulap (Pahayag 1:7)?