Tanong
Ano ang mga pangunahing katuruan ni Jesus?
Sagot
Ang mga pangunahin sa katuruan ni Jesus ay malalim ngunit simple para maunawaan ng isang bata; espiritwal ngunit napapanahon sa pang araw-araw na buhay. Itinuro ni Jesus na Siya ang katuparan ng mga hula, na hinihingi ng Diyos ang higit sa panlabas na pagsunod sa kanyang mga utos, na ang kaligtasan ay para sa mga naniniwala kay Cristo, at ang paghatol ay parehong magaganap sa mga sumasampalataya at sa mga hindi nagsisisi.
Itinuro ni Jesus na ang bawat tao ay nangangailangan ng kaligtasan at ang katayuan ng tao sa buhay, mahirap man siya o mayaman, kilala o hindi kilala sa lipunan ay walang kaugnayan sa kanyang halaga sa harapan ng Diyos; nagtungo si Jesus sa lupa para iligtas ang tao sa lahat ng antas ng buhay. Wala ring kinalaman ang mga kasalanan ng isang tao sa nakalipas para siya makatanggap ng kapatawaran, at hinimok ni Jesus ang Kanyang mga tagasunod na patawarin ang nagkasala sa kanila kung paanong pinatawad sila ng Diyos (Mateo 18:21–35; Lukas 7:47). Si Zaqueo ay isang mayamang maniningil ng buwis na walang dudang hinahamak sa kanyang sariling bayan (Lukas 19:7), ngunit gumugol si Jesus ng panahon kasama siya. Sinabi sa kanya ni Jesus, "Ang kaligtasan ay dumating ngayon sa sambahayang ito" (Lukas 19:9). Ano ang dahilan? Nagtiwala si Zaqueo kay Jesus at ipinakita niya ito sa kanyang pagsisisi sa kanyang mga nagdaang kasalanan at nangako na mabubuhay sa pagkakawanggawa (Lukas 19:8). "Ang Anak ng Tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang naligaw" ang sinabi ni Jesus sa mga nagmamasid na kritiko (Lukas 19:10). Wala Siyang pakialam kung ang isang naliligaw ay mayaman o mahirap, babae o lalaki, pulubi o hari. Ang lahat ng tao ay kinakailangang isilang na muli (Juan 3:3).
Itinuro din ni Jesus na ang daan patungo sa Diyos ay sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng mabubuting gawa. Pinuri Niya ang may pananampalataya (Lukas 7:9) at hinamon ang mga nagtitiwala sa kanilang mga gawa (Mateo 7:22–28). Minsan isang binatang mayaman ang nagtanong kay Jesus, "Mabuting guro, ano ang dapat kung gawin upang magmana ng buhay na walag hanggan?" (Markos 10:17). Sumagot si Jesus sa pamamagitan ng isa ring tanong: "Bakit mo Ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang" (Markos 10:18). Hindi itinatanggi ni Jesus ang Kanyang pagiging Diyos o ang Kanyang kabutihan, ngunit alam Niya na hindi Siya kinikilala ng binatang mayaman. Sa Kanyang tanong, ipinapakita ni Jesus na anuman ang iniisip ng binatang ito na nagpapaging mabuti sa tao ay mali dahil walang sinuman ang makakagawa ng anuman para gumawa ng sapat na "kabutihan" para magmana ng buhay na walang hanggan (Juan 14:6). Kapareho ng pananaw ng binatang mayaman ang pananaw ng mga lider ng relihiyon ng panahon ni Jesus na nagtuturo na ang pagsunod sa mga utos ng Diyos ang magpapaging-dapat sa tao sa harap ng Diyos. Marami pa ring tao sa ngayon ang iniisip na sapat ang kanilang mabuting pamumuhay at mabubuting gawa para sila makapunta sa langit.
Sinabi ni Jesus sa binatang mayaman na kailangan niyang isuko ang kanyang kayamanan at sumunod sa Kanya (Markos 10:21). Hindi ito sinabi ni Jesus dahil ang pagkakawang-gawa ang magpapaging matuwid sa lalaking ito kundi dahil alam Niya na ang diyos ng lalaking ito ay ang kanyang kayamanan. Ang tanging iniisip ng binatang mayaman ay tumutupad siya sa kautusan at hindi siya gahaman. Tumalikod siya kay Jesus at nalungkot dahil sa "siya'y napakayaman" (Markos 10:22). Itinuturo ni Jesus na tanging Siya lamang ang pinanggagalingan ng buhay na walang hanggan. Kung ang sinuman ay nagnanais na magmana ng buhay na walang hanggan, tanging si Jesus lamang ang dapat niyang sundin at sambahin (Juan 6:45–51; 8:31; 10:27; 15:4, 14).
Sa puso ng katuruan ni Jesus ay ang Mabuting Balita ng pagdating ng Kaharian ng Diyos. Ang Kaharian ay binanggit ng mahigit sa 50 beses sa mga Ebanghelyo. Marami sa mga talinghaga ni Jesus ay patungkol sa Kaharian (Mateo 13:3–9; 13:24–30; 13:31–32; 13:33). Sa katunayan, sinabi ni Jesus na isinugo Siya para sa tanging layunin na ipangaral ang pagdating ng Kaharian (Lukas 4:43).
Itinuro ni Jesus na nagsimula ang Kaharian ng Diyos noong Siya ay magministeryo sa lupa. Malinaw ang ebidensya: naganap ang mga hula, nakakita ang mga bulag, nabuhay ang mga patay, at pinatawad ang mga kasalanan. Ngunit itinuro din ni Jesus na may isang aspeto ng Kaharian na hindi pa dumarating (Lukas 9:27). Ang Kanyang kaharian ay lumalawak at isang araw, ito ay makikita ng lahat (Lukas 13:18–21). Sa pangkaraniwang tinatawag na "panalangin ng Panginoon," itinuro ni Jesus na malanangin tayo para sa pagdating ng Kanyang kaharian (Mateo 6:10). Itinuro ni Jesus sa Kanyang mga tagasunod na alalahanin ang Kanyang pagkatawag sa kanila: Sila ay mga instrumento ng biyaya ng Diyos habang ibinabahagi nila ang Mabuting Balita tungkol sa pagdating ni Cristo. Mas maraming tao ang magiging tagasunod ni Jesus, mas mararamdaman at nalalapit na ang pagdating ng Kanyang kaharian dito sa lupa.
English
Ano ang mga pangunahing katuruan ni Jesus?