Tanong
Nasaan si Jose noong matanda na si Hesus?
Sagot
Ang huling pagbanggit kay Jose sa Bibliya ay noong 12 taon pa lamang si Hesus. Sa kanilang pagbabalik mula sa Jerusalem, nahiwalay si Hesus sa Kanyang mga magulang at natagpuan Siya di kalaunan sa templo habang nakikipagusap sa mga guro. Noon Niya ipinahayag sa Kanyang mga magulang na dapat Siyang lumagi sa tahanan ng Kanyang Ama. Iyon din ang huling pagkakataon na nabanggit sa Bibliya ang pangalan ni Jose na Kanyang ama sa lupa (Lukas 2:41-50).
Dahil hindi na muling nabanggit pa si Jose, mas nakararaming iskolar ang nagpapalagay na namatay na si Jose bago pa nagumpisa si Hesus ng Kanyang ministeryo sa publiko. Noong mabanggit ang kasalan sa Cana sa Juan2, kapansin pansin na wala na si Jose. Makikita natin doon si Maria, ngunit walang banggit tungkol kay Jose. Maaring ang isa sa mga dahilan kung bakit nanatili si Hesus sa kanilang tahanan hanggang sa sumapit ang Kanyang ika-30 kaarawan ay dahil inako Niya ang responsibilidad para maibigay ang mga pangangailangan ng Kanyang pamilya.
Ang teorya na namatay na si Jose bago si Hesus magministeryo ay mas napagtibay ng ihabilin ni Hesus ang Kanyang inang si Maria sa pangangalaga ni Apostol Juan (Juan 19:26-27). Maaaring patay na si Jose noong ipako si Kristo sa krus dahil kung hindi gayon ay hindi Niya ihahabilin si Maria kay apostol Juan. Kung buhay si Jose, hindi ni Hesus sasabihin kay Juan “Narito, ang iyong ina! At buhat nang oras na yaon ay tinanggap siya ng alagad sa kaniyang sariling tahanan.” Kung buhay si Jose, tiyak na kanyang sasabihin, “Teka muna, ako ang may responsibilidad sa kanya.” Tanging isa lamang balo ang inihahabilin sa pangangalaga ng isang taong hindi niya kapamilya.
Ipinagpapalagay naman ng iba na maaaring namatay si Jose habang nagmiministeryo si Hesus sa publiko. Hindi ito kapanipaniwala dahil kung namatay si Jose sa loob ng tatlong taong pagmiministeryo ni Hesus, iyon ay isang malaking pangyayari at walang duda na pupunta si Hesus kasama ang Kanyang mga alagad sa burol ni Jose at tiyak na mababanggit ito sa alinman sa apat na Ebanghelyo. Bagamat hindi natin alam ang tiyak na panahon, ang pinakakatanggap tanggap na senaryo ay namatay na si Jose bago si pa Hesus magministeryo sa publiko.
English
Nasaan si Jose noong matanda na si Hesus?