settings icon
share icon
Tanong

Itinuturo ba ng Juan 3:5 na ang bawtismo ay kinakailangan para sa kaligtasan?

Sagot


Malalaman natin ang itinuturo ng bawat talata o sitas sa Bibliya kung isasaalang-alang natin ang ating mga nalalaman sa itinuturo ng buong Bibliya patungkol sa isang paksa. Sa kaso ng bawtismo at kaligtasan, malinaw na itinuturo ng Bibliya na ang kaligtasan ay sa biyaya lamang sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo, hindi sa anumang mabubuting gawa, kasama rito ang bawtismo (Efeso 2:8-9). Kaya nga, ang anumang pagpapakahulugan sa alinmang talata na kinakailangan ang bawtismo o anumang gawa ng tao para sa kaligtasan ay isang maling interpretasyon. Para sa iba pang impormasyon tungkol sa paksang ito, pakibasahin ang aming artikulo na may pamagat na "Ang kaligtasan ba ay sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya, o sa pamamagitan ng pananampalataya at mga gawa?"

Sinasabi sa Juan 3:3-7, "Sumagot si Jesus, "Sinasabi ko sa inyo: maliban na ipanganak na mulia ang isang tao, hindi siya paghaharian ng Diyos." "Paano pong maipanganganak na muli ang isang tao kung matanda na siya? Makapapasok pa ba siya sa tiyan ng kanyang ina para ipanganak uli?" tanong ni Nicodemo. "Sinasabi ko sa inyo," ani Jesus, "maliban na ang tao'y ipanganak sa tubig at sa Espiritu, hindi siya paghaharian ng Diyos. Ang ipinanganak sa laman ay laman, at ang ipinanganak sa Espiritu ay espiritu. Huwag kayong magtaka sa sinabi ko sa inyo, 'Lahat ay kailangang ipanganak na muli.'.'"

Kung uunawain ang bahaging ito ng Kasulatan, mahalaga munang malaman na hindi binabanggit sa konteksto ang paksa tungkol sa bawtismo sa tubig. Habang binanggit ang bawtismo sa huling bahagi ng kabanatang ito ng Juan, (Juan 3:22-30), ito ay sa ibang lokasyon (sa Judea sa halip na sa Jerusalem) at ibang panahon hindi noong nakikipagusap si Hesus kay Nicodemo. Hindi sinasabi ni Hesus na hindi pamilyar kay Nicodemo ang turo tungkol sa bawtismo sa tubig dahil ginagawa din ito sa mga hentil na nagnanais maging miyembro ng relihiyong Judaismo at ginawa din ito ni Juan Bautista sa kanyang pagmiministeryo. Gayunman, ang simpleng pagbabasa ng mga talatang ito sa konteksto ay nagpapakita na walang dahilan upang ipalagay na tungkol sa bawtismo sa tubig ang itinuturo ni Hesus kay Nicodemo, maliban na lamang kung mayroong ganitong kaisipan o teolohiya ang isang tao bago ipaliwanag ang mga talata. Ang pagpapaliwanang sa mga talatang ito na ito ay tungkol sa pagbabawtismo sa tubig dahil lamang may nabanggit na tubig sa mga talata ay hindi tamang pangunawa sa mga talata.

Ang mga naniniwala na kailangan ang bawtismo para sa kaligtasan ay ginagamit ang salitang "ipinangananak sa tubig" sa talatang ito bilang ebidensya. Gaya ng pahayag ng isang taong ganito ang paniniwala, "inilalarawan ni Hesus at malinaw na sinasabi kung paano maligtas - at ito ay sa pamamagitan ng bawtismo sa tubig at bawtismo sa Espiritu. Ito ang perpektong paglalarawan sa bawtismo sa tubig! Wala ng mas lilinaw pa sa talatang ito na tunay na ang bawtismo sa tubig ay kailangan para sa kaligtasan." Ngunit kung talagang ang ibig sabihin ni Hesus sa talatang ito ay kailangang mabawtismuhan sa tubig ang isang tao para maligtas, tiyak na sasabihin Niya ng walang pagaalinlangan, "Katotohanang katotohanang sinasabi ko sa inyo, malibang mabawtismuhan ang tao sa tubig at sa Espiritu, hindi siya makapapasok sa kaharian ng Diyos." Gayundin, kung sinabi ni Hesus ang pangungusap na ito, sasalungatin Niya ang napakaraming talata sa Bibliya na malinaw na nagtuturo na ang kaligtasan ay sa biyaya sa pamamagitan lamang ng pananampalataya at hindi sa bawtismo (Juan 3:16; 3:36; Efeso 2:8-9; Tito 3:5).

Dapat nating tandaan na noong nakipagusap si Hesus kay Nicodemo, hindi pa iniuutos ni Hesus ang pagbabawtismo. Ang ganitong wala sa lugar na pangunawa sa Kasulatan ay makikita kung tatanungin kung bakit naligtas ang magnanakaw sa krus gayong hindi siya nabawtismuhan. Ang kanilang karaniwang sagot sa tanong na ito ay :Ang magnanakaw ay nasa ilalim pa ng Lumang Tipan at dahil doon hindi niya kailangang dumaan sa pagbabawtismo sa tubig ngunit naligtas siya kagaya ng mga nasa ilalim ng Lumang Tipan." Kaya sa esensya, ang parehong mga tao na nagsasabi na hindi kinakailangan ng magnanakaw na mabawtismuhan dahil nasa ilalim pa siya ng Lumang Tipan ay siya ring gumagamit sa Juan 3:5 bilang "katibayan" na kinakailangan ang bawtismo para sa kaligtasan. Ipinagpipilitan nila na sinasabi ni Hesus kay Nicodemo na kailangan nioyang mabawtismuhan sa tubig upang maligtas, kahit na maging si Nicodemo gaya ng magnanakaw ay nasa ilalim rin ng Lumang Tipan. Kung ang magnanakaw sa krus ay naligtas kahit hindi siya nabawtismuhan (dahil nasa ilalim siya ng Lumang Tipan), bakit sasabihin ni Hesus kay Nicodemo (na nasa ilalim din ng Lumang Tipan) na kailangan niyang mabawtismuhan upang maligtas?

Kung ang "pagsilang sa tubig at sa Espiritu" ay hindi tumutukoy sa bawtismo sa tubig, ano ngayon ang kahulugan ng talatang ito? Sa tradisyonal na interpretasyon, may dalawang pagpapakahulugan sa pariralang ito. Una, ang "kapanganakan sa tubig" ay ginamit ni Hesus upang tukuyin ang natural na kapanganakan (kung saan ang tubig ay tumutukoy sa bahay panubigan na kung saan nababalot ang bata sa sinapupunan ng ina) at ang kapanganakan sa Espiritu ay tumutukoy naman sa espiritwal na kapanganakan. Habang ito ay isa sa mga tiyak at posibleng interpretasyon sa terminong "ipinanganak sa tubig" at tumutugma sa konteksto ng tanong ni Nicodemo na papaano siyang maipanganganak kung matanda na siya, hindi ito ang pinakamagandang interpretasyon sa mga talata. Hindi ni Hesus itinuturo ang pagkakaiba sa pagitan ng natural na kapanganakan at espiritwal na kapanganakan. Itinuturo Niya kay Nicodemo na kinakailangan na ito'y ipanganak sa itaas o ipanganak na muli upang maligtas."

Ang ikalawang pangkaraniwang interpretasyon sa talatang ito ay siyang pinakaangkop sa pangkalahatang konteksto hindi lamang ng talata kundi ng buong Bibliya sa kabuuan. Ito ay ang pagtukoy sa sa pariralang "ipanganak sa tubig at sa Espiritu" bilang paglalarawan sa dalawang aspeto ng espiritwal na kapanganakan o ng "kapanganakang muli" o "kapangakan mula sa itaas." Hindi ni Hesus tinutukoy ang literal na tubig (bawtismo sa tubig o bahay panubigan) kundi ang tinutukoy Niya ay ang pangangailangan ng espiritwal na paglilinis. Sa buong Lumang Tipan, (Awit 51:2,7; Ezekiel 36:25) at sa Bagong Tipan (Juan 13:10; 15:3; 1 Corinto 6:11; Hebreo 10:22), ang tubig ay karaniwang ginagamit upang ilarawan ang espiritwal na paglilinis ng Banal na Espiritu sa tao, sa pamamagitan ng Salita ng Diyos sa oras ng kaligtasan (Efeso 5:26; Tito 3:5).

Inilarawan ng The Barclay Daily Study Bible ang konseptong ito sa ganitong kaparaanan: "May dalawang kaisipan sa talatang ito. Ang tubig ay simbolo ng paglilinis. Nang angkinin ni Hesus ang ating mga buhay, nang ibigin natin Siya ng ating buong puso, ang lahat ng ating mga kasalanan ay pinatawad na at hindi na muling aalalahanin pa ng Diyos. Ang Espiritu ay simbolo ng kapangyarihan. Nang magumpisang panahanan ng Banal na Espiritu an gating mga puso, hindi lamang tayo nilinis at nilimot ang ating nakaraan, kundi binigyan din tayo ng kakayahan ng Banal na Espiritu upang maging mga babae at lalaki na binago ng Diyos, isang bagay na hindi natin kayang gawin sa ating sariling kakayahan. Ang tubig at Espiritu ay kumakatawan sa paglilinis at pagbibigay sa atin ng kalakasan ni Kristo na pumawi sa ating nakaraan at nagbibigay sa atin ng tagumpay sa hinaharap."

Kaya nga ang "tubig" na binanggit sa talatang ito ay hindi literal na tubig kundi ang "tubig ng Buhay: na ipinangako ni Hesus sa babae sa balon sa Juan 14:10 at sa mga tao sa Jerusalem sa Juan 7:37-39. Ito ang panloob na paglilinis at pagpapanibago na ginagawa ng Banal na Espiritu na siyang nagbigay ng espiritwal na buhay sa isang taong "patay sa kasalanan" (Ezekiel 36:25-27; Titus 3:5). Binigyang linaw ni Hesus ang katotohanang ito sa Juan 3:7 ng kanyang ulitin na kinakailangang maipanganak na muli ang isang tao at ang bagong buhay ay maipagkakaloob sa kanya ng Banal na Espiritu (Juan 3:8).

Ito ang mga kadahilanan kung bakit ito ang tamang interpretasyon sa pariralang "isinilang sa tubig at sa Espiritu." Una, dapat nating malaman na ang salitang Griyego na isinalin sa salitang "muli" ay may dalawang posibleng kahulugan. Ang una ay "muli at ang ikalawa ay "mula sa itaas." Inakala ni Nicodemo na ang kahulugan ng salitang "isilang sa tubig at sa Espiritu" ay literal na kapanganakan kaya hindi niya iyon naintindihan. Ito ang dahilan kung bakit niya sinabi na "paanong ang isang taong matanda na ay muling papasok sa tiyan ng kanyang ina upang ipanganak na muli." Kaya nga, muling inulit ni Hesus ang salitang "ipinanganak na muli" sa ibang paraan upang maunawaan niya ang Kanyang ibig sabihin. Sinabi ni Hesus na ang kapanganakang ito ay "kapanganakan mula sa itaas." Sa ibang salita, ang salitang "ipinanganak mulas a itaas" at "ipinanganak sa tubig at sa Espiritu" ay kaparaanan ni Hesus upang tukuyin ang parehong bagay.

Ikalawa, mahalagang maintindihan na ang gramatikong Griyego na ginamit sa talatang ito ay nagpapahiwatig na ang "pagsilang sa tubig" at "pagsilang sa espiritu" ay iisa lamang at hindi dalawang bagay. Hindi ito tungkol sa dalawang magkaibang pagsilang, gaya ng maling pangunawa ni Nicodemo, kundi ng isa lamang pagsilang at iyon ay ang "kapanganakan mula sa itaas o espiritwal na kapanganakan" na kinakailangan ng isang tao upang makita ang "kaharian ng Diyos." Ang pangangailangang ito ng pagsilang na muli ay napakahalaga kaya't sinabi ni Hesus kay Nicodemo ang kahalagahan nito ng tatlong beses sa kabanatang ito ng Akalt ni Juan (Juan 3:3, 5, 7).

Ikatlo, ang tubig ay laging ginagamit sa Bibliya bilang simbolo ng gawain ng Banal na Espiritu sa pagpapaging banal sa mga mananampalataya, kung saan nililinis ng Diyos ang puso at kaluluwa ng mananampalataya. Sa maraming mga talata sa Luma at Bagong Tipan, ang gawain ng Banal na Espiritu ay ikinukumpara sa paglilinis (Isaiah 44:3; Juan 7:38-39).

Sinaway ni Hesus si Nicodemo sa pamamagitan ng tanong na, "guro ka pa naman sa Israel at hindi mo nalalaman ang mga bagay na ito?" (Juan 3:10) . Ipinapahiwatig nito na ang sinabi ni Hesus kay Nicodemo ay isang bagay na dapat na nalalaman at nauunawaan ni Nicodemo. Bakit hindi naunawaan ni Nicodemo na isang guro ng Lumang Tipan ang bagay na ito? Ang Diyos ang Siyang nangako na darating ang panahon na, "Wiwisikan ko kayo ng tubig na dalisay upang kayo'y luminis. Aalisin ko rin ang naging mantsa ninyo dahil sa inyong mga diyus-diyusan. Bibigyan ko kayo ng bagong puso at bagong espiritu. Ang masuwayin ninyong puso ay gagawin kong masunurin. Bibigyan ko kayo ng aking Espiritu upang makalakad kayo ayon sa aking mga tuntunin at masunod ninyong mabuti ang aking mga utos" (Ezekiel 36:25-27). Sinaway ni Hesus si Nicodemo dahil nabigo siyang maalala at maunawaan ang isa sa mga susing talata sa Lumang Tipan na naganap sa Bagong Tipan (Jeremias 31:33). Dapat na nauunawaan ni Nicodemo ang bagay na ito bilang guro ng Lumang tipan. Bakit sasawayin ni Hesus si Nicodemo dahil sa hindi nito pagkaunawa sa bawtismo, gayong ang bawtismo sa tubig ay hindi binanggit saan man sa Lumang Tipan?

Habang hindi itinuturo ng talatang ito na kinakailangan ang bawtismo para sa kaligtasan, dapat na hindi natin balewalain ang kahalagahan ng bawtismo. Ang bawtismo ay isang panlabas na tanda o simbolo ng mga naganap sa isang tao matapos na siya ay isilang na muli. Hindi dapat na balewalain o maliitin ang kahalagahan ng bawtismo. Gayunman hindi ito ang nagligtas sa atin. Ang nagligtas sa atin ay ang paglilinis sa atin ng Banal na Espiritu ng tayo ay isilang na muli at Kanyang buhayin mula sa kamatayang espiritwal (Titus 3:5).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Itinuturo ba ng Juan 3:5 na ang bawtismo ay kinakailangan para sa kaligtasan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries