settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Judaismo (Judaism) at ano ang pinaniniwalaan ng mga Hudyo?

Sagot


Ano ang Judaismo at sino at ano ang isang Hudyo? Ang Judaismo ba ay isa lamang simpleng relihiyon? Ito ba ay pagkakakilanlan sa kultura o isang grupong etniko? Ano ang pinaniniwalaan ng mga Hudyo at magkakapareho ba ang kanilang paniniwala?

Pinakahuluganan ng diksyunaryo ang isang "Hudyo" na "isang miyembro ng tribu ni Judah," "isang Israelita," "isang miyembro ng isang bansa na lumitaw sa Palestina noong ika-anim na siglo B.C . hanggang unang siglo A.D.," isang tao na kabilang sa pagpapatuloy ng lahi o kabilang sa sinaunang lahi ng mga Hudyo," at "isang tao na kabilang sa relihiyong Judaismo."

Ayon sa rabinikal na Judaismo, ang isang Hudyo ay isang tao na may ina na isang Hudyo o isang tao na pormal na nakabilang sa pananampalatayang Judaismo. Laging binabanggit ang Levitico 34:10 upang patunayan ang pagpapakahulugang ito, bagama't hindi ito partikular na binabanggit sa Torah. May ilang Rabbi (guro ng Judaismo) na nagsasabi na ang pagiging Hudyo ay walang kinalaman sa paniniwala ng isang indibidwal. Sinasabi nila na hindi kailangang maging tagasunod ng mga kaugaliang Hudyo o sumang ayon sa batas ng mga Hudyo ang isang tao upang maituring na isang Hudyo. Ang totoo, ang isang Hudyo ay maaaring walang paniniwala sa Diyos ngunit maituturing pa rin na isang Hudyo ayon sa interpretasyon ng ibang mga Rabbi.

May ibang mga guro ng Judaismo na nagsasabi na malibang sundin ng isang tao ang mga katuruan ng Torah at tanggapin ang "labintatlong Prinsipyo ng Pananampalataya" ng mga Maimonides (katuruan ni rabbi Moseh ben Maimon, isa sa mga pinakadakilang iskolar ng mga Hudyo), hindi siya maaaring maging isang Hudyo. Kahit na ang isang tao ay kabilang sa lahing Hudyo, malibang sundin niya ang "labintatlong Prinsipyo ng Pananampalataya," wala siyang kaugnayan sa Judaismo.

Sa Torah - sa unang limang aklat ng Bibliya - itinuturo ng Genesis 14:13 na si Abraham ang itinuturing na unang Hudyo na inilarawan bilang isang "Hebreo." Ang pangalang "Hudyo" ay nagmula sa pangalan ni Judah na isa sa labindalawang anak ni Jacob at isa sa labindalawang tribu ng Israel. Waring ang pangalang "Hudyo" ay orihinal na tumutukoy para lamang sa mga miyembro ng tribu ni Judah, ngunit ng mahati ang kaharian ng Israel pagkatapos ng paghahari ni Solomon (1 Hari 12), ang katawagang ito ay tumukoy na sa sinumang kabilang sa kaharian ng Judah na binubuo ng mga tribu ni Judah, Benjamin at Levi. Sa ngayon, maraming naniniwala na ang isang Hudyo ay sinumang tao na nanggaling sa lahi ni Abraham, Isaac at Jacob saan mang tribu siya ng Israel nanggaling.

Kaya ano ang pinaniniwalaan ng mga Hudyo, at ano ang mga pangunahing katuruan ng Judaismo? May limang (5) pangunahing sekta ng Judaismo sa kasalukuyan. Ito ay ang Orthodox, Conservative, Reformed, Reconstructionist at Humanistic. Ang mga paniniwala at ang mga kinakailangan upang mapabilang sa mga sektang ito ng Judaismo ay napakalaki ng pagkakaiba; gayunman, ang isang maiksing litahan ng mga tradisyunal na paniniwala ng Judaismo ay ang mga sumusunod:

Ang Diyos ang lumikha ng lahat ng mga bagay: siya ay iisa, walang pisikal na katawan, at Siya lamang ang dapat sambahin bilang tagapamahala ng buong sansinukob.

Ang unang limang aklat ng Bibliyang Hebreo ay ipinahayag ng Diyos kay Moises. Hindi magbabago ang mga ito o madadagdagan sa hinaharap.

Nakipagusap ang Diyos sa mga Hudyo sa pamamagitan ng mga propeta.

Sinusubaybayan ng Diyos ang mga gawain ng lahat ng tao; Ginagantimpalaan Niya ang mga indibidwal dahil sa kanilang mga gawang mabuti at pinarurusahan naman sila sa kanilang mga kasamaan.

Bagama't nakabase ang marami sa sinasampalatayanan ng mga Kristiyano sa parehong Bibliyang Hebreo gaya ng mga Hudyo, may malaking pagkakaiba sa paniniwala sa pagitan ng dalawang relihiyon: Itinuturing ng mga Hudyo na ang mga gawa at paguugali ng tao ang pinakamahalaga at ang mga gawa ang pinagmumulan ng mga paniniwala. Ito ay sumasalungat sa katuruan ng mga konserbatibong Kristiyano na naniniwala na ang pananampalataya ang pinakamahalaga at ang mga gawa ay bunga lamang ng pananampalataya.

Hindi tinatanggap ng paniniwalang Hudyo ang kosenpto ng Kristiyanismo tungkol sa minanang kasalanan (ang paniniwala na nagmana ng kasalanan ang lahat ng tao ng sumuway si Adan at Eva sa Diyos sa Hardin ng Eden).

Pinaninindigan ng Judaismo ang likas na kabutihan ng tao at ng mundo bilang mga nilikha ng Diyos.

naniniwala ang mga Hudyo na kaya ng isang Hudyo na pabanalin ang kanyang sarili at lumapit sa Diyos pamamagitan ng pagtupad sa Mitzvoth (mga Banal na Kautusan).

Walang pangangailangan ang tao sa isang Tagapagligtas upang maging tagapamagitan niya sa Diyos.

Ang anim na raan at labintatlong kautusan na matatagpuan sa Levitico at iba pang mga aklat ang nagsisilbing gabay ng mga Hudyo sa lahat ng aspeto ng kanilang buhay. Ang Sampung Utos na isinaysay mula sa Exodo 20:1-17 at Deuteronomio 5:6-21 ay bumubuo ng sinopsis ng Kautusan.

Ang Mesias (ang pinahiran ng Diyos), ay darating sa hinaharap at iipunin Niya ang mga Hudyo sa Lupang Pangako, ang Israel. Magkakaroon ng pangkalahatang pagkabuhay na muli ng mga patay sa panahong iyon. Ang templo sa Jerusalem na winasak ng mga Romano noong 70 A.D. ay muling itatayo.

Magkakaiba ang paniniwala ng mga Hudyo tungkol kay Hesus. May ilan na naniniwala na si Hesus ay isang dakilang guro ng moralidad. Ang iba naman ay naniniwala na si Hesus ay isang bulaang propeta o diyus-diyusan ng Kristiyanismo. May ilang sekta ng Judaismo na hindi man lamang binabanggit ang Kanyang pangalan dahilan sa mahigpit na pagbabawal sa pagbanggit ng pangalan ng isang diyus diyusan.

Ang mga Hudyo ay karaniwang tinutukoy na Lahing Hinirang ng Diyos. Hindi ito nangangahulugan na sila ay mas mataas at katangi-tangi kaysa sa ibang lahi ng tao. Ang mga talata sa Bibliya gaya ng Exodo 19:5 ay nagsasabi na pinili ng Diyos ang Israel upang tumanggap at pagaralan ang Torah, sumamba sa isang Diyos, magpahinga sa araw ng Sabbath, at ipagdiwang ang mga kapistahan. Hindi pinili ang mga Hudyo upang magng higit na mataas kaysa sa ibang lahi ng tao; pinili sila upang magsilbing ilaw sa mga hentil at maging pagpapala sa lahat ng mga bansa.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Judaismo (Judaism) at ano ang pinaniniwalaan ng mga Hudyo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries